Ika-23 ng Nobyembre 2006
Misa sa ika-21 Annibersaryo ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND)
Kasama ng UP-College of Social Work and Community Development
Ang ating mga kuwento ay isa sa mga nagbibigay kahulugan at pagkakakilanlan sa ating buhay. Ang isang pamilya ay nabubuo at nagkakaisa dahil sa kanilang kuwentong pampamilya. Halimbawa, naging tradisyon sa aming pamilya ang magtipon tuwing kaarawan ng aming nanay. Dito nagdadala ng iba’t ibang pagkaing kinagigiliwan ng nanay. Ngunit, hindi ito kumpleto kung walang laing at pochero na luto mismo ng nanay. Habang dumadaan ang panahon, pinagkukuwentuhan ang ganitong tradisyon at ito’y nagiging bahagi ng alaalang Gonzales. Kung buburahin ang ganitong alaala sa Gonzales, mawawalan ng kahulugan ang aming pagtitipon at pagkakakilala.
Sa ating pananampalatayang Kristiyano, ang kuwento na nagbubuklod sa atin ay ang kuwento ni Hesus. Nagtitipon-tipon tayo dahil sa kuwento ng ating Panginoon na dumanas ng karumaldumal na paghihirap at pagpaslang sa pagpako sa krus. Isang biktima ng karahasang naka-ugat sa kasalanan at kasamaan. At ang kuwento ni Hesus ay sinundan pa ng sari-saring kuwento ng mga martyr ng pananampalataya. Inaaalala natin sila sa araw ng kanilang pagpaslang alang-alang sa kanilang pananinindigan. Sa simbahang Katoliko, libo-libong mga martir na ang nagbuwis ng buhay kasama ni Lorenzo Ruiz at Pedro Calungsod. Ang kanilang kuwento ang nagpamulat sa atin ng bunga ng masama sa ating lipunan at kasalanan sa ating mga sarili.
Subalit ang kabanalan ay hindi lamang nakikita sa ating mga martir. Kasama na dito ang ating mga bayani ng bayan, at ang ating mga kapamilya, kamag-anak at kaibigan na hindi na bumalik sa atin. Sila ang tinatawag nating desaparecidos --- mga nawawala, mga biktima ng kasamaan o ng masasamang tao sa lipunan. At hindi natin pinagkakaila ang ating lungkot, galit, kahungkagan, at kakulangan sa ating buhay.
Ngunit, kailangan nating itanong uli sa ating sarili kung bakit tayo ay naririto. Sinabi natin, naririto tayo dahil ipagdiriwang --- opo, mga kapatid --- IPINAGDIRIWANG at PINASASALAMATAN natin ang Panginoon dahil sa dalawamput-isang (21st) annibersaryo ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND). Bakit tayo nagdiriwang at nagpapasalamat? Hindi ba’t nalulungkot tayo, nagagalit, nawawalang pag-asa na makita pa muling buhay ang ating mga minamahal?
Sa pananampalataya, ang kuwento ng Panginoon, ng mga martir at ng mga bayani ay hindi kailanman kinakalimutan, kundi pinagdiriwang. Unang-una, ang kuwento nila ang nagsilbing sanhi ng ating pagbubuklod, ng pagsasama ng lahat ng pamilyang naririto. Pangalawa, ang kuwento nila ay nagbibigay-lakas sa atin upang patuloy ang pakikibaka sa kabila ng kahirapan. Pangatlo, ang buhay nila, ang kanilang kuwento, ang nagmulat sa atin sa epekto ng kawalang respeto sa karapatang pantao. Panghuli, dahil sa pananampalataya natin sa Diyos, alam natin na hindi kailanman masusupil ang alaala natin. Naniniwala tayo, tulad ng mga martir, patayin man nila ang ating mga katawan, pero hindi nila mapapatay ang ating kaluluwa.
Samakatuwid, nagdiriwang tayo dahil ang mga minamahal nating di na nagbalik, ay bumalik na sa Panginoon at naghihintay sa atin. Ang mga nawala ay hindi talaga nawala. Sa pananampalataya natin, ang kamatayan ay hindi katapusan ng buhay. Ang kamatayan ay simula ng mas magandang buhay. Sa Diyos, walang nawawala. Sa Diyos, lahat na nawawala ay nahahanap.
Dahil ang kuwento ni Hesus ay hindi nagtapos sa pagpako sa krus, kundi nagtapos sa kanyang muling pagkabuhay. At pangako ni Hesus sa atin, ang sinumang nananampalataya sa Kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
Dahil dito, maaari nating sabihin: ayos na sila. Ngunit, tayo ay hindi pa ayos. Kaya, dalawang bagay ang maiiwan sa atin: Una, ang tunay na PAG-ASA, na may kahihinatnan ang ating pakikibaka, at pangalawa, ang responsibilidad na ipagpatuloy ang pagKUWENTO upang maaalala ng lahat ang kuwento ng mga taong isinalamin ang kuwento ni Hesus sa kanilang buhay. Naniniwala ako na ang gagawin natin pagkatapos ng misang ito, ang pagbubukas ng website ng FIND, ay para hindi makalimutan ng ating bayan --- at ng buong mundo --- ang kuwento ng kanilang mga bayani.
No comments:
Post a Comment