Kapatawaran: On Forgiveness


4 September 2005: 23rd Sunday of the Year
Mateo 18, 21-35: Kapatawaran

Marami sa atin ang naghahanap ng isang ugnayan na magpakailanman. Sa mga love letters, hindi mo makakaligtaan ang mga katagang: sana tayo pa rin hanggang kamatayan. O sa mga magkakaibigan, parating may pangarap na kahit magkahiwalay, ang layo ay hindi magiging hadlang sa tunay na pagmamahalan. Ang minimithing samahang walang hanggang ay isang paraisong walang awayan, walang tampuhan, walang samaan ng loob, walang pansamantalang paghihiwalay; isang paraisong alam nating lahat na wala sa lupa. Wala sa mundong ito.

Ito ang konteksto ng ebanghelio ngayon ayon kay Mateo. Ang tanong ni Pedro kay Jesus, "Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin?

Tatlong bagay ang ating makikita sa tanong ni Pedro.

Unang una, ang nagkakasala ay isang kapatid. Isang malapit na ugnayan. Kapatid. Kaibigan, Ka-ibigan. Paano ko patatawarin ang isang minamahal? Wika nga, ang pinakamalalim na sugat ay yaong sugat ng ini-irog. Mas nasasaktan tayo kapag ang nagkakasala ay ang taong nakaukit sa ating mga puso.

Pangalawa, ang kasalanan ay hindi lamang makaisa gawin, kundi palagi. Hindi lang maminsan-minsan, kundi paulit-ulit. At kung madalas gawin, di mas lalong malalim ang sugat. At kung tayo ay nasasaktan ng madalas, at paulit-ulit, lumalabas tayong duguan, taga-taga, luray-luray.

At madalas kung gaano kalalim ang sugat, ganoon din ang lakas at bugso ng galit. At hindi iba na sa atin ang damdaming ito: sa galit, nagdidilim ang ating isip, nawawala ang tamang pag-iisip. Sa mga pahayagan, ang kadalasang panagmumulan ng krimen, ng pagpapatayan ay isang maliit na pinagtatalunan, pinag-aawayan. Maliit na pagtatalo na nauuwi sa barilan.

At tayo rin, sa ating mga isip, kung makakapatay lang ang ating iniisip, ang kagalit ay patay na. Pinatay na natin sa ating isip. Mahal ang galit: ang mga taong nagpadala sa galit, nagbabayad ng buhay. Hindi lamang sa bilangguan, kundi sa konsyensya.

Pangatlo, sa likod ng tanong ni Pedro, makikita natin ang isa pang tanong: Ano ang aking gagawin upang ang ugnayan naming magkapatid sa dugo, sa pananampalataya, o sa pagkakaibigan, ay manatili pagpakailanman; sa kabila ng paulit-ulit na pagkakasala? Hanggang makapito ba? Tapos, hindi ko na patatawarin.

Iisa ang sagot ni Hesus: "pitumpung ulit pa nito." Sa panahon ni Hesus, ang numerong pito, No. 7 ay numero ng "magpakailanman." Kung ang pagpapatawad ay pitumpung uulitin, ibig sabihin, ang kapatawaran ay walang-hanggan. Paulit-ulit mang gagawin. Malalim man ang sugat.

Sa tanong ni Pedro, "Ano ang aking gagawin upang ang samahan namin ay maging magpakailanman?" Iisa ang sagot ni Hesus, "Patatawarin mo siyang magpakailan man." Paulit-ulit. Bawat sandali. Bawat oras ng pagkakasala.

Ngunit isang babala: hindi ibig sabihin na palalampasin na lamang ang sama ng loob, ang galit. Kung minamaltrato ka ng asawa mo, hahayaan mo na lang ba dahil sabi ni Hesus, patawarin magpakailanman? Ang kapatawaran ay hindi pang-aalipin. Ang pagpapatawad naka-ukit sa dangal ng tao. Dahil ang utos na magpatawad ng kapwa nanggagaling sa Diyos na unang nagpatawad sa taong may dangal.

Pag-usapan nang magkaunawaan. Ito ang sikreto ng malalim na samahan:

Ang galit huwag sanang maging hadlang sa pagmamahalan.

No comments: