May Katuturan Ba ang Ating Panaginip?


18 Disyembre 2010 Simbanggabi
Jeremias 23: 5-8; Psalm 71; Mateo 1, 18-23


Mahalaga ang ating mga pangarap. Nagbibigay ito ng kahulugan, direksyon at kaayusan sa ating buhay. Mas maayos ang paglalakbay sa buhay kung alam natin kung saan tayo tutungo. Kung dumating ang panahong nagsasanga-sanga ang landasin, ang ating pinakamalalim na mithiin ang gagabay sa atin. Pipiliin natin ang landas na pinakamainam upang makarating sa ating patutunguhan.

May pinanggagalingan ang lahat ng naglalakbay. Nangagaling sa pagkabilanggo sa bayan ng Babylonia ang mithiin ng kaligtasan ng bayang Israel. Wika ng Panginoon, dito sila “itinapon” dahil sinuway nila ang kalooban ng Diyos. Kakabit ng pangarap na bumalik sa sariling lupa ang alaala ng kanilang paninirahan sa dayuhang bayan ng Ehipto. Ito ang karanasan ng Israel sa panahon ni Jose at Moises. Nagkaroon ng kahulugan lamang ang kanilang makasasayang paglalakbay dahil sa iisang pangarap: mabuhay sa lupang ipinangako ng Diyos sa kanila.

May pinatutunguhan ang lahat ng manlalakbay. Ang pangako ng Panginoon na namumutawi sa bibig ng kanilang mga propeta ang nagsilbing butil ng pag-asa. Ang pangako ang siyang simula ng pag-ahon sa kanilang pagkalugmok. Dahil sa pangakong pasisibulin sa lipi ni David ang isang Manliligtas, nagkaroon muli ng bagong buhay at pag-asa ang bayang Israel. Pababalikin sila muli ng Panginoon sa Jerusalem at muling magiging magiting ang kanilang bayan tulad ng panahon ni Haring David. Para sa bayang Israel, gumagawa na ng paraan ang Diyos, at ang unang hakbang Niya ang kanyang binitiwang mga salita. Kumbaga, binuhay muli ng Panginoon ang kanilang mga mithiin: pwede na muling mangarap!

Ngunit sinasabi sa kasulukuyan nating karanasan na mahirap matagpuan ang pinakarurok ng ating mga puso. Mahirap linawin sa ating isip ang tunay nating nag-iisang mithiin. Hindi dahil wala tayong hinahangad, kundi dahil marami tayong gustong mangyari sa buhay. At dahil sa iba’t ibang uri ng mithiin, marami sa atin ang nawawala: hindi na nakikita ang nagbibigay ng direksyon, kahulugan at gabay sa buhay. Kung makita lamang natin ang ating mga panaginip, makakabalik tayo sa tamang landasin.

Isang panghabang-buhay ang pakikibaka tungo sa tanging pangarap. Maaaring tingnan sa ganitong angulo ang kuwento sa Ebanghelio. Nagbalak si Jose na hiwalayan at hindi tanggapin ang pagiging ama ng nasa sinapupunan ni Maria. Hindi nakapagtataka ito; maiintindihan natin ang sitwasyon ni Jose. Ngunit ang kaniyang binabalak ay maaaring tama sa ating pagtingin, ngunit hindi tuwid sa mata ng Diyos. Kasama at mahalaga si Jose sa plano ng kaligtasan ng Panginoon, at walang makakahadlang nito. Kaya, itinuwid Niya ang hangarin ni Jose sa pamamagitan ng isang panaginip. Sa Lumang Tipan, iniligtas ng Panginoon ang pamilya ni Jakob o Israel sa taggutom. Binuhay at pinarami ng Panginoon ang lipi ni Jakob sa Ehipto, sa paraan ng panaginip ni Jose bilang gobernador ng Ehipto.

Kung tutuusin: hindi tama sa mata ng tao ang pagbebenta kay Jose sa mga mangangalakal ng Ehipto bilang isang alipin at hindi rin tama sa tingin ng tao ang pakasalan ang isang babaeng nagdadalang-tao. Ngunit, may mga bagay na hindi tama sa mata ng tao, ngunit itinutuwid ng Diyos. Sa buhay ng maraming pari’t madre, hindi tama ang suwayin ang kagustuhan ng kanilang magulang, ngunit tama ito kung ang kanilang mithiin ay hindi tugma sa kalooban ng Diyos. Dahil dito, kailangang pagdasalan nang mabuti ang ating pagdedesisyon sa buhay.

Samakatuwid, matatagpuan muli ang kahulugan sa buhay kung malinaw sa atin ang ating tunay na mithiin. Dahil sa impluwensiya ng mass media, maraming nilalako na pangarap ang mga billboards at patalastas sa TV, radyo at internet. Inaagaw ng lahat ng mga ito ang ating attensyon, nabibighani tayo sa kanilang kagandahan, at higit sa lahat, nalulunod tayo sa libo-libong mga pangarap. Samakatuwid, nagbabago-bago ang lahat ng ating landasin; walang nananatiling permanente sa buhay at sa ating mga ugnayan. Isang hungkag na konsepto ang salitang, commitment. Mas maraming tao ngayon ang litong-lito at walang pinatutunguhan sa buhay. Higit sa lahat, mas maraming hindi na marunong pumili ayon sa kanilang kagustuhan.

Sa mabilis na pagbabago ng ating mga mithiin, hinahamon tayong lalung mag-isip at magmuni-muni. Kailangang pag-isipan natin, sa gitna ng lahat ng ito, ang pangarap na ayon sa ating tunay na pagkatao, nakaugat sa ating tunay na sarili, at nakatutok sa tunay na kalooban ng Diyos. Kailangan nating ihiwalay ang malalim na mithiin sa mababaw at hindi mahalagang kagustuhan. Kailangan makita natin ang iba’t ibang uri ng pinapahalagahan sa buhay at piliin ito ayon sa mahalaga, mas mahalaga, at pinakamahalaga.

Sa misa ng Simbanggabi sa Panahon ng Adviento, alalahanin natin ang ating mga kagustuhan, mithiin at tanging pangarap sa kalooban ng ating puso. Malalaman mo kapag ito ang pinakamalalim, pinakamahalaga at pinakatotoo sa iyong pagkatao. At kapag na-iimagine mo ang iyong sariling nakamtan na ito, mapayapa ang iyong kalooban dahil ito rin ang kalooban ng Diyos. Wika ni San Ignacio, kapag iisa at magkatugma ang puso natin at ng Diyos, kapayapaan ang ating mararamdaman. Kung matatagpuan natin ito, nagsisimula na tayong maglakbay sa bukang-liwayway ng ating buhay.

No comments: