18 Disyembre 2009 Misa de Gallo
Jeremiah 23, 5-8; Psalm 71; Matthew 1, 18-25
Tatlong pangalan ang mahalagang maunawaan sa kuwento ng pagkapanganak kay Hesus.
Una, ang “Anak ni Dabid”. Bilang kakabit ng kaangkanan ni Hesus, kinukuwento ng Ebanghelio kung paanong naging “Anak ni David” si Hesus sa pagtanggap ni Jose sa lahat ng legal na obligasyong bilang ama. Noong nalaman ni Jose na buntis si Maria, inakala niya na ito’y nabuntis ng iba. At bilang masugid na sumusunod sa utos ng Lumang Tipan, hindi nito maaaring pakasalan ang isang disgrasyada (Deut 22, 23-27). Dahil ayaw niyang maranasan ni Maria ang inabot ng babaeng nakipag-apid, pinag-isipan na lamang niyang hiwalayan nito nang tahimik pagkatapos ng kasalan. Sa Lumang Tipan, ang paghihiwalay ay nakabatay sa pagkukusa ng lalaki (Deut 24, 1). Ngunit naglaho ang pagdududa ni Jose nang magpakita ang anghel sa isang panaginip. Sinabi nito na buntis si Maria sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Dahil dito, tatawagin Siyang: Anak ni Dabid, Hesus, at Emanuel.
Mahalaga ang pangalan sa ating buhay. Nakikilala ang ating pinanggalingang angkan sa pamamagitan ng ating mga apelyido. Tinuturo ng pangalan ang ating mga kamag-anakan. Sa katunayan, magagamit natin ang ating ‘family tree’ o genealogy upang maunawaan ang ating pakikitungo sa ating pamilya at kaibigan. O kaya, maunawaan ang ating kasaysayang medikal.
Ang pangalawa ang pangalang, Hesus. Galing ito sa Yeshua, kahulugan sa Hebreo, “Nagliligtas ang Diyos.” Sa tradisyon ng mga Hudyo, may kahalagahan ang pangalan sa buhay. Halimbawa, kapayapaan ang ibig sabihin ng pangalang, Solomon. Sa kasaysayan ng Israel, walang digmaan sa panahon ni Haring Solomon. Para kay Mateo at sa lahat ng mga Kristiyano, ang pangalang Hesus nagpapahiwatig ng ating panananampalataya sa Kanya. Iniligtas Niya tayo sa ating pagkamakasalanan.
Tulad ng pangalan ni Hesus, banal ang ating mga pangalan. Dahil hindi lang isang salita lamang ang ating pangalan, kundi tinutukoy nito ang ating buong pagkatao --- ang ating pagiging anak ng Diyos. Noong ika-29 ng Hunyo 2008, inilabas ang kautusan ng Sacred Congregation for Divine Worship ukol sa paggamit ng Yahweh sa liturhiya. Sa Lumang Tipan, hindi sinasalita o ginagamit itong pangalan ng Diyos dahil sa labis-labis na paggalang, pagpapahalaga at pagbubunyi sa Kabanalbanalan at Kataas-taasang Diyos.
Panghuli, ang ngalang Emanuel ay matatagpuan sa Isaias 7, 14. “Nasaatin ang Diyos” ang kahulugan ng pangalang Emanuel. Mahalaga ang pangalang ito kay Mateo at sa mga Kristiyano. Sa Ebanghelio ayon kay Mateo, ang huling pangako ni Hesus ay isang pagiging Emanuel, “Tandaan ninyo na ako ay sumasainyo sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng daigdig” (28,20).
Bawat pangalan natin ay may kaugnayan sa ating mga naging kasama sa buhay. Kung iipunin natin ang lahat ng pangalang tinawag sa atin, may kakabit itong mga kapamilya’t kapuso. May kalakip itong alaala. Nagbabago ang ating pangalan ayon sa mga taong nakasama natin. Ang tawag na Nonoy, Nene, Inday, Dodong, Palanga kadasalang galing sa kapamilya. Ang ating tunay na pangalan ay ginagamit ng mga kaklase natin. At kapag nakapagtrabaho na tayo, may mga titulo na ang tawag ng ating mga kasama. Kung ikaw ang tatanungin, anong pangalan ang pinakamahalaga sa iyo?
Makikita natin kung sino ang Panginoong Hesus sa buong kasaysayan ng ating kaligtasan. Bilang Anak ni Dabid, siya ang kaganapan ng lahat ng pangarap at pag-asa ng mga tao sa Lumang Tipan. Siya din ang katuparan ng mga pangako ng Diyos. Sa pangalang Hesus at Emanuel, pinapakita ang kahanga-hanga at katangi-tanging pagkatao ni Hesus. Sya ang Diyos na nagkatawang tao.
No comments:
Post a Comment