13 December 2010 Memorial of St. Lucy, 3rd Week of Advent
Numbers 24: 2-17; Psalm 25; Matthew 21: 23-27
Maligayang Adbiento po sa mga tagapakinig dito sa Radio Veritas. Tatlong punto lamang ang nais kong ibahagi ngayon. Pangako. Paghihintay. Pagbubuo.
Unang-una, pangako. Sa panahon ng Adviento o paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ng Mesias, laging binabalikan ang pangako ng Panginoon sa atin. Sa buong lumang tipan, inuulit-ulit ng Panginoon ang kanyang pangakong magpapadala ng tagapagligtas upang maahon tayo sa ating mga kasalanan. Ito ang narinig natin sa unang pagbasa. Wika ng Panginoon sa bibig ng propeta Balaam: isang bituin ang mangunguna sa lipi ni Jacob at sisibol galing sa Israel! Kilala na natin ang tanging bituin na ito: ang Panginoong Hesukristo. Ang Pasko ang siyang katuparan ng kanyang mga pangako.
Marami tayong pangakong natupad, nguni’t mas marami tayong pangakong napako. Sabi nga ng marami, “promises are meant to be broken.” Subalit, hindi ito ang tingin ng Kristiyano. Ang tunay na nagsasabuhay ng turo ng Diyos, hindi nagbibitiw ng salita na hindi naman isasakatuparan. Tulad ng Diyos, hindi niya ipapako ang kanyang mga pangako sa atin. Ito ang dahilan kung bakit nagtitiwala tayo sa kanyang mga Salita.
Wika ni Hannah Arendt, ang ating pananampalataya ay nakasalalay sa pangako ng Panginoon kay Abraham; at ang ating maayos na pamumuhay ay nakabatay sa maraming pangakong nakasulat sa ating Saligang Batas at sa mga kontratang pinapasukan nating lahat. Tulad ng Diyos, nangangako ang gobyerno na aalagaan ang ating karapatan. At tulad ng pangako ng Diyos na mamahalin Niya tayo magpakailan man, ang bawat pumipirma sa kontrato ng kasal, nangangakong tutuparin niya ito hanggang kamatayan. Magkakagulo kapag ang mga binitiwang mga salita ay hindi natin ginagalang.
Pangalawa, pahalagahan natin ang paghihintay. Naranasan niyo na bang maghintay sa wala? E, maghintay sa meron? Mahalaga sa ating buhay ang maghintay. May mga naghihintay ng trabaho o may naghihintay ng boyfriend o girlfriend. Ikaw, ano ang hinihintay mo? Sa panahon ng cellphones, mas madaling tantiyahin kung anong oras darating ang ating hinihintay. Mate-text lang tayo, “Wer U?” malalaman na natin kung may oras pang gawin ang ibang bagay para hindi nasasayang ang ating oras. Dahil dito, nawawalan na tayo ng pasensya kapag naghihintay tayo ng matagal.
Ngunit may halaga ang paghihintay sa buhay. Hindi lahat ng bagay maaaring madaliin. Kapag minadali ang pagsasaing, hilaw na kanin ang maihahain. Kahit maraming pagkaing instant, pinipilahan pa rin ang mga lutong bahay na inihanda sa tamang oras. At kung nalalanghap mo na ang niluluto, nagiging “excited” tayo sa kainan. Ganito din ang paghihintay: Lalong inaasam-asam ng ating puso ang sinuman o anumang hinihintay.
Subalit, hindi tayo naghihintay sa wala. Naghihintay tayo sa siguradong darating; dahil tinutupad ng Diyos ang Kanyang Salita. Alam natin na may kaligtasan dahil darating sa ating buhay ang Tagapagligtas. Kung nakikipila tayo sa sineng gusto nating panoorin; kung binibilang natin ang mga araw tungo sa pagdating ng ating mahal sa buhay; bakit hindi natin bigyan ng panahon ang ating sariling maghanda sa pagdating ng Panginoon? Pagdasal natin na sana igugol ang oras ng paghihintay sa Panginoon, sa paghahanda ng ating mga puso’t kaluluwa sa kanyang pagdating.
Panghuling punto sa araw na ito: Pagbubuo ng mga Nagkawatak-watak. May plano ba kayo ng inyong barkada na magkikita-kita ngayong Pasko? May balak ba ang inyong pamilya na mag-reunion? Kung meron, may dahilan kung bakit sa Pasko, laging isang tunay na salu-salo ang nagaganap. Nagtitipon-tipon ang mga magkakabarkadang nagkahiwalay dahil nag-aaral na sa iba’t ibang kolehiyo. Nagkikita-kita ang mga pamilyang hindi laging nagkakasama dahil naninirahan na sa ibang bayan kasama ang kani-kanilang pamilya. Hinahalintulad sa isang nanay na naghahangad ng pagbabalik ng kaniyang mga anak ang Diyos na nais pagsama-samahin ang mga nagkawatak-watak, sa iisang hapag.
Anong pinag-uusapan sa isang reunion? Kapag nagkakasama kami ng barkada ko sa high school, obvious ang pulutan: ang kuwentong high school kasama ang mga kalokohan at ang mga unang crushes. Kapag nagsasalusalo ang pamilya, binabalikan ang mga alaala ng pagkabata. Tunay na sinasariwa nito ang nakaraan, sa pag-asang nakatanim na sa puso ang pinagdaanan.
Pinapanday ng pagbabalik-tanaw ang pagbubuklod natin. Ang tanging bumubuo ng isang malalim na pagkakaibigan ang mga alaalang tulad ng mga litrato sa ating photo-album. Sinasariwa nito muli ang pagmamahal na namamagitan sa isa’t isa; upang sa paghihiwalay muli hindi na magiging malabnaw ang ugnayan.
No comments:
Post a Comment