Hinuhubog ng Pagpipili


1 July 2007. The 13th Sunday in Ordinary Time
1 Kings 9, 16-21; Psalm 16; Galatians 5, 1, 13-15; Luke 5, 51-62

May parte sa ating buhay na maaari pa tayong pabago-bago, nakalutang, at nakikisabay sa agos ng panahon. Buhay binata o buhay dalaga. May panahon sa ating buhay na malaya tayo sa iisang ugnayan. May panahon na maari pang di-tiyak, walang kasiguradun at wala pang malinaw na direksiyon sa buhay. Maaari pa tayong magsabi ng, “bahala na”, “whatever” o “kahit ano, anything goes.” Ito ang mga panahon nung tayo ay bata pa, estudyante, o mga iilang taon pagkatapos ng graduation.

Nung naghahanap si Elias ng kahalili, natagpuan niya si Elisha, hindi sa mga paaralan ng mga propeta, kundi sa bukid, nagaararo at nagbubungkal ng lupa. Natagpuan ni Elisha ang tawag ng Diyos sa gitna ng pangkaraniwang gawain. Maraming mga tanyag sa Bibliya na natagpuan ang tawag ng Diyos sa pangkaraniwang trabaho. Si Moises ay nagaalaga ng tupa ng kanyang biyenan na si Jethro. Si David ay nagpapastol. Si Pedro, Juan at Santiago ay nangingisda. At si Pablo naman ay may pagawaan ng lambat. At si Jesus ay isang karpintero. Marami sa kanila ay hinugot sa nakasanayang gawin upang subukan ang isang buhay na kapakipakinabang.

Ito ang panahong nagtatanong na ang ating mga magulang at kaibigan: “Kailan ka ba lalagay sa tahimik?” “Kailan ba kayo magpapakasal?” “Ano ba ang plano mo sa buhay?” Kapag prankahang tinatanong tayo, inaanyayahan tayong pumili. Para kay Eliseo, ito ang panahong itinapon sa kanya ang balabal ni Elias. Ang balabal ay ang opisyal na damit ng mga propeta. Kapag ibinigay ang balabal sa iyo, kasama ang tanong kung nais nilang maging propeta habang buhay. Ang pagbibigay ng balabal isang simbolismo ng pagtawag ng propeta.

Sa pagpipili ng bokasyon natin sa buhay, ang dating malabo at walang direksyon ay nagkakaroon ng hugis at linaw. Kapag pinili nating magpakasal, ang kinabukasan ay nagiging malinaw. Kapag pinili nating maging pari, ang hinaharap nagiging matuwid. Natatapos ang pagpipili kapag naisaayos na ang walang kasiguraduhan sa buhay; mas nabibigyang buhay ang mga bagay na nais nating gawin o maging. Nakikilala tayo sa ating mga pagpipili. Our choices form us. Our decisions make our lives. Nagkakaroon ng direksyon ang ating buhay kung di tayo natatakot na magdesisyon.

Sabi ni Hesus sa ebanghelio, ang sino mang sumunod sa kanya kailangang iwanan ang lahat. Sa unang pagbasa, iniwan ni Eliseo ang kanyang kalabaw, araro, pamatok at gamit. Mga mahahalagang bahay sa kanyang pangangalakal. Sa kanyang pagpipili, may mga bagay na kailangang iwanan, kasama ang nakaraan upang tuluyan tayong umusad. Sa pinili, nagbabago ang lahat. Nagbabago ang mga pinagbabatayan sa buhay. Nagbabago mismo ang buhay.

Sa mga nakagawa na ng desisyon sa buhay: Naiwanan niyo ba ang lahat upang tuluyang gampanan ang tawag sa inyo? May mga bagahe pa ba kayong dinadala na galing pa sa nakaraan, tulad ng isang nakalipas na alitan o sikretong di kayo tinatantanan?

Sa mga gagawa pa ng desisyong panghabangbuhay: hintayan hanggang handa na, ngunit huwag maghintay ng kasiguraduhan. Dahil kapag dumating ang oras, hindi puwede ang “bahala na” “kahit ano” o “whatever.” Kapag tumawag ang Diyos, dalawa ang maaaring sagutin, “oo” o “hindi”. Pero kung Diyos, ang pinakamainam na sagot ay “Amen” o “oo”. Dahil ang 'oo' sa Diyos, ay 'oo' sa mapayapang buhay.

No comments: