Banal Ang Ating Mga Pangako


ika-5 ng Disyembre 2010 2nd Sunday of Advent
Isaiah 11, 1-10; Psalm 72; Romans 15, 4-9; Matthew 3, 1-12


Note: This appears in today's Sambuhay, a publication of the Society of St. Paul.

Sa kanyang pinakasikat na librong, The Human Condition, isinulat ni Hannah Arendt, isang pilosopong Aleman, na hindi napapanatag ang kalagayan ng isang tao dahil sa dalawang aspeto ng kanyang buhay: Wala sa ating kamay ang ating kinabukasan at binabagabag tayo ng ating sugatang nakaraan. Bagaman, ganito ang ating sitwasyon, may dalawang bagay ang nakakapawi sa ating mga takot at pagkabagabag. Para sa nakakabagabag na kinabukasan, ang pangako ng ating mga minamahal ang nakakapawi nito. Para sa mga isyu natin sa nakaraan, ang pagpapatawad ang nakakahilom ng ating mga sugat.

Unang-una, nagkakahugis ang ating kinabukasan dahil may mga nangangako sa atin. Nakabatay sa ating Panatang Makabayan ang ating pangakong sundin ang batas upang maayos ang kinabukasan ng ating lipunan. Nakabase ang ating mga kontrata sa pangakong tutuparin ang mga ito. Nakaugat sa sumpaan ang pagbabagong-buhay at katapatan ng mga magkasintahan.

Higit sa lahat, banal ang anumang pangako dahil unang nanumpa ang Diyos sa atin. Sa sumpa ng Panginoon kay Abraham nakabatay ang ating pananampalatayang Kristiyano. Pinangako ng Diyos na pasasaganain niya ang ating mga lahi at hindi niya tayo iiwanan. Sa unang pagbasa, hindi kinakalimutan ng ating Diyos ang kanyang pangakong kaligtasan sa kanyang bayang Israel. Hindi kaya ng Panginoon na hayaan lang niyang malipol ang kanyang bayan. Kaya nangako siyang pasisibulin sa lipi ni David ang isang bagong sangang magbibigay ng kapayapaan at pag-asa sa atin. Ang panibagong pagsibol na ito ang pangakong Mesiyas.

Dahil dito, banal ang bawat sumpa natin sa ating kapwa. Sa sumpang ito, hindi natin pinapako ang ating mga pangako. Dahil sa ating mga pangako, ang ugnayan nating lahat ay nananatiling matibay at tapat.

Pangalawa, ang may pinangagalingan ang bawat isa sa atin. Sa bawat pakikisalamuha natin sa isa’t isa, dinadala natin ang ating mga nakaraan. Halimbawa, kasama sa pagiging magkakaibigan at magkakapamilya ang mga tampuhan at alitan. Hindi sa lahat ng bagay, pare-pareho ang ating mga isipan. Minsan kailangan nating lawakan ang ating pag-iisip upang makita ang pinagmumulan ng isang away: kadalasan, galing ito sa ating mga isyu sa buhay. Dahil dito, laging kailangang magpatawad at patawarin.

Kung hindi natin kayang magpatawad o kaya’y makatanggap ng kapatawaran, mas mahirap umusad at umunlad. Hindi natatahimik ang ating puso dahil hinihila tayong paurong ng ating mga hinanakit. Kung makamtan man natin ang ating tagumpay, ang kasiyahan ay laging may bahid ng sama ng loob. Hindi lubusang at ganap ang karanasan ng pag-unlad.

Ayon kay San Juan Bautista, kailangan nating magbalik-loob sa Diyos. Sa isang banda, ipinangako na ng ating Panginoon ang kapatawaran sa ating mga kasalanan. Hindi na kailangang magdalawang-isip: siguradong igagawad ito gaano man kabigat ang ating mga pagkakamali.

Ngunit kahit siguradong tatanggapin tayo sa tahanan ng Diyos, hinihingi pa rin ang ating sariling pagkukusang paglapit sa Diyos. Sa ating karanasan, mahirap ang pagkukusang ito. Maraming takot ang ating hinaharap at binubuno. Natural sa tao ang pagmamataas: maraming hindi nakakatanggap ng kanilang kasalanan. Kung hindi man lubos ang pagde-deny ng kanilang kasalanan, may mga nagtatangkang nagdadahilan upang hindi makita ang karumaldumal na epekto ng kasalanan. Sasabihin, “tao lamang ako” o “lahat naman tayo nagkakamali” o “wala ako sa tamang pag-iisip.” Kung tutuusin, parang tama naman itong mga salita; hangga’t mapag-isipan nating mabuti. Ibig sabihin ng mga salitang ito: parte ng isang tao ang pagkakamali. Kung kasama sa ating pagkatao ang pagkakamali, hindi kailangang mag-sorry o humingi ng tawad.

Mahalaga ang pagtutuwid ng ating buhay dahil iba ang pagkakilala natin sa tao: hinubog tayong kawangis ng Diyos. At dahil sa ating Mesiyas na pangako, naging tunay na anak tayo ng Diyos. Ito ang dahilan ng anumang pagbabago: hindi bagay sa anak ng Diyos ang anumang dungis ng kasalanan. Ang paglilinis ay hindi lamang mahalaga sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Ito ay isa ring pagpapakita ng respeto at pagpapahalaga. Kaya gumagayak tayo sa lahat ng mahahalagang lakad tulad ng pagpasok sa eskuwela, paghahanap ng trabaho, o pagpapakasal.

Kaya isang paglilinis ang Panahon ng Adviento. Isang paghahanda sa isang mahalagang pakikipagtago natin sa ating Ama: isang tunay na pagbabalik sa Tahanan ng Diyos. Simple lamang: walang gustong humalik sa batang madungis.

No comments: