Ang Tawag ni Hesus sa mga Alagad


January 22, 2006: 3rd Sunday of Ordinary Time
Mark 1, 14-20: Ang Pagtawag sa mga Alagad

Ating suriin ang napakayamang kuwento ng pagtawag ni Hesus sa kanyang mga alagad.

Una, ang mga alagad ni Hesus ay mga karaniwan at simpleng tao. Sila ay mga mangingisda. Ayon kay Josephus, isang pantas ng kasaysayan, tatlong daan at tatlumpung bangka ng mga mangingisda ang pumapalaot araw-araw. Samakatuwid, si Simon Pedro at si Andres, si Santiago at Juan na mga mangingisda ay mga karaniwang tao, hindi mga pulitiko, mga mayayaman, o mga may pinag-aralan. Wika ni Abraham Lincoln, “Mahal ng Panginoon ang mga karaniwang tao, marami Siyang ginagawang tulad nila.”

Pangalawa, tinawag ni Hesus ang kaniyang mga alagad sa gitna ng kanilang pangingisda, sa gitna ng kanilang pagtatrabaho. Nangangahulugan na ang tawag ng Panginoon ay walang pinipiling panahon, walang pinipiling oras. Kahit saan, kahit kailan, ano man ang ating ginagawa kung nanaisin ng Panginoon na tumawag, Siya ay kakatok sa ating puso.

Pangatlo, ang tawag ni Hesus ay kaakit-akit. Wika niya, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng tao.” At iniwan ni Simon Pedro at Andres ang kanilang lambat at nagsisunod sa kanya. Likas na ang tawag ng Panginoon sa ating buhay ay kalugod-lugod at nakakabighani. Ngunit, hindi namimilit sa kanyang panghihikayat. Mayroon tayong taglay na kakayahang sumunod o tumanggi sa kanya.

Panghuli, ang tawag ng Panginoon ay may kasamang responsibilidad o gawain. Ang tawag ng Panginoon ay sadyang nangangailangan ng taos-pusong pagtalima at pag-aalay ng buong buhay. Upang mahikayat natin ang mga taong sumampalataya sa Panginoon, ang buhay sana natin ay puspos ng Espiritu ng Diyos. Makita nawa sa ating buhay ang ating Panginoon na nananahan sa ating puso. Kasabay nito, mamulat nawa tayo sa pananahan ng Panginoon sa lahat ng tao.

Kaya, maaari nating tanungin ang ating sarili: Ano ang aking sariling kuwento ng pagtawag ng Panginoon? Paano ba ako tinawag ng Panginoon? Ano sa aking tingin ang pinapagawa ng Panginoon sa akin?

* picture by Neo Saicon SJ

No comments: