Nagpakita na ba sa Iyo ang Diyos?


2 January 2011 Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita (Epipanya) ng Panginoon
Isaiah 60: 1-6; Psalm 71; Ephesians 3: 2-6; Matthew 2: 1-12

Note: This article appears in Sambuhay today, Sunday. Sambuhay is a publication of the Society of St. Paul in the Philippines.

Tulad ng Epipanya o ang Pagpapakita ng Panginoon, binabago ng Simbahan ang iilang mga pagdiriwang upang ituwid ang ating mga paguunawa sa kapistahan. Noong mga panahon lagi itong pinagdiriwang sa ika-6 ng Enero. At dahil ang ika-anim ay hindi natatapat sa linggo, nakakaligtaan ng nakakarami ang kahalagahan ng pagdiriwang. Kaya ginawa ng Simbahan ang Dakilang Kapistahang ito sa unang linggo matapos ang bagong taon.

Sa pagbabago, higit na ipinamalas ng Simbahan ang kadakilaan ng araw na ito sa pananampalataya, mainam na makita natin ang tamang pag-unawa nito. Hindi na “Three Kings” ang tawag, kundi “Epipanya: ang Pagpapakita ng Panginoon.” Ibinaling ng Simbahan ang ating mata galing sa mga pantas at ang kanilang mga dalang regalo, upang itutok ito sa dapat na titigan: si Hesus.

Dalawa ang maaari nating pagmunihan ngayong linggo. Unang-una, ang pagpapahalaga sa paghahanap sa Diyos. Sa unang pagbasa, sinasabi ni Propeta Isaias na “natitipon na ang mga anak upang umuwi” at labis na ang kanilang tuwa. Maliwanag na ang kanilang daang pauwi ay sa Jerusalem, ang bayan ng Diyos. Sa Ebanghelio, ginagabayan ng bituin ang mga pantas tungo sa kinaroroonan ng Mesias. Sa iba’t ibang uri ng paglalakbay na ito, lahat nakatutok lamang sa Panginoon, ang mithiin nilang matagpuan.

Nguni’t totoong matatagpuan nating lahat ang Diyos. Wika ni Gerard Manley Hopkins SJ na umaapaw ng kaluwalhatian ng Diyos ang sanlibutan. Sabi ni Seneca, ang bawat nakikita natin ay may scintilla, isang kislap ng Diyos. Natagpuan ni San Benedicto ang Diyos sa labas ng kalungsuran; sa kabilang banda, naranasan ni San Ignacio ang Diyos sa loob nito.

Pangalawa, maaari nating tutukan ang Diyos. Ang taong naghahanap sa Diyos, kusang magpapakita ang Diyos. Ito ang kahulugan ng Epipanya, isang pagkukusa ng Diyos ang magpakita sa lahat ng tao. Kinakatawan ng mga pantas o mago ang mga bayang hindi kabilang sa Israel. Ibig sabihin, ang pagliligtas ng Diyos ay para sa lahat ng tao. Hindi kailanman ekslusibo ang pagmamahal ng Diyos. Sakop ng maluwalhating Liwanag ang lahat ng sanlibutan. At dahil dito, ipapatupad ng Diyos ang pangarap ng sinumang naghahangad makita Siya.

Paano ba natin makikita ang Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay? Tinuturo ng Banal na Kasulatan na ang taong payak at simple lamang ang makakakita sa Diyos. Hindi nababalisa ang mga pastol sa iba’t ibang iniisip dahil iisa lamang ang kanilang hangarin: ang pagpapastol. Hindi nagugulo ang isipan ng mga mago, dahil iisa lamang ang kanilang hangarin: ang sundin ang guia ng iisa lamang na bituin.

Kailangang linawin natin ang ating puso’t isipan upang makita ang pinakamahalaga. May kasabihang itinago ng Diyos ang sinaunang Bituin, ang kapangyarihang makita Siya sa pinakailalim ng ating puso. Kaya sabi ni San Agustin, hinanap niya ang Diyos sa labas, at hindi Siya natagpuan; Hindi niya akaling nasa kaibuturan lamang ng kanyang puso ang Diyos.

Sa panahong samu’t saring mga advertisements ang nangangako ng iba’t ibang kaligayahan, nagiging kumplikado ang ating buhay. Nakakalimutan natin ang pinakamahalaga. Hindi ba mas madaling sumampalataya ang mahirap kaysa ang estudyante ng unibersidad? Hindi ba mas madaling magtiwala sa Diyos ang simpleng tao kaysa sa mga edukado? Maraming pagtutungali ang nangyayari sa isipan ng mga edukado dahil mas marami silang nalalaman?

Isang maningning na bituin lamang ang kailangan ng pastol at mga pantas upang maniwalang merong makahulugang pangyayari ang nagaganap. Ngunit hindi maisip-isip ni Herodes at ang kaniyang mga sakop -- ang mga edukado -- na sa isang maliit na lalawigan ng Bethlehem mangyayari ang pagsilang ng isang hari. Para sa kanila, ang isang hari ay dapat isilang sa palasyo o sa isang kilalang lugar. Iba ang pamamaraan ng Diyos sa atin.

Ngunit ang isang pagtatagpo ay isang pagkukusa ng dalawang tao na magpakita sa isa’t isa. Kailangan din ang ating pagkukusang magpakita upang matagpuan ng Diyos. Sa ating paghahanap, hindi natin makikita ang ayaw magpakita. Kahit anong gawin natin, kapag pinagtataguan tayo, mahirap silang hagilapin.

Dahil dito, pagisipan nating mabuti kung may pagkukusa rin ba tayong magpakita sa Panginoon. Nananalangin din ba tayo araw-araw? Nakikilahok ba tayo sa mga gawaing espirituwal tulad ng mga sakramento? Nagbabasa ba tayo ng Bibliya upang hindi mawalay sa atin ang Salita ng Diyos? Itinuturing ba nating kapatid ang iba’t ibang tao, kasama ang mga kaaway, kabilang sa ibang pananampalataya, o dayuhan?

Sa araw ng Epipanya, pagdasal nating mamalagi tayo sa liwanag ng Panginoon. Kung susundin natin ang Liwanag na ito, mararanasan natin na ang Diyos ay hindi lamang naghihintay na matagpuan, Siya mismo ang patakbong sasalubong sa atin.

*painting is by Sadao Watanabe.

No comments: