Acts 10, 34a, 37-43; Psalm 118; Col 3, 1-4 or 1 Cor 5, 6-8; John 20, 1-9
Note: This homily appeared in SAMBUHAY of the Society of St. Paul for their Filipino issue; and the TV 5 Easter Sunday mass, "Humayo't Ihayag".
Nagpakita si Hesus sa iilang mga tao nang muli Siyang nabuhay. Sa ebanghelio ngayong araw, matutunghayan natin ang iba’t ibang reaksiyon ng mga tao sa muling pagkabuhay ni Hesus. Paano sila naniwala sa muling pagkabuhay?
Unang-una, ang natural na reaksiyon. Nang makita ni Maria ang mga lino sa libingan, hindi pa siya naniwala. Akala niya kinuha ng mga sundalong Romano si Hesus (Juan 20, 2). Nakilala ni Maria Magdalena si Hesus nang tinawag nito ang kanyang pangalan. Sa sulat ni Juan, pinangako ni Jesus na tatawagin Niya sa kanilang personal na pangalan ang bawat tupang kabilang sa kanyang kawan (Juan 10, 4). At nang makilala niya si Hesus, ibinalita nito ang kanyang nakita sa mga nagtitipon-tipong mga alagad. Si Maria Magdalena ang pinakaunang tagasunod ni Hesus na nagpahayag ng Kanyang muling pagkabuhay.
Pangalawa, ang pagkalito ni Pedro. Nakita niya ang mga linong ginamit sa libing, ngunit di niya naintindihan ang nangyari.
Sa kabilang banda, sa konting ebidensiyang naratnan nila sa libingan, sumampalataya kaagad ang Beloved Disciple (v.8). Turo ni Hesus, “Mapalad ang mga hindi nakakita ngunit sumampalataya” (v. 29). Malalim at matindi ang pagmamahal ng Beloved Disciple, na hindi niya kailangan ng iba pang patunay upang maniwala. Sa dagat ng Tiberias, nakilala din nito si Hesus kahit hindi mamukhaan ng mga kasama niyang alagad (21, 7).
Maraming pagkakataong ang karanasan natin ng Diyos ay malinaw at masidhi. Nagpapasalamat tayo sa Diyos sa mga malalalim na pagkakaibigan at pagmamahal sa pamilya. Nararanasan ng ating mga magulang ang Diyos sa panganganak. Nakikita natin sa magagandang tanawin. Damang-dama natin sa inspirasyon. O kapag pinapatawad tayo sa ating mga pagkakamali. Sukat hindi natin malaman, sa kabila ng ating mga pagkakasala at kahinaan, binibiyayaan pa rin tayo. Sa mga karanasang ito, ang ebidensiya na kailangan nating makita ay malinaw. At tulad ni Maria, Pedro at Tomas, naniwala sila nang nagpakita at nahawakan nila si Hesus.
Ngunit may mga karanasan din tayo na mahirap makita ang Diyos. Sa mga trahedya sa ating buhay, pakiramdam natin pinarusahan tayo ng Niya. Sa gitna ng ating kalungkutan, inaakala natin na nag-iisa na lang tayo sa mundo. Kapag namatayan tayo sa pamilya o sa kaibigan, mahirap makita ang pag-aaruga sa atin. Madalas tinatanong natin ang ating sarili, “kung may Diyos, bakit hinayaan Niya ito mangyari sa akin.” Sa karasanang ito, mahirap maaninag ang presensya ng Diyos sa ating buhay. Dito kailangan natin ang tindi ng pag-ibig ng Beloved Disciple: ang pag-ibig na may tiwala na kahit magulo at malabo ang ating paningin sa gitna ng ating pagdurusa, mababanaagan pa rin natin ang kamay ng Diyos sa mga ito.
Iba’t ibang paraan ang ginagamit ng Diyos upang lumalim ang pananampalataya natin sa Kanya. Maaaring tulad tayo ni Maria, na maniniwala lamang kung nakita natin ang mga pangyayari. To see is to believe. Maaari din tayo maging tulad ni Pedro: bago tayo maniwala, kailangang makita natin ang kasagutan sa ating mga katanungan, ang kapayapaan sa pagkabagabag sa buhay. O maaari tayong maging tulad ng Beloved Disciple. Nakikita natin ang Maykapal sa mga pangyayaring hindi nating akalaing may aninag ng Diyos. At kahit sa ano mang paraan, lahat tayo ay tinawag na ibahagi sa iba kung paano nakita nating buhay na buhay ang Diyos.
No comments:
Post a Comment