Ang Wika ay Pagkakaibigan


Ika-9 ng Agosto 2009. Homilya para sa Buwan ng Wika
Ang Wika ay Pagkakaibigan
Church of the Gesu, Pamantasan ng Ateneo de Manila

Note: August is dedicated to honor the Filipino language. Since the Philippines has many dialects, Filipino has been proclaimed the national language. To further promote Filipino, all schools particularly focus on Filipino; but the medium of instruction has always been English. Sorry I don't have time to translate the whole homily for all English-speaking readers. In a gist: Language is Friendship: Language per se and the use of language.


Isang kaban ng alaala ang nabubungkal tuwing buwan ng Agosto dahil ito ang buwan ng wika. Noong mga araw, isang linggo lang ang ginugugol para sa pagpupunyagi sa wika; pagkatapos nito, balik uli sa dating alituntuning “speak English in class”. Sa linggong ito, Pilipino lamang ang maaaring gamitin; kung hindi, mababawasan ang iyong bulsa ng piso sa bawat salitang hindi Pilipino. Ngunit, pagkatapos nito, huhubugin ka uli bilang isang Inglisero: kapag lumabas ang anumang wikang hindi katutubo sa iyong bibig, piso din ang bayad. Sa naiipon, nakakabili kami ng floorwax at walis sa paglilinis ng silid-aralan. Nagbabago rin pala ang panahon: hindi na linggo, kundi ngayon isang buwan. Gusto kong isipin na ang dahilan ay mas pinapahalagahan ang wika ngayon dahil mas mahaba-haba ang panahon para sa iba’t ibang proyekto upang ipalaganap ito. Ang tanong, pagkatapos ng Agosto, ano na ang mangyayari? Babalik pa rin ba tayo sa dating gawi: mas mahalaga ang Ingles dahil mas alta-sociedad, mas praktikal?

Iba’t iba ang makikita natin bilang sagot sa aking tanong. Mas nanaisin ko ang mga sagot na yari sa gawa at hindi sa salita. Dahil maraming madakdak, pero wala namang gawa; o iba ang pinapakita sa isinasalita. Mas higit, wika ni San Ignacio, na ipakita ang pag-ibig sa gawa kaysa salita. May mga taong purista: Pilipino ang lahat-lahat; walang bahid ang wika ng salitang dayuhan. Sa Ateneo, silid-aralan; hindi maaari ang klasrum. Sa Ateneo, paaralan, hindi iskul. E, paano ang computer? Paano ito pipili-pinuhin? May mga taong iginugol ang buhay para sa ganitong pagtingin. Sabi nila, nang magturo si P. Roque Ferriols ng Pilosopiya sa Wikang Pilipino, purong-puro; salin sa Griyego. Ngunit ganito ba talaga ang itinuro niya? Alam nating lahat na nagbabago ang wika, kasama sa daloy ng panahon. Nahahaluan ito ng salitang banyaga. Tulad ng isang kaibigan: binubuksan nito ang puso upang tanggapin ang pagkakaiba ng isang bagong kaibigan. Ang salita ng isang kaibigan nagiging wika na rin ng kapwa kaibigan; ang dating pagkakaiba ng minumutya, nagiging pagkakaisa ng magkasing-irog.

Ngunit, meron bang wika na walang halo? Sa aking pag-aaral, wala: lahat ng wika may etymology, may pinanggalingan, tulad ng lahat ng taong gumagamit nito. Isinasalamin ng bawat wika ang kasarinlan ng mga nagsasalita nito. Kung anong salita ang namumutawi sa bibig, nalalaman natin kung saan ka galing at kung ano ang kulturang kinagagalawan mo. Kahit pare-parehong ang kategoriya, lilitaw pa rin ang tunay mong kulay. May Ilonggong Ingles: subukan mong kausapin sila, umaakyat bumababa ang punto. Hindi mo alam kung galit na, kasi malumanay pa rin. May Bisayang Ingles: hindi mo mawari kung [e] o [i], [o] o [u], [p] o [f]. Wika ng maraming iskolar, may dakilang dahilan ang pinagtatawanang Bisayang Ingles: dala pa rin nila ang Alibata, ang sinaunang alpabeto ng ating mga ninuno na galing din sa ibang bayan. Ganito din kung Pilipino: iba’t iba ang pagsasalita dahil mayroon tayong sariling tribo, isla, kultura, at pinanggalingan. At dahil dito, ang ating pagkakaiba ang siyang nagiging sanhi ng isang mayamang kulturang gumagalaw sa kasalukuyang panahon. Isang bagong anyo. Ayon kay Rizal, ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, hindi makakarating sa paroroonan. At ano ang pinatutunguhan natin: ang pagkakaisa ng buong mundo. Kung sa pananampalataya, tinatawag itong Kaharian ng Diyos. Lahat magkakapatid, nagmamahal sa iisang Ama. Hindi mo maaalis ang siopao o pansit sa wikang Pilipino: nakadikit sa atin ang sinaunang pagkakaibigan ng Intsik at ng ating ninuno. Ang sinaunang pagkakaibigan nagiging magpakailanman. Kung walang pansit o siopao sa hapag-kainan, magiging Pilipino pa rin ba ang handaan?

Sabi pa ni Rizal, ang di magmahal sa sariling wika, daig pa ang malansang isda. Ngunit sinasabi ko, ang hindi rin marunong mahalin ang ating kultura, kasama nito ang ating mga panitikan, awit, sayaw, kuwentong-bayan, isang taong hindi alam kung sino siya; kung ano siya; kung para saan ang kanyang buhay. Walang personalidad. Dahil walang anyo ang kanyang sarili. Isipin mo ang isang taong walang pinag-ugatang pamilya (sino ang magmamahal sa kanya). Isang taong hindi alam kung sino siya, kaya hindi niya alam kung ano ang gusto niya at ano ang gagawin niya sa buhay. Lagi siyang nakalutang; parang bula na hindi mahalaga kung nariyan o wala.

Simple lamang ang nais kong ibahagi sa inyo. Unang-una, dakilain natin ang ating wika at kultura. Huwag ikahiya ang pinanggalingan. Maging mapuri sa iyong pagiging Ilokano, Bulakenyo, Pampangueno, Tagalog, Bikolano, Ilonggo, Cebuano, Davaoweno, atpb. Ikuwento mo ang kagandahan ng iyong lugar; ibahagi ang mithiin mo para sa iyong lalawigan. Huwag mahiyang gamitin ang iyong sariling wika. Alamin ang iyong kultura at ang iyong kasaysayan. Ang pagdiriwang ng wika ay isang pagpupunyagi sa ating sariling kultura. Ganito din sa pag-ibig: alamin mo muna ang iyong sarili, upang alam mo kung sino at ano ang inaalay mo sa iyong iniibig. Walang nais mag-alay ng bula; at mahirap magmahal sa isang guni-guni lamang. Nagsisimula ang pag-iibigan sa pagkakaiba.

Pangalawa, sa lahat ng ating pakikitungo, dakilain natin ang wikang nauunawaan ng lahat. Wika ni San Ignacio: magkasing-katawan ang pakikipagtalastasan at pagkakaibigan. Lumalalim ang ating ugnayan kapag nakikipag-usap, nakikibahagi, nagbibigay-alam sa isa’t isa. Ito ang kahulugan ng Komunyon. May mga bagay na nagbibigkis sa atin, dahil binabahagi natin ang sarili sa isa’t isa. Pakiramdaman ang sitwasyon; alamin kung sino-sino ang mga naroroon. Pagkatapos, gamitin ang wika na mauunawaan ng lahat. Kaya, maaaring Pilipino, kung galing sa iba’t ibang dako ng bansa tulad ng mga estudyante sa dorm; maaaring Ingles, kung galing sa iba’t ibang dako ng daigdig. Ganito ang pagpapastol, handang makibagay upang ang lahat mapaglingkuran at walang ini-itsapuwera.

Balik tayo kay P. Roque Ferriols na dinadakila natin. Naging estudyante ako ni P. Ferriols sa Pilosopiya; at bilang isang Heswita, kapatid ko siya sa Kapisanan. Wika ni P. Roque sa amin: kung masasalita mo sa Bisaya ang itinuro niyang Pilosopiya, gamitin mo ang Bisaya. Kung Bikolano, gamitin mo ang wika sa pagsusulit. Sa mga misa niya, Ingles ang ginagamit niya. Ngunit may prinsipiyo: kung Ingles, Ingles ang buong pangungusap. Kung Pilipino, Filipino lahat. Walang Taglish, Bislish, Ilokanolish at iba pang lish-lish.

Kung tutuusin, ito din ang Jesuit way. Pinapa-iral nito ang pagmamahal. Sa pagsasalita sa ganitong paraan: nirerespeto natin ang pagkakaiba nating lahat. At dahil nakikita ang ating pagkakaiba, pinagsisikapan ang pagkaunawaan sa pamamagitan ng paghahanap ng wikang makakatulong sa pagkakaisa. Dahil dito, sinasabi sa aming mga Heswita: pag-aralan ang lengwahe ng lugar ng iyong misyon. Bikolano ako: “Diyos mabalos saindo gabos.” Ngunit itinapon ako sa Cagayan de Oro sa Mindanao bilang Heswita: “Daghang salamat sa inyong tanan.” Sa pamamagitan ng pag-aaral ng iba’t ibang wika, nauunawaan natin ang isa’t isa. Hindi ba’t ito ang nangyari sa Pentekostes: nagkakaunawaan ang lahat ng mga taong galing isa iba’t ibang dako ng daigdig?

Ito din ang sasabihin ko sa inyong lahat: pag-aralan kung may pagkakataon ang iba’t ibang wika natin. Mas magaling ang isang taong maraming alam na salita: magkakaroon siya ng maraming kaibigan at hindi siya mawawala saan man siya pumunta. Dahil ituturing siyang kapatid sa anumang bayan.

No comments: