Dios Mabalos!


13 February 2007: Tuesday of the 6th Week in Ordinary Time
Mark 8, 14-21: Diyos Mabalos!
Homily at the Ateneo de Manila High School for all their Social Involvement Programs.

Magandang umaga sa inyong lahat.

Tingnan muna natin ang ebanghelio. Nangamba ang mga alagad ni Hesus dahil wala silang maibibigay sa mga taong nakikinig sa kanila. Nang sinabi nila kay Hesus, pinapaalalahanan niya sila. Pinakain niya ang limang libong tao (5,000) at labingdalawang (12) kaing ang natira ; nang pinakain niya ang apat na libo, pitong kaing ang natira. Pinapahiwatig ni Hesus sa kanila na huwag dapat silang mangambang magugutom ang mga tao. Ito rin ang sinasabi ni Hesus sa atin. Hindi niya tayo pababayaan ano mang mangyari, matindi man ang ating pangangailangan.

Ngunit, tayo rin ang pinapangako ng Diyos sa lahat ng mga taong nangangailangan.

Magsisimula ako sa isang kuwento. Papauwi na si Mr. Nestor Villanueva nang nasira ang kanyang sasakyan sa daan patungong Legaspi sa Bicol. Narinig niya ang nangyari sa kanyang pamilya sa Albay nang umagos ang lahar galing sa Mayon Volcano, kaya nagmadali siyang umuwi dala ang isang KIA Pride. Umuulan noon dahil kakatapos lang dumaan ng bagyong Reming. Sa kasawing-palad, hindi niya alam kung papaanong aayusin niya ang kanyang sasakyan.

May isang lalaking tumigil at nilapitan siya. Unang sumagi sa kanyang isip na ang hitsura ng lalaki ay mukhang di-mapagkakatiwalaan. Ngunit lumapit sa kanya ang lalaki at tinanong siya kung kailangan niya ng tulong dahil mekaniko siya sa isang talyer. “Ako po si Jayson,” pakilala ng lalaki. Binuksan ni Jayson ang hood ng sasakyan at sinimula na niya ang pag-aayos. Nang umandar na ang KIA Pride ni Mr. Villanueva, nagpaalam na si Jayson.

Sa labis na tuwa ni Mr. Villanueva, inabot niya ang limang daang piso para kay Jayson. Ngunit tinanggihan siya nito. Sabi ni Jayson, ibigay na lang daw niya ang kanyang pera sa nangangailangan. Kusa siyang tumulong na di iniisip na babayaran siya nito. At pagkasabi, umangkas na si Jayson sa kanyang motor at nagpaalam.

Sa di kalayuan, tumigil si Mr. Villanueva sa isang maliit na turo-turo. Nag-order siya ng pagkain at pagkatapos, nahalata niya na buntis ang nagsisilbi sa kanya. Nang matapos siyang kumain, naalala niya ang sinabi ni Jayson. Kaya, nilagay ang limang daan bilang tip sa babaeng buntis.

Nang makita ng babae na sobrang-sobra ang tip na binigay sa kanya, hinabol niya si Mr. Villanueva para ibalik ito. Pero di na niya naabutan. Nilagay niya sa kanyang bulsa ang tip at pagkatapos magsara, umuwi na siya. Naabutan niya ang kanyang asawang nakahiga sa kama. Hinaplos niya ito sa kanyang mukha at ginising. Sabi ng babae, “May pambayad na tayo para sa panganganak ko! May pambayad na tayo, Jayson!”

Ang anumang binibigay natin nang kusa ay napapasa-atin: bumabalik sa iba’t ibang paraan. At kung ano mang tinatago natin ay kusang nawawala din. Marami tayong isinasakripisyo upang tumulong at magmalasakit sa kapwa: mga oras na ginugugol na maaari sanang gamitin sa paglalaro ng Dota o ng basketball; mga bagay na ibinibigay natin para sa mga nasalanta ng bagyo o sa mga matindi ang pangangailangan, ay maaari rin sanang mapakinabangan pa natin.

Ngunit ang sukli ng pagiging bukas-palad ay di mababayaran kailanman: ang mga kaibigan natin mula sa mga institusyon, pamayanan at paaralang katuwang natin sa Dungaw Exposure Program, Damay Christian Service Program, Damay Immersion Program, Gawad Kalinga at Tulong Dunong. Sa palagay ko, mas mahalagang nahubog sa ating paglilingkod at pagbibigay ng sarili ang ating karakter: mula sa pagiging makasarili, nagiging tunay tayong maka-Diyos at maka-kapwa. Sabi ng Gawad Kalinga: Pilipino bagong-bayani. Malay natin: ang tinulungan natin ngayon maaaring siya rin tutulong sa atin sa kinabukasan.

Sa kabilang banda, mas mabuti kung isipin natin ang sinasabi ng isang Bikolano bilang pasasalamat: Diyos mabalos (Diyos na ang bahalang sumukli ng kabutihan mo.).

No comments: