5 February 2006: 5th Sunday in Ordinary Time
Note: This is the same homily last Tuesday, January 11, 2006. The English translation is in this blog: please check January 11, 2006, the title is Taking Each Other's Hands. This is in Filipino, and I guess, some of you will find this useful.
Wika ni Victor Frankl, isang bantog na pilosopo, "Kailangang masunog muna ang nagbibigay-liwanag." Sa katunayan, ang mga sugatan ang siyang magaling magpagaling. Ang mga nakakapagpapaalab ng damdamin ang siyang nasakmal ng kawalan. At ang kaibigan ng kalungkutan ang lumiliyab na mangingibig.
Ang tema ng pagbasa ngayon ay hindi hungkag sa larangan ng kahirapan. Sa rurok ng kanyang sarili, dumadaing si Job, pumuputok ang puso sa matinding paghihinagpis. Bakit, aniya, kung kailan kita minahal, lalung sumisidhi ang kamalasan.
At sa kanyang pagdaing, idinadaing din ni Job ang pakikisumamo ng mundo--- ang mundong unti-unting naaagnas ng apoy ng kawalang-pag-asa. Sa lahat ng uri ng pababalita, maririnig natin ang iba't ibang uri ng pagpatay: taggutom sa Africa, digmaan sa Iraq at terrorismo sa Asya. Simbilis ng pagkalat ng apoy sa tuyong kogon ang pagdanak ng dugo sa buong daigdig. Walang niisa man sa atin ang ligtas--- ang yaong malayo sa digmaan at taggutom, sinisilaban ng panloob na suliranin.
Subalit batid nating may mga taong naka-igpaw sa mga suliraning nagbabanta ng kamatayan. Dumaan ang mga taong nanumbalik ang sigla at pag-asa sa isang uri ng karanasang mahirap ipaliwanag. Isang karanasan ng pagpapagaling. Tulad ng kuwento sa Ebanghelio ngayong araw.
Isinasalaysay ng Ebanghelio ang pagpapagaling sa biyenan ni San Pedro. Nakituloy sina Hesus, Andres, Santiago at Juan sa kanila. Subalit, dahil may lagnat siya, hindi sila maaasikaso. Madali itong maunawaan. Likas sa kagandahang-loob ng Pilipino ang igawad sa bisita ang pinakamarangal na paglilingkod. Iniaalay ng maybahay ang lahat-lahat mabigyan man lamang ang natatanging bisita ng nararapat na pag-aaruga. Kaya mahihiya ang maybahay kung hindi nito maasikaso ang mga panauhin--- lalung lalo na kung dumalaw ang mahal sa buhay.
Sa gayon, likas sa lahat ng nagkakasakit ang mangarap na gumaling. Samakatuwid, nagkaroon ng pag-asang gumaling ang biyenan ni San Pedro, hindi sa pananampalataya sa sariling kapangyarihang gumaling, kundi sa pakikiramay ni Hesus.
Sa ebanghelio ni Marcos, ang pagparam ng sakit ng biyenan ay nagkatotoo sa pamamagitan ng tatlong hakbang na mistulong isang kuwento ng muling pagkabuhay: "Lumapit si Hesus, inabot ang kamay, at ibinangon." Hindi nagtagal, "pinagsisilbihan ng biyenan sina Hesus." Naligtas siya sa isang malaking kahihiyan.
Samakatuwid, isang pagtugon sa kahirapan ang ginawa ni Hesus. Marahil kailangan nating isapuso ang katotohanang una tayong nailigtas ni Kristo sa putik ng kasalanan. Siya ang unang nag-abot ng kamay sa atin lahat. Nakikiisa sa bawat hagulgol sa dilim; nakisabay sa ating mga krus. Kaya, makakaasa tayo na sa ating paghihirap nauunawaan ni Hesus ang ating kalagayan.
Ganito rin ang ginawa ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Siya'y naging alipin upang sila'y makalaya. Siya'y naging isang Hudyo upang ang kapwa Hudyo ay mailigtas; naging mahina upang ang mahihina'y magkaroon ng lakas sa pamamagitan ng pamamahagi ng Mabuting Balita. Tulad ni Hesus at San Pablo, ang maysakit upang gumaling ay kailangang lapitan, puntahan, haplusin. Nagsisimulang gumaling ang sugat kapag yayapusin ng bawat panig ang bawat isa. Aniya Luciano de Crescenzo, "Tayo’y mga anghel na iisa lamang ang pakpak. Makakalipad lamang tayo kung kayakap natin ang bawat isa."
Upang makalipad, tunay na kailangan natin ang pakpak ng bawat isa. Batid natin kung ano ang nagagawa ng marahang haplos at tapik sa balikat. Ang haplos ng Diyos ang nakakapagbigay-buhay. Nakakagaan ng loob. Nakakagamot ng sugat. Naaalala ko nang sumakabilang buhay ang aking ama. Batid naming lahat na ito ang pinakamalungkot na yugto sa aming buhay. Ngunit nailigtas kami ng mga yakap at halik ng mga kaibigan at kamag-anak na nakiramay. Ang pakikiisa pala sa kapwang naghihinagpis ang tugon sa nakakagulat na katotohanan ng paghihinagpis. Sa pakikiisa, nanunumbalik ang buhay ng mga naaagnas. Gumagaling ang mga may karamdaman. At umuusbong ang binhi ng pag-asa.
Gayunpaman, hindi nagwawakas ang pagpapagaling. Ang nahahaplos ni Kristo ay gumagaling. Ang taong gumaling, naghahangad na paggalingin ang iba. Likas sa tao ang tulungan ang nangangailangan. Ang ating Ebanghelio nagtatapos nang ganito: "At sila'y pinaglingkuran niya." Ang paglilingkod na ito ay higit pang mas malalim: ang sinumang gumaling nagkakaroon ng panibagong buhay. Ang utang na loob na kaakibat ng umaapaw na pasasalamat sa Panginoon ay hindi mababayaran kailan man. Ang pagsisilbi sa Panginoon ay paglilingkod nang buong katapatan. Ang pag-aalay ng buong sarili ay nagbibigay-buhay sa kapwa. Sila ang mga nasugatan at nasaktan, nasilaban ng apoy ng kadalamhatian. Ang mga umigpaw ang ngayong umaalab, mga sulo ng mga nawawalang-pag-asa.
No comments:
Post a Comment