Gawa 2, 1-11; Salmo 104; 1 Cor 12, 3-7, 12-13; Juan 15, 26-27 at 16, 12-15
Note: This article appears in Sambuhay a publication of the Society of St. Paul.
Hindi maipagkakaila ng mga unang Kristiyano ang mga pagbabagong naidulot ng pagbaba ng Espiritu Santo sa kanila sa araw ng Pentekostes dahil sa mga biyayang nakamit nila (1 Cor 12-14). Damang-dama ng komunidad ni Juan ang presensya ng Diyos sa kanila. Kitang-kita ang mga biyayang ito sa mga nananampalatayang Kristiyano sa Corinto, Efeso, Galacia, Antioquia, Jerusalem, atpb. Pinagkaloob ng Espiritu Santo ang mga biyayang ito sa lahat ng sumasampalataya (Gawa 2, 28; Gal 4,6; Rom 5,5). Sulat ni Richard McBrien sa kanyang librong, “Catholicism”: “Ang Pentekostes ang panahong pinakalooban ng Panginoon ang Simbahan ng kapangyarihang mula sa itaas (Lucas 24, 49; Acts 1,18).” Ang mga biyayang ito ang naghubog at nagpanday ng mga komunidad na nagkakaisa sa kanilang malalim na pag-ibig kay Kristo.
Unang una, pinagkaloob ng Espiritu Santo ang kakayahang makita at maipaliwanag ang kalooban ng Diyos sa kasalukuyang panahon. Nakasulat sa Ebanghelio na kapag dumating ang Espiritu ng Katotohanan, gagabayan tayo tungo sa katotohanan. Papupurihan niya si Hesus, dahil galing kay Kristo ang kanyang ituturo sa atin. Bilang Espiritu ng Katotohanan, patuloy Niyang gagabayan ang mga magiging alagad ni Kristo tulad ng paggabay nito sa mga sinaunang mga Kristiyano. Magpapatotoo ang Espiritu kay Kristo. Sa gayon, ang Espiritu ay gumagalaw sa pangkasalukuyan at sa magpakailanman. At makikita natin ang galaw ng Espiritu sa komunidad.
Maraming mga isyu ngayon ang hindi naging problema sa panahon ni Hesus. Ang cloning, genetic engineering, at global warming ay hindi pinag-uusapan sa panahon ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Kung hindi makikita ang mga ito sa Biblia, paano ba tinutugunan ng Simbahan ang mga isyu na ito? Unang-una, nananaliksik ang mga dalubhasa ng Simbahan kasama ang iba’t ibang eksperto na maaaring makapagbigay ng tamang paliwanag. Tinitingnan sa Bibliya ang mga bagay na makakatulong sa pagharap sa bagong problema. Pagkatapos, pinagninilayan ang tamang tugon nito: ano ang gagawin ni Kristo kung naririto Siya sa atin. Ang abilidad kung paanong harapin ang isyung ito ay nangagaling sa Espiritu Santo na nagpapatnubay sa pamamagitan ng komunidad ng mga dalubhasa.
Tinatanggap ng lahat na binyagan ang biyaya ng Espiritu Santo na gumagabay sa atin upang harapin ang mga isyu natin sa buhay ngayon. Dahil dito, maaari nating sundin ang ginagawa ng Simbahan. Sa pagharap ng personal na isyu sa buhay, kailangang may kaalaman tayo sa problema. Maari nating kausapin ang iba’t ibang taong marurunong tulad ng family counselors sa problemang pampamilya o mga abogado kung ukol sa lupa. Pagkatapos ng pananaliksik, pagnilayan ito, pag-usapan at pagdasalan ang pinakamainam na solusyon bilang pamilya o samahan.
Higit sa lahat, binubuo ng Espiritu Santo ang ating komunidad sa gitna ng ating pagkakaiba. At binibigyan tayo ng lakas ng loob buuin ito. Hindi madali ang pagpapanday ng komunidad. Isang malaking hadlang ang ating pagkakaiba: iba-iba ang ating pinanggalingan, kultura at pinapahalagahan. Sinulat ni San Lucas sa Gawa na ang bunga ng pagbaba ng Espiritu Santo na parang mga ‘dilang apoy’ ang lakas ng loob upang ihayag ang Mabuting Balita. Narinig ng iba’t ibang tao ang mensahe sa kani-kanilang wika: pinupuri nila ang Panginoon sa kanyang kahanga-hangang ginawa ng Diyos. Kahit galing sa iba’t ibang dako ng daigdig ang mga nakakita, nauunawaan ng bawat isa ang mensahe ng Panginoon: dahil dito, sila ay nagkakaisa! Ang pagkakaisa sa ating pagkakaiba ang biyaya ng Espiritu Santo sa atin. May mga kultural na pagkakaiba ang mga Kristiyanong kasapi ng orihinal na komunidad ng Jerusalem, sa mga Jewish-Hellenistic na komunidad tulad ng Antioquia sa Syria, o Hellenistic-Gentile na komunidad tulad ng Corinto. Ngunit sa gitna ng kanilang pagkakaiba, nagkakaisa ang lahat sa pananampalataya kay Hesus bilang Kristo at Mesias, sa pagbibinyag at pagtitipon-tipon sa Eukaristiya, sa turo ng mga Apostoles, sa pagpapahalaga ng pag-ibig sa isa’t isa sa komunidad at sa matinding pag-asa sa makakamtang Kaharian ng Diyos. Ang mga ito rin ang mga bagay na pinagsasaluhan natin ngayon, at tulad nila noon, sabay-sabay nating hinahangad at pinapalaganap ang kalooban ng Diyos dito sa lupa para nang sa langit. Kung may nakikipag-isa kay Kristo, kapayapaan ang bunga nito. Kaya, hinihimok ang bawat Kristiyano na magpatotoo kay Kristo. Sabi ni Jesus sa Ebanghelio, na kahit magdaranas tayo ng kapighatian, tibayan natin ang ating loob. Napagtagumpayan Niya na ang sanlibutan! (v. 33)
Hinahamon tayong lahat bilang Simbahan sa Pentekostes na maging mapagkupkop at mapagkaibigan sa lahat ng tao kasama ang mga hindi nating kabilang tulad ng mga taong kasapi sa iba’t ibang relihiyon, kultura o pananaw sa buhay. Sa gitna ng alitan, pagtutungali at digmaan, ang Espiritu Santo ang magsisilbing lakas sa pagpapalaganap ng pagkakaisa, paguunawaan at kapayapaan. Sa pag-uunawa sa bawat isa na bunga ng pagmamahal natin kay Kristo, gagalangin natin ang ating pagkakaiba, itataguyod natin ang katarungan at pagkapantay-pantay, at ipapalaganap natin ang mga pinapahalagahan ng lahat ng tao sa buong mundo.
No comments:
Post a Comment