Ang Mga Handog ng Hari ng Sansinukob

ika-22 ng Nobyembre 2009 Maringal na Kapistahan ng Kristong Hari
Daniel 7, 13-14; Psalm 93; Rev 1, 5-8; John 18, 33-37


Note: This article appears in Sambuhay in Filipino today. Sambuhay is a publication of the Society of St. Paul.

Taon-taon, inaabangan ng bawat Pilipino sa telebisyon ang mga pagalingan sa pagkanta at pagsayaw. Nagiging “idolo” at labis na hinahangaan ang mga nagwagi. Ngayong linggo, ginugunita natin ang higit na nararapat paglingkuran at kalugdan. Noong unang mga panahon, ini-ikot sa buong bayan ang imahen ng Kristong Hari, isang pagpapakita kung sino ang namumuno sa lahat. Pinupunyagi ito sa buong lalawigan, upang ipakita ang nararapat na tagurian tanging bida sa buhay. Ano ang tunay na hari? Sa mga Hudyo, isang tunay na pastol ang isang hari. Ang pagtugon sa pangangailangan ng kawan ang kanyang pangunahing tungkulin. Sa kanyang paglilingkod, nagkakaroon ng mapayapa at masaganang pamumuhay ang lahat ng sakop sa kanyang kaharian.

Ayon sa Pahayag, ipinagkaloob sa atin ang karangalan na maging lahing hinirang ng Diyos, isang kaharian ng mga pari at bayang banal. Batay sa Exodo 19, ipinapahayag nito ang pagbabago ng estado at dignidad ng tao.

Maharlika ang isang taong may kaharian. Nananalaytay sa Kristiyano ang dugong-makahari. Samakatuwid, bilang kaanib sa kaharian ni Kristong Hari, nagiging parte ng ating pagkatao ang pagiging mapagkalinga, mapag-alaga at mapag-sanggalang sa bawat tao at nilikha ng Diyos. Nakaukit ang tungkuling ito sa palad ng bawat bininyagan sa ngalan ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Higit na mataas ang ating estado sa pananaw ng Simbahan, hindi lamang ang pinakamataas na specie sa Kaharian ng mga Hayop. Dahil dito, isinasanggalang ng Simbahan ang karapatang pantao at tinutuligsa nito ang lahat ng uri ng pagsisiil at pangaapi. Kaya hindi kailanman magiging tama ang pagkitil sa buhay ng isang tao, maging isang kriminal o sanggol sa sinapupunan.

Iginawad din ni Kristo ang pagiging pari nating lahat. Noong unang panahon, ang pari ang naging tagapamagitan ng tao at ng Diyos. Siya ang naghatid ng mga panalangin at hangarin ng tao, upang itaas ito sa Poong Diyos. Hindi nakakapasok sa “Banal ng mga Banal” ang sinuman sa Templo ng Jerusalem. Dahil nakalagay ang kaban ng Tipan, naniniwala ang mga Israelita na doon nakaluklok ang Diyos. Ang mga pari lamang ang maaaring pumasok sa silid na ito. Ngunit dahil kay Kristo, ayon sa Hebreo 10, nagiging pari tayong lahat na may karapatang lumapit sa Diyos at mag-alay ng panalangin. Ito ang tinatawag nating common priesthood na ipinagkakaloob sa Sakramento ng Binyag.

Paano natin pinapa-iral ang pagiging kasapi sa “kaharian ng mga pari”? Ayon sa Sacrosanctum Concilium (SC) at ng General Instruction of the Roman Missal (GIRM), kailangang magkaroon ng malalim na pagunawa sa Eukaristiya, upang makita na kasama tayong lahat sa pag-aalay ng sarili ni Kristo Hesus, ang nag-iisang Paring Walang Hanggan at Hari ng sansinukob. Sa binyag, itinalaga at inihandog tayo sa Diyos. Sa paglago ng ating pananampalataya, ang pag-aalay na ito ay higit na nagaganap sa misa, ang bukal at tugatog ng pagsamba. Samakatuwid, kung nakikilahok at nakikisama tayo nang buong puso at diwa sa pag-awit at pagtugon sa misa, pinapamalas natin ang ating pagiging pari. Higit sa lahat, tunay na nakikita sa pagkakaisa natin sa ngalan ni Kristong Hari, ang sambayanan ng Kaharian ng Diyos. Kaya, mahalagang baguhin natin ang pagtingin sa misa: hindi ito misa ng paring nasa altar lamang, kundi misa nating lahat. Kasangkot tayong lahat sa pagsamba sa Diyos.

Higit sa lahat, ang nararanasan natin sa pakikilahok at pakikiisa sa pagsamba ay isang tikim lamang ng magpakailanman. Sa Kapistahan ni Kristong Hari, naaaninag na natin ang kahihinatnan ng ating pagsisikap bilang mga anak ng Diyos. Sa Kaharian ng Diyos, magkakapatid tayong lahat, tunay na anak ng Poong Maykapal. Higit sa lahat, isang sambayanang iisa lamang ang natatanging laman ng puso: ang pag-ibig kay Kristo. Hindi ba’t ito ang turing natin sa hari? Ang hari sa ating buhay ang siyang tanging sinusundan ng ating puso. Handa natin isaalang-alang ang ating buhay makamtan lamang ang pag-ibig nito. At dahil alam nating buhay si Kristo, hindi humihina ang ating loob sa gitna ng maraming unos sa buhay. Hindi kailanman nawawala ang pag-asa dahil ang kaharian ni Kristo ay walang hanggan, puspos ng kabanalan, at tigib ng pag-ibig.

No comments: