Pananampalatayang Walang Hinihintay na Kapalit
3 October 2010 27th Sunday in Ordinary Time
Habakkuk 1:2-3; 2:2-4; Psalm 94; 2 Tim 1:6-8. 13-14; Lk 17:5-10
Note: This appears in today's Sambuhay, a publication of the Society of St. Paul in the Philippines.
Ang pananampalataya natin sa Diyos ang itinutukoy ng mga pagbasa ngayon. Makikita natin ang iba’t ibang aspeto ng pananampalataya sa ating buhay.
Una, nakaugat ito sa pagtitiwala sa Diyos. Sa unang pagbasa, pinapaalala ng Panginoon kay Propeta Habbakuk na tutuparin Niya ang kanyang pangitain. Bagaman hindi pa panahon, kailangang magtiwala sa salita ng Diyos sa gitna ng mga karahasan, hidwaan, kasamaan at kahirapan. Kailangang ipagpatuloy ang pakikibaka para sa kapayapaan, at ipasa-Diyos ang kahihinatnan nito.
Hindi na ito bago sa atin. Sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Noynoy Aquino noong Hulyo 2010, inilahad niya ang gugugulin nating mga Pilipino mapaunlad lamang ang ating bansa. Kailangang umahon sa ating pagkalugmok, ngunit hindi ito mangyayari kaagad. Matagal bago maganap ang ating pangarap o pangitain ng isang maunlad na Pilipinas. Ngunit huwag humina ang ating loob: nasa atin ang Panginoon. Wika ng ating Pangulo: “Ang mandato nating nakuha sa huling eleksyon ay patunay na umaasa pa rin ang Pilipino sa pagbabago. Iba na talaga ang situwasyon. Puwede na muling mangarap. Tayo nang tumungo sa katuparan ng ating mga pinangarap.”
Pangalawa, galing sa Espiritu ang kapangyarihan ng pananampalataya. Sa pangalawang pagbasa, pinapaalam ni San Pablo kay Timoteo na kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili ang ipinagkakaloob ng Espiritu. Wika ng Pangulo, “Akin pong paniwala na Diyos at taumbayan ang nagdala sa ating kinalalagyan ngayon. Habang nakatutok tayo sa kapakanan ng ating kapwa, bendisyon at patnubay ay tiyak na maaasahan natin sa Poong Maykapal. At kapag nanalig tayo na ang kasangga natin ay ang Diyos, mayroon ba tayong hindi kakayanin?”
Pangatlo, isang paglilingkod kay Hesus ang pananampalataya. Habang magkasama tungo sa Jerusalem, hiningi ng mga alagad na palakasin at patatagin ni Hesus ang kanilang pananalig.
Nakaugat sa pakikisama natin kay Hesus ang ating pagkakilala sa Kanya. Tulad ng mga alagad ni Hesus, hilingin natin ngayon na lagi tayong sumama kay Hesus sa pamamagitan ng pagdarasal at pagninilay sa Kanyang buhay. At tulad ng isang pagkakaibigan, ang malalim na samahan ang siyang batayan ng ating paglilingkod. Sa ating mga salita at gawain, laging iniisip natin kung paano tutugunan ni Hesus ang pangangailangan. Para sa atin, mahalaga ang pakikiisa sa puso’t isipan ng Panginoon. Ang uri at kalidad ng ating paglilingkod ay sumasalamin sa uri at kalidad ng ating pagkakilala sa Kanya. Wika niya, “Sino ba ako para sa iyo?”
Pagmasdan natin: Makikita sa iba’t ibang gusali nakasulat ito: “Proyekto ni Mayor __ ang gusaling ito! Ipinagkaloob ni Cong. __ para sa bayan ng __ !” Kung tutuusin, hindi utang-na-loob natin sa kanila ang gusaling kanilang itinayo. Sa halip, isang pagpapakita ng utang-na-loob nila sa atin ang kanilang isinagawa. Isang biyaya at karangalan ang isakatuparan ang kanilang mga pangako sa atin. Iniluklok natin sila sa halalan. Dahil dito nangaling sa atin ang kapangyarihan.
Tulad ng Diyos, isang karangalan ang tawagin Niya tayo upang isakatuparan ang kanyang kalooban. Nakalaan sa isang partikular na misyon ang ating buhay. Maaaring maging isang mabuting magulang sa mga anak, isang magaling na mamamayan sa ating bansa, o isa sa mga nagsusumikap protektahin ang dignidad ng buong sanlibutan. Ano mang ginagampanan natin sa ating buhay ay iginawad na malaya at galing sa pagmamahal ng Diyos sa atin. Ibig sabihin, kapag ginagampanan natin ang tawag ng Diyos, hindi dapat ito tingnan bilang isang utang-na-loob ng Diyos sa atin.
Nasanay tayo na kapag may ginawa tayong mabuti sa isang tao, magkaka-utang-na-loob siya sa atin. Kaya kung panahon na natin na humingi ng tulong, inaasahan natin na ganoon din ang gagawin niya bilang bayad-utang. Malinaw na sinabi ng Diyos: galing sa Kanya ang misyon natin. Ang pagtupad ng kalooban ng Diyos ay isang tugon sa Kanyang pag-ibig. Ito ay isang biyaya, kaya, dapat ding gampanan na walang hinihintay na kapalit. Manalangin sana tayo na wala din tayong hihingiin na pabor upang gawin ang dapat talaga nating trabaho.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment