Indigenous People’s Sunday
Isaiah 25, 6-10; Psalm 23; Phil 4, 12-20; Matthew 22, 1-14
Note: This homily appears on this Sunday's Sambuhay, a publication of the Society of St. Paul.
Ang buong sambayanan ang nagdiriwang sa kasalan. Noong panahon ni Hesus, matagal nang inimbitahan ang mga panauhin upang mailaan nila ang buong araw para lamang sa ikakasal. Ngunit ang oras ng salu-salo ay hindi sinasabi. Pinapalagay ng may handa na naitala na ang buong araw para sa kanila, kaya kahit anong oras maaari silang tawagin upang simulan ang pagdiriwang. Ang paglalaan ng araw ay isang pagpapahalaga sa ikakasal.
Ngunit ang mga panauhin sa talinhaga ni Hesus ay isa-isang tumanggi sa panawagan. Marami silang pinag-aabalahan. Kanya-kanya silang lumisan maunlakan lamang ang pansariling pangangailangan. At dahil matagal na silang nasabihan, wala silang maidadahilang nagkulang ang punong-abala. Kaya hinimok ng hari ang kanyang mga alagad na suyurin ang kahit sinong makikita nila sa iba’t ibang gusali, kalsada at iskinita at imbitahing makisalo sa pinakamasayang panahon sa kanyang buhay: ang kasal ng kanyang minamahal na anak.
Ang panawagan ng Diyos ay para sa lahat. Tulad ng pagsuyod ng kanyang mga alagad sa iba’t ibang tao, mayaman o mahirap, banal o makasalanan, lahat ay tinatanggap sa hapag kainan ng Diyos. May puwang ang bawat isa sa puso ng Diyos. Sa Eukaristiya, pinagsasaluhan ng iba’t ibang uri ng tao ang dahilan ng ating pagsasama, ang Diyos na nag-alay ng Kanyang buhay para sa lahat.
Hinihimok din sa lahat ng Kristiyano na buksan ang puso sa lahat ng tao. Kadalasan pinipili natin ang ating iaanib, at tinatanggihan natin ang ayaw nating isali. Mas mapanatag tayong kasama ang sariling tao kaysa makipag-usap sa mga taong iba ang pananaw, pananampalataya, o paninindigan. Ang pagsasarili ang dahilan kung bakit nagkakawatak-watak ang ating sambayanan.
Bilang pagdiriwang ng Indigenous People’s Sunday, pinapahalagahan natin ang iba’t ibang kalahi nating iniwalay at binawian ng lupa’t karapatan. Sa welcoming ceremonies noong nakaraang World Youth Day sa Sydney, Australia, pinuri ni Pope Benedict XVI ang pagsisisi ng mga Australian Government sa mga karahasang ginawa nila sa kanilang mga katutubo. At pinahalagahan ng Santo Papa ang mga hakbang ginagawa nila upang ituwid ang ganitong pagkakamali. Noong dumating ang mga taga-Europa sa Australia, hiniwalay sa pamilya ang mga anak ng katutubo upang gawing mga katulong sa kanilang bahay at industriya. Sa Pilipinas, maraming mga lupang pagmamay-ari ng ating mga katutubo ang unti-unting kinakamkam ng iba’t ibang tao sa gobyerno, pribadong sektor o mga dayuhan.
Bilang Kristiyano, muli natin silang ibalik sa ating hapag kainan.
No comments:
Post a Comment