Back Issues: Late reflections


Note: I have decided to post all of these reflections of the past week. Just in case they too might help. These are Simbahay Articles which I did for the Paulines' publications.

April 20, Thursday

Luke 24, 35-48

"Tingnan niyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya."

PAGSASADIWA

May paraan ng pagtuturo si Hesus sa kanyang mga alagad. Nagpakita siya kay Tomas, at nagpakilala sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanyang mga sugat: “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu.” Pinahipo niya ang kanyang mga sugat upang manalig si Tomas, at pinakita niya ang kanyang mga sugat upang makilala siya.

Isang katotohanan na ang bumubuo at nagpapanday ng ating sarili ay ang ating mga sugat. May mga taong matigas ang mga puso, dahil ayaw na nilang masaktan muli. May mga tao namang patuloy na nagmamahal at nagpapatawad, pagkatapos iwanan. Ngunit sinasabi ni Hesus na huwag matakot magpatuloy magmahal dahil kaisa siya sa ating mga sugat. Sa ating mga sugat, makikilala si Hesus.

PAGSASABUHAY

Anu-anong mga sugat mo ang nagbuo ng iyong sarili--- ang iyong mga pasya, pangangailangang emosyonal, o mga personal na pananaw sa buhay? Paano nasabi mong binuo nito ang iyong pagkatao?

April 21, Friday

John 21, 1-14

"Sinabi kay Pedro ng alagad na iyon na mahal ni Jesus: 'Ang Panginoon siya!"

PAGSASADIWA

Muling nagpakita si Hesus sa kanyang mga apostol sa Lawa ng Tiberias. Nakatayo si Kristo sa isang tahimik na baybayin sa Lawa habang nagbubukang-liwayway. Hindi nakilala ng mga apostol si Hesus, ngunit si Juan lamang ang nakakilala sa kanya, at ang wika, “Ang Panginoon siya!” At nang marinig ni Pedro na ang Panginoon iyon, ibinigkis niya ang kanyang damit at tumalon sa dagat. Nakahuli sila ng 153 malalaking isda: ibig sabihin, masagana at pangkalahatan. Dadalhin ng mga apostol ang lahat ng mga tao kay Jesus.

Upang maging masagana ang ating mga gawain para kay Kristo, at upang madala natin ang mga tao kay Kristo, mahalagang makilala natin si Kristo. Sabi ni Yves Congar OP, “We are first disciples of Jesus before we are ministers.” Mahalaga sa paglilingkod kay Kristo ang kakayahang makita siya sa lahat ng bagay. Sabi ni San Ignacio de Loyola, “see God in all things.”

PAGSASABUHAY

Masuwerte sina Pedro at ang mga apostol dahil kay Juan. Itinuro at ipinakita ni Juan sa kanila si Hesus na nakatayo sa baybayin. Tulad natin na minsan ay hindi makita si Kristo lalung-lalo na sa mga karanasan na masakit, may mga nagpapaalala sa atin kay Kristo --- mga Juan sa ating buhay. Sila ang nagbibigay ng payo na patuloy pa ring magpatawad, maging malakas ang loob, at umasa sa Diyos. Sino sino ang iyong “Juan” sa buhay? Paano nila itinuro at ipinakilala ang Diyos sa inyo?

April 22, Saturday

Mark 16, 9-15

"Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, napakita sa kanila si Hesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin."

PAGSASADIWA

Nagwakas ang buhay ni Hesus sa pagkadiskubreng sa libingang walang laman. At nabanggit sa kuwento sa Ebanghelio ang iba't ibang mga taong nakakitang buhay si Hesus: si Mariang Magdalena, Mariang ina ni Jaime, Salome, sa dalawang sa mga alagad ni Hesus ngunit hindi naniwala ang Labing-isa sa kanila. Ngunit nabuksan ang kanilang mga mata, at nakilala si Hesus sa hapag-kainan. Hindi nakapagtataka na nakikilala natin ang isang tao dahil sa kanyang mga gawain o pag-uugali. Bago si Hesus namatay, nakakasama ng mga alagad si Hesus sa iba't ibang uri ng kainan: nang pinarami ni Jesus ang tinapay at isda, sa hapag nina Marta at Maria, sa bahay ni Zakeo, at higit sa lahat ang huli nilang hapunan. Hindi nakapagtataka na naniwala ang Labing-isa nang magpakita si Hesus sa hapag-kainan.

May mga bagay na mahirap paniwalaan lalung-lalo na ang hindi mabigyang paliwanag ng agham. Ngunit maraming mga bagay sa ating buhay na kusang dumarating na walang kadahilanan--- at hindi tayo makapaniwala. Marami ring mga karanasan na nagkakaroon ng kahulugan dahil nakikita ito sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya.

PAGSASABUHAY

Kung nakikilala si Hesus sa hapag-kainan, makikilala siya sa Eucharistiya o misa. Gaano mo nakikita ang kahulugan ng pagsisimba sa ating pananampalataya? Nagsisimba ba ako dahil kailangan? O nagsisimba ako dahil gusto kong magsimba?

April 24, Monday

John 3, 1-8

Nicodemo: "Paano maisisilang ang isang taong matanda na?"

PAGSASADIWA

Si Nicodemo ay isang lider ng mga Judio, maaaring miyembro ng Sanhedrin. Pinahayag nito na ang mga salita at kilos nito ay nagpapakita na tunay na guro si Hesus. Maka-Diyos si Nicodemo at nais niyang makilala ang Diyos at ang kanyang kalooban. Sinabi ni Hesus na walamg makapapasok sa kaharian ng Diyos kung hindi siya isisilang mula sa tubig at Espiritu. Paano? Ang mga matatandang tao ay nahihirapang magbago: nagiging matigas ang kanilang puso at isipan, dahil sa lawak ng kanilang karanasan at kaalaman. Ngunit ang Espiritu ay tumutulong upang muling mapansin ang mga pagbabago sa sariling buhay, nagiging bukas uli ang puso sa mga bagong paraan, layunin at hangarin. Nagiging bukas muli sa panibago tulad ng mga bagong isinilang.

PAGSASABUHAY

Ang ating binyag ay nagbibigay sa atin ng panibagong buhay. Nagkakaroon tayo ng kapangyarihang makita ang galaw ng Espiritu sa ating buhay. Ang kakayahang magbago ay bigay ng Espiritu ngunit kailangan nito ang ating pagiging bukas sa kanya: hindi ito nababatay sa ating kabataan o katandaan. Lahat maaaring magbago, kung pagsisikapan natin. Ngunit handa ba tayong magbagong-buhay? Ito ang tanong ng muling pagkabuhay ni Hesus: handa ka bang magbago?

April 25, Tuesday

Mark 16, 15-20

“Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal.”

PAGSASADIWA

Ang habilin ni Hesus sa mga apostol at sa ating lahat na ipahayag natin ang Magandang Balita sa buong sambayanan sa buong daigdig. Itatanim ng mga apostol ang binhi ng pananampalataya at palalaguin ito hanggang sa nakatakdang araw. Ang mga maging alagad ni Kristo ay magbibinyag, magpapalayas ng demonyo, at magsasalita sa pamamagitan niya. Si San Marcos o John Mark ay namuno ng bagong Simbahan, at kinikilala siya bilang nagtayo ng Simbahan ng Alexandria sa Ehipto.

PAGSASABUHAY

Sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, pinahahayag ba natin ang ebanghelio sa buong sangkinapal? Nagiging modelo ba tayo ng tamang pagiging Kristiyano? Kung hindi, ano ang mga humahadlang sa iyong pagiging mabuting Kristiyano? Nagbabahagi ba kayo ng ating mga kakayahan upang mabuo ang Simbahan? O nakita natin ang mga ugaling nakapipinsala sa Simbahan, pero wala tayong naitulong man lang.

April 26, Wednesday

John 3, 16-21

"Ganito kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya't ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman."

PAGSASADIWA

Pinapaliwanag ng Ebanghelio na ang buhay na walang hanggan ay bunga ng pag-ibig ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng pagpapakilala ni Hesus sa atin. Dahil dito, ang tugon natin ay ang pagkakaroon ng pananampalataya, at pagiging bahagi ng liwanag. Ang liwanag na ito ay si Heus. Unang-una ang layunin ay ang buhay na walang hanggan. Kaya inihahanda natin ang mga tao upang makiisa sila kay Kristo. Turuan upang lalung tumingkad ang pagiging anak ng diyos; Hubugin upang maging mga tao para sa ibang tao. Pangalawa, ang daan ay ang daan ni Kristo, ang Liwanag ng Sanlibutan. Kung nais mong makamit ang buhay na walang hanggan, iisa lamang nga susunduin: si Hesus.

PAGSASABUHAY

1. Ang mga nabasa natin ay nakakagaan ng loob, at nakakabigay ng panibagong buhay. Magandang isipin na higit na mahal tayo ng Diyos.

2. Dahil dito, lalasapin ko ang katotohang mahal tayo ng Panginoon. Magbalik-tanaw at alalahanin mo ang mga panahon kung kailan mo naramdaman ang pagmamahal ng Diyos sa iyo.

April 27, Thursday

John 3, 31-36

Juan Bautista: "Walang kapantay ang naparirito mula sa itaas."

PAGSASADIWA

Ipinahahayag ng Ebanghelio si Hesus bilang naririto mula sa itaas. Ang mga salita ni Hesus ay ang mga salita ng Diyos. At ang Diyos ang bukal ng walang kapatay na biyaya ng Espiritu. At ang lahat ng kapangyarihan ng Ama ay ipinagkatiwala kay Hesus na anak Niya. Ibig sabihin, si Jesus ay Diyos. Ngayon, inaanyayahan tayo na sariwain muli ang katotohanang nakikibahagi sa ating buhay ang mismong Diyos --- ang Siyang mula sa itaas ay walang kapantay.

PAGSASABUHAY

Nakasulat sa Salmo 8, “Kapag minamasdan ko ang langit na gawa ng iyong mga kamay, ang buwan at mga bituin na 'yong inilagay--- ano ang tao upang 'yong alalahanin, ang anak ni Adan upang 'yong kalingain?” Sino nga ba tayo upang mahalin ng mismong Diyos? Parang mataas ang pagtingin ng Diyos sa atin. Sabi ng manunulat sa Salmo 8: “Kaunti na lang at diyos na siyang ginawa mo... at sa kanyang paa, ipinailalim mo ang lahat.”

Balikaan ang mga pag-uugali at pakikitungo natin sa ating sarili at kapwa. Nararapat ba ito sa dangal ng isang taong minamahal ng Diyos?

April 28, Friday

John 6, 1-15: Feeding the Five Thousand

PAGSASADIWA

Nagsasabi ng dalawang bagay ang kuwento ng pagpaparami ng tinapay. Una ang tugon sa pangangailangang-pantao. Nahabag si Hesus sa kanila. At pangalawa, ang tugon sa mga bagay. Sabi ni Felipe: Limang tinapay na sebada at dalawang isda lamang. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Sabi ni Hesus, “paupuin niyo ang mga tao.” Tama si Felipe, konti lamang ang dalawang isda at limang tinapay. Ngunit ang konti sa tao ay marami sa Diyos. Kadalasan, mababa ang pagtingin natin sa ating sarili dahil laging hindi sapat ang lahat na ibinigay sa atin. Kung gagamiting lubusan ang ibinigay na kakayanan, ang konti naging mas marami. Sa kamay ng Diyos, ang konti na meron tayo naging sapat upang mapakain ang limanlibo.

PAGSASABUHAY

1. Sino ako sa mga taong nasa kuwento: ako ba ang batang may limang tinapay at dalawang isda? Ako ba ay si Felipe na nabigo? Ako ba ang karamihan na gutom sa mga salita ni Hesus?

2. Maaring kulang o konti ang limang tinapay at dalawang isda. Ganito ba ang tingin ko sa aking sarili? Ano ang puwede kong gawin upang mapalago ko pa ang mga ibinigay na kakayahan ng Diyos sa akin?

April 29, Saturday

John 6, 6-21

Napansin nilang naglalakad si Hesus sa dagat at palapit sa bangka. Nasindak sila. Ngunit sinabi niya sa kanila: "Ako siya; huwag kayong matakot."

PAGSASADIWA

Gamitin natin ang ating imahinasyon at ilagay natin ang ating sarili sa bangkang sinasakyan ng mga apostol. Malakas ang ihip ng hangin, madilim at magalaw ang dagat at wala pa si Hesus. Pagmasdan natin ang takot at pangamba sa mga mata ng mga apostol dahil hindi nila kasama si Hesus. Pagmasdan mo rin ang iyong nararamdaman: nangangamba ka rin ba at natatakot? At nang makita si Hesus na naglalakad sa dagat, tingnan natin ang kanilang pagkasindak dahil di pa nila lubusang kilala si Hesus.

PAGSASABUHAY

Masuwerte tayo dahil ngayon alam natin na si Hesus ay ang ating tagapagligtas sa anuman sakuna sa ating buhay. Ngunit, tunay nga ba tayong naniniwala nito: "Ako siya; huwag kang matakot." Sa mga oras ng pangamba at takot, matindi ba ang tiwala natin sa Diyos, o di nawawala pa rin ang ating pagkabahala?

No comments: