8 December 2009. Solemnity of the Immaculate Conception of the Blessed Virgin Mary
Gen 3, 9-15,20; Psalm 98; Eph 1, 3-12; Luke 1, 26-38
May kuwento ako. Bago makarating sa sabsaban si Jose at Maria, nagpakita ang Angel Gabriel sa lahat ng mga hayop. Pipiliin nito ang karapatdapat na makakasama ng banal na pamilya. Sabi ng leon, “Dahil ako ang hari, ako ang karapatdapat na maging bantay ng Hari ng Sanlibutan. Papatayin ko ang lahat na lalapit sa kanya.” Sabi ng angel, “Masyado kang malakas at mayabang.” Sabi ng paboreal (peacock), “Kung ako ang pipiliin ninyo, papagandahin ko ang buong sabsaban,” at pinakita niya ang kanyang napakamakulay na buntot. Sabi ng anghel, “masyado kang banidoso.” Walang napili ang anghel sa kanyang nakausap. “Wala na bang iba?” tanong ng anghel. Sa labas ng sabsaban, nakita nito ang isang asno at isang kalabaw. “Kayo, anong maipapakita ninyo?” sabi ng anghel. “Wala. At kung meron man, maari naming paypayan ang sanggol para hindi dapuan ng mga langgaw.” “Kayo! Kayo ang kailangan ko,” tuwa ng anghel.
Pinagdiriwang sa Kalinis-linisang Paglililhi kay Maria ang kakaibang pagpipili ng Diyos sa kanyang magiging katuwang sa pagpapatupad ng Kanyang plano sa atin. Si Maria ay isang simpleng babae: hindi siya mayaman, artista, beauty queen o prinsesa. Ngunit, sa lahat-lahat na babae sa buong mundo, isang payak ang pinili ng Diyos na karapat-dapat na magdalang-tao kay Hesus. At dahil dito, minabuti ng Diyos na hindi madadapuan ng kasalanan si Maria, dahil magiging ina siya ng mismong Diyos.
Kahit sa kasaysayan, ang mga pinili ng Diyos ay mga taong makasalanan. Kilala natin sina Tamar, Rahab, Jakob, Dabid at Bathsheba na nanay ni Haring Solomon. Ang mga kasama at naging alagad ni Hesus ay may iba’t ibang pinanggalingan tulad ni Mateo, Simon na Zealotes, at siyempre ang kanyang mga pinatawad tulad ng babaeng naki-apid, si Zakeo, si Maria Magdalena, atbp. Marami sa mga tinaguriang banal tulad ni San Ignacio at San Agustin ay may mga nakaraan.
Sa araw na ito, pinapaalala sa atin na kahit tayo ay makasalanan maaari tayong tumugon sa tawag ng Diyos sa atin. Kailangan nating maniwala na kahit simple lang ang ating mga kakayahan, magagamit natin ito para sa ikabubuti ng lahat.
Pangalawa, walang imposible sa Diyos ayon sa Ebanghelio. Ang kabanal-balang paglilihi kay Maria ay isang pagpapatunay nito. Sino ang makakapag-akala na ang kanyang pagbubutis ay sa pamamagitan ng Espiritu Santo? Sino ang makaka-isip na magpapasiya ang Diyos maging tao tulad natin? Sino ang makakapaniwalang ang isang bata ay Diyos? Higit sa lahat, kahit maraming balakid tulad ng mga may-ari ng matutuluyan sana nina Maria at Jose, o kaya si Haring Herodes na nagtangkang patayin si Hesus, hindi nila napigilan ang Diyos sa ganapan ng Kanyang binalak.
Pinapalalim sa araw na ito ang pagtitiwala natin sa Diyos. Maraming mga oras na akala natin ay walang nang pag-asa. Kapag maraming balakid na sa pagpapatupad ng ating mga plano sa buhay, inaakala natin na imposible na itong mangyari. Kapag ang ating mga pangarap ay matayog, sinasabi natin sa ating sarili na mahirap na itong maabot. Ngunit maraming tao ang nakamtan ang kanilang napakalalim na hangarin sa pamamagitan ng pagsisikap at paniniwala sa kakayahan at, kasama nito, ang tiwala na hindi kailanman binabalewala tayo ng Diyos. Walang imposible sa Diyos, kung tinutulungan din natin ang ating sarili --- naging posible ang lahat dahil sinikap ni Maria isabuhay ang kanyang “Oo” sa Diyos.
No comments:
Post a Comment