Christmas Midnight Mass

ika-24 ng Disyembre 2009 Christmas Vigil
Isaiah 62, 1-5; Psalm 89; Acts 13, 16-25; Matthew 1, 1-25


Note: This article appears in Sambuhay for tonight’s midnight liturgy. Sambuhay is a publication of the Society of St. Paul. Sorry I don't have time for an English translation. But the homily in the previous post can be used also for Christmas.

Hinihimok ni San Ignacio de Loyola sa nagninilay ng Spiritual Exercises na pag-isipan ang isang eksena bago ipinadala ang anghel Gabriel kay Maria. Minamasdan ng Banal na Santatlo ang buong mundo. Tinitingnan Nila ang kaguluhang nagaganap hindi lang sa sanlibutan kundi sa bawat puso ng mga tao. Wika ni Propeta Isaias, “balot ng dilim” ang ating lupain. Nakikita nila ang maaaring patutunguhan ng mundo kung ipagpapatuloy nila ang kanilang pagkamakasalanan. Sa kabila ng matagal na pagtitiwalang magbabago ang mga tao, nagugunita na nila na panahon na upang iligtas ang sanlibutan; kailangan na nilang maki-alam sa mga karumaldumal na nagaganap. Panahon na upang ipadala ang Liwanag sa kadiliman. At dahil dito, napag-isipan Nilang mabuti na ipadala ang pangalawang Persona sa sanlibutan. Kailangang makiisa Sila sa sangkatauhan upang iligtas ito, kaya kasama sa plano ng Diyos ang pagsasakatawang-tao ng kanyang Anak na si Hesus. Kaya nagsimulang ibinunyi ng angel Gabriel ang balak ng Banal na Santatlo kay Maria; at dahil sa pagsang-ayon ni Maria, ibinalita nito na magaganap ang Salita ng Diyos sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Alam na natin ang mga sumunod na eksena. Alam na rin natin na ito ang pinaka-rurok na dahilan sa ating pagdiriwang ng Pasko.

Kapag pinag-isipan ang ganitong eksena, makikita natin na ang Pasko ay hindi lamang isang eksenang naganap na, kundi isang pangyayaring patuloy na nagaganap. Kapag sinusundan at binabantayan natin ang mga nagaganap sa buhay, bansa, sanlibutan at kalikasan, isinasabuhay natin ang unang-unang katangian ng Pasko. Tulad ng Banal na Santatlo, nakikita natin na hindi na dapat hayaang mangyari ang mga nababalitaan nating masama. Panahon na upang makialam. Tama na ang panggagahasa sa kalikasan: ayaw na natin ng bagyo, baha at anumang sakuna na dulot ng Global Warming. Tama na ang pangungurakot ng gobyerno: ayaw na natin ng pamahalaang walang pagmamalasakit sa bayan. Tama na ang ating pagiging makasarili: ayaw na nating saktan pa ang taong minamahal natin. Isang gawa ng nagmamahal ang pagmamasid: habang nire-respeto ng magulang ang mga desisyon ng kanilang mga anak, nakikisangkot ito kung alam niya na walang kinahihinatnang mabuti ang ginawa nila.

Pangalawa, makikita natin sa Santissima Trinidad na kusa Silang nagbalak na maki-alam. Tama na. Panahon na. Tayo mismo. Hindi na sila nagturuan o naghanap ng masisisi. Alam nila kung sino ang maysala, ngunit Sila mismo ang nagsimula ng pagbabago. Si Hesus mismo ang nagkusa upang itigil na ang mga sistema ng kasalanan sa mundo. Siya na ang nagsabi,: “Ako na ang ipadala mo sa mundo.” At dahil labis ang pagmamahal ng Panginoon sa atin, ibinigay niya ng kusa ang kanyang anak upang iligtas ang sanlibutan. Dahil dito, isinasabuhay natin ang Pasko kapag tayo mismo ang simula ng pagbabago. Nakikisangkot. Nakikibaka. Nagbibigay ng buhay.

Pangatlo, isang pagganap sa kahulugan ng Pasko ang pagsasakatawan sa katangian ng Diyos. Ang paglalaganap ng isang mabuting plano ay isang pagsasabuhay ng katangian ng Diyos. Laging niloloob ng Diyos ang kabutihan nating lahat. Isa sa mga bayani ng mga nakaraang sakuna ang mga nagpalaganap ng balita ukol sa mga pangyayari at mga pangangailangan ng mga biktima ng baha at bagyo. Sila ang gumamit ng iba’t ibang paraan tulad ng internet, radyo at telebisyon, text at iba pa upang manawagan ng tulong. At tulad ni Maria na nakisama sa balak ng Diyos, tumugon sa panawagan ang iba’t ibang tao sa pagtulong sa kapwa Pilipino. Kung hindi sila makabigay ng donasyon, ang kanilang sarili at ang kanilang inalay. Bata o matanda, mahirap o mayaman, nakita natin ang kanilang kagandahang-loob sa mga relief centers na nagbabalot, namimigay o naglilinis. Wika ng isang Pinoy na taga-ibang bansa, “I belong to a country of heroes.” Buhay na buhay pa rin sa ating kultura ang bayanihan.

Ngunit ang Pasko ay patuloy ding nangyayari sa mga biktima mismo. Nagkuwento ang isang guro sa Tulay ng Kabataan. Inayos nila ang mga damit ayon sa sukat upang ang mga bata mismo ang pipili ng kasya sa kanila. Limang damit lamang ang maaari nilang piliin. Namasdan nila ang isang bata: iba-iba ang sukat ng kanyang piniling mga damit. Alam ng guro kung para kanino ang damit na yon; at alam na rin natin. Ang mga kuwentong ito ang pagsasabuhay ng Pasko. Nais kong isipin na hindi lamang isinabuhay ng bawat taong naging bayani sa nakaraang sakuna ang katangian ng Diyos. Isinakatawan nila ang Diyos mismo. Naging tagapagligtas sa panahon ngayon. Sa pagsasabuhay sa iba’t ibang katangian ng Pasko, pinapanganak natin si Hesus hindi lamang tuwing Disyembre, kundi sa bawat sandali ng ating buhay.

No comments: