25 February 2009 Ash Wednesday
Joel 2, 12-18; Psalm 51; 2 Cor 5, 20-6,2; Matthew 6, 1-18
Sinisimulan ng Miyerkoles ng Abo ang Panahon ng Kuwaresma. Pinapaalala sa atin na kusa tayong magbalik-loob sa Diyos dahil iniligtas tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang muling pagkabuhay. Paano ba nating ipagdiriwang ang araw na ito?
Unang-una, ang lungkot ng Kuwaresma ay makikita sa paggamit ng simbolo ng abo. Noong unang panahon, ang taong nagsisisi sa kanyang kasalanan ay nagsusuot ng sako at naglalagay ng abo sa buong katawan. Dahil sa kaugaliang ito, simbulo ng pagbabalik-loob ang krus na abo na inilalagay sa ating noo. Ngunit ang sako at abo ay pawang panlabas lamang. Sinasabi ng unang pagbasa na kailangang punitin ang ating mga puso, at hindi ang ating mga damit. Niyayaya tayong baguhin ang ating mga puso, magsisi sa ating mga kasalanan at humingi ng tawad sa Diyos.
Ang lungkot sa Kuwaresma ay galing sa isang banal na pagsisisi. Ito ay banal dahil maka-Diyos ang ating pighati. Humihingi tayo ng tawad sa ating mga personal na kasalanan dahil nakasakit tayo sa iba. Pinagsisisihan natin ang ating mga kasalanan sa kapwa-tao tulad ng mga pagkakamaling ginawa natin sa ating lipunan. Halimbawa, ilang taon na ang nakalipas nang ideklara ng pamahalaan ng Australia ang kanilang “National Day of Sorrow” bilang pagpapakita ng kanilang pighati sa pang-aaping ginawa nila sa kanilang mga katutubo. Tulad nila, tinatanggap natin sa araw na ito na kasangkot tayo sa maraming kapariwaraan sa ating lipunan.
Pangalawa, may kakaibang saya ang Panahon ng Kuwaresma. Sa kabila ng mga pag-aayuno at pagsisisi, panatag ang ating kalooban. Alam nating mahal tayo ng Diyos at patatawarin Niya tayo. Hindi tayo nagsasakripisyo sa wala; nag-aayuno tayo sa meron --- may pinatutunguhan ang ating mga ginagawa para sa Diyos. Sapagkat, sabi ng unang pagbasa, ang Diyos ay mapagpatawad, walang hanggan ang kabaitan at hindi kailan ma’y mabilis magalit. Pinapangako ng Maykapal ang kapatawaran at pagbabagong-buhay sa mga taong tunay ang pagsisisi. Sa kuwaresma pinagdiriwang natin ang ganitong ugali ng Panginoon.
Ang Kuwaresma sa Anglo-Saxon ay nangangahulugang, spring o tagsibol. Ibig sabihin, ang Miyerkoles ng Abo ay simula ng pagusbong ng bagong dahon pagkatapos ng tag-lamig. Ang saya ay isang resulta ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Nararanasan natin itong kakaibang saya. Pagkatapos patawarin tayo ng ating mga magulang o mga kaibigan, magaan ang ating pakiramdam. Sa kabila ng ating mabigat na kasalanan, pinatawad pa rin tayo ng Diyos pagkatapos ng kumpisal. Naiyak tayo sa tuwa at para bagang nabunutan tayo ng tinik sa dibdib. At sa tuwang ito, alam nating nabigyan tayo ng pagkakataong magsimula muli at umunlad tungo sa bagong-buhay.
Nakikita ang halaga at kahulugan ng Kuwaresma sa abot-tanaw ng tuwa sa muling pagkabuhay ni Hesus. Kaya sinasabi ni Hesus sa ebanghelio na ang mga ginagawa natin bilang patunay ng ating pagsisisi tulad ng pag-aayuno o pagpapakita ng awa sa kapwa ay itago na lamang; at ipakita lamang ang kakaibang tuwa na dala ng mga taong alam na may nagmamahal sa kanila.
Higit sa lahat, sabi ni San Pablo, may kinalaman tayong lahat sa pagbabalik-loob ng buong sambayanan. Kailangan nating magtulungan upang lalong ma-enganyong gawing tunay na makahulugan ang Kuweresma. Maraming tao ang nais magbagong-buhay. Pakiramdam ng nila na malayo na sila sa Diyos. Naghihintay lamang sila ng pagkakataong magbalik-loob. Maaari nating himukin silang makibahagi sa mga kumpisalang-bayan, pagninilay sa buhay ni Kristo, atpb. Kung magka-isa tayo matutupad ang sinabi ni San Pablo, ang araw na ito “ang siyang tunay na panahon ng ating kaligtasan!”
No comments:
Post a Comment