Ang Saya sa Adbiento

14 December 2008. 3rd Sunday of Advent
Isaiah 61, 1-11; Luke 1, 46-54; 1 Thes 5, 16-24; John 1, 6-8. 19-28

Note: This Filipino homily appears in Sambuhay this Sunday. Sambuhay is a publication of the Society of St. Paul. The English translation will be uploaded.

Maraming nag-aakala ang pananampalatayang Kristiyano naka-batay sa pagdurusa at pagpapakasakit. Ngunit pinapaalala sa atin sa araw na ito na ang pinakarurok ng ating pananampalataya ay ang saya. Kaya sinisindihan natin ang kandilang rosas bilang sagisag ng saya: sa Adbiento, siguradong darating ang ating hinihintay. Ganito ang pakiramdam: naghihintay ka sa isang kapamilyang uuwi sa Pasko. Idinidiin ni Maria sa Salmo at ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Thesalonia ang halaga ng kasiyahan na nangagaling sa pagpapasalamat sa Diyos.

Unang-una, ang kasiyahang ito ay hindi nakasalaylay sa anumang bagay dito sa mundo, dahil maaari tayong maging masaya kahit saan mang dako. Sa halip, ito ay nakabatay sa presensya ng Diyos sa ating buhay. Madali itong maunawaan ng mga taong umiibig. Masayang magkasama ang magkasintahan. Basta’t magkasabay, hindi napapawi ang kaligayahan: kahit saan man sila --- sa gitna man ng masangsang na palengke o sa isang romantikong kapihan --- o sa anumang sitwasyon sa kanilang buhay.

Pangalawa, ang kasiyang ito ay nangagaling sa pagpapasalamat. Umaapaw sa utang-na-loob ang propeta sa unang pagbasa dahil sa mga biyayang natanggap nito. Umaapaw sa pagpapasalamat si Maria dahil dahil naalala ng Panginoon ang mga may maliliit sa lipunan tulad niya. PInaalala ni San Pablo na magpasalamat tayo sa Diyos sa lahat ng panahon.

Malimit nakikita natin ang pagkukulang. Maaring pagkukulang natin o ng ibang tao. Mas madali natin matandaan ang mga bagay na wala tayo, kaysa sa meron. Ang mga taong negatibo --- tulad ng mga masusungit at mapanghusga --- ay mga taong di makita ang mabuti sa kanila at sa kapwa. Kailangan natin ipunin ang mga magagandang bagay na meron tayo upang maging tulad nina Maria na labis-labis ang pagpapasalamat sa Diyos. Nakakamangha na ang mga taong alam ang biyaya sa kanila, nakakadiskubre pa nang mas marami. Ang pusong tumatanaw ng utang na loob sa Diyos ay may kakaibang gaan sa kalooban. At nakikita ito sa kanilang pananaw sa buhay at sa pakikitungo sa kapwa.

Pangatlo, ang kasiyahang ito ang mismong mensahe ni Juan sa Ebanghelio. Masaya ang taong madaling magbalik-loob at magpatawad. Wala itong kinikimkim na bigat sa kalooban. Masaya ang magmahal. Masaya ang maglingkod sa kapwa. Kaya kasama ng saya na ito ang kapayapaan: magaan ang loob ng mapagbigay kaysa sa sakim.

Panghuli, sabi ni San Pablo, natatagpuan sa pagdarasal ang kasiyahang ito. Dahil nakakasama natin ang bukal ng tunay na kaligayahan. Nararanasan natin ang uri at lalim ng pagmamahal ng Diyos sa atin: maging sino man tayo, hindi nagbabago ang kanyang pagkalinga.

May joke ako. Sabi ng asawa, “Naglagay ng mudpack ang asawa ko. At lalo siyang gumanda... hanggang natanggal ito!” Mudpack o wala, mahal tayo ng Diyos. Di ba ito ang pinakamasayang karanasan? Hindi natin kailangang magkunwari, dahil tanggap tayo? Maraming talinghaga ang ginamit ni Hesus para ipaliwanag ang Kaharian ng Diyos. Isa nito ang salu-salo sa kasalan. Ang Kaharian ng Diyos daw ay tulad ng isang handaan. Lahat ng nasa pagdiriwang ay masayang nakikihalubilo sa mga dumalo at sa presenya ng Mayhanda.

2 comments:

rdaconcepts said...

Tama po kayo Fr. JBoy, hindi sa anumang bagay matatagpuan ang happiness.

Nice blog-writing Fr. Panalangin nyo po sana ako na sana ay makumpleto ko ang simbang gabi at sana ay biyayaan ako ng Panginoon ng karunungan at kasipagan sa pag-aaral sa darating na 2009 at sa darating pang panahon.

More power Fr.

-rejie

Unknown said...

Salamat rejie. Promise, pagdadasal kita.

Jboy SJ