Sayaw ng Sto. Nino

17 January 2010. Feast of the Sto. Nino de Cebu
Proper Feast in the Philippines: 2nd Sunday in Ordinary Time
Isaiah 9, 1-6; Psalm 97; Ephesians 1, 3-18; Luke 2, 41-52

Note: This post appears in Sambuhay today. Sambuhay is a publication of the Society of St. Paul. The missalette is used to help people participate more in the mass.

Pinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ng Sto. Nino. Sa kapistahang ito, nagpupunyagi tayo sa Panginoon bilang pasasalamat sa ating pananampalatayang Kristiyano. Ang debosyon sa Sto. Nino ay isang pagbabalik-tanaw sa unang pagdating ng Kristiyanismo sa ating bansa. Ngunit sa bawat annibersaryo, mainam na makita ito sa tamang konteksto.

Isang malaking bulagta ang katotohanang si Kristo ay hindi na bata. Lumaki na siya. Tatlumpong taong gulang siya nang nagsimula sa paglilingkod sa publiko. At dahil hindi na siya bata, ano ang kahulugan ng ating debosyon sa Sto. Nino? Ano ang tamang paraan na pagpapakita ng ating debosyon --- o pagmamahal --- sa ating Panginoong Hesukristo.

Unang-una, makikita ito sa sayaw ng Sinulog. Ang galaw ng paa sa sayaw sa Sinulog ay dalawang hakbang pa-sulong at isang hakbang pa-atras. Two steps forward, one step backward.

Two-steps forward. Sa annibersary ng Sto Nino, nakaharap tayo sa ating kinabukasan. Sa kahit anong annibersaryo, sinusuri natin ang layo ng ating narating at ang abot-tanaw ng ating pupuntahan. Halimbawa, sa mga annibersaryo ng kasal, tinatanong natin kung nakamtan na natin ang ating mga pangarap. Umunlad ba tayo sa ating buhay? Lumago ba ang ating mga negosyo? Lumalapit na ba tayo sa katuparan ng ating mga pangarap? Lumalalim na ba ang ating pagmamahalan?

One step backwards. Ang debosyon sa Sto. Nino ay isang pagbabalik-tanaw sa nakaraan: sa unang pagdating ng Kristiyano sa Pilipinas. Nagbubunyi tayo dahil isa itong napakalaking biyaya ng Diyos sa atin. Sabi nga ni Fr. Horacio de la Costa SJ na ang tanging yaman ng mga Pinoy ay ang musika at ang pananampalataya. Noong unang panahon, nasa murang-edad pa ang ating pananampalataya. Ngunit, pagkalipas ng ilang daang taon, nagbago ba ang ating bansa dahil sa isang buhay-na-buhay na pananampalataya?

Ngunit, hindi magkahiwalay ang mga hakbang ng pasulong at pa-atras. Isa itong sayaw. Pinapakiramdaman ang mga hakbang. Ginagamit sa tamang kumpas at bagsak ng tutog. Ito ang buhay nating mga Kristiyano: umuunlad, umuusbong at lumalago; ngunit natututong magbalik-tanaw, magnilay o manalangin para makita ang pinatutunguhan ng ating buhay. Mahalaga sa pag-unlad ang pagsusuri.

Isang pagre-respeto ng proseso ng paglaki at paglago ang debosyon ng Sto. Nino. Nauunawaan natin na ang bata kailangang unti-unti ang pagtanda. Hindi maaaring madaliin ang anumang pagtubo. Pinagpaplanuhan, pinagtiya-tiyagaan at pinagsisikapan ang kahit na anong paglalago, tulad ng isang magulang na nagpapalaki ng anak. At tulad nang sinabi sa Ebanghelio, tuloy-tuloy ang paglaki ni Hesus habang natututo ito sa tunay na buhay.

Pangalawa, pinapahalagahan ng debosyon sa Sto. Nino ang mga katangian ng bata. Paalala: katangian ng bata at hindi asal-bata. Childlike and not child-ish. Sa panahong ito, hinahamon tayong mga Pilipino na pag-isipan ang ating paraan ng pamumuhay lalung-lalo na sa gitna ng mga sakuna. Pag-isipan ang mga tanging pangangailangan at iwasan ang mga luho sa buhay. At sa kabila ng ating pag-hihirap, pinapaalala sa atin na sana hindi tayo mawalan ng pag-asa at sigla dahil nangako sa atin ang Panginoon. May tiwala ang bata sa kanyang mga magulang.

Nang masalanta ang marami ng bagyo at baha ng Ondoy, inipon ng ERDA Tech sa isang silid-aralan ang mga donasyong damit. Limang damit lamang para sa bawat bata. Habang hinahanap ng karamihang bata ang kanila lamang na sukat, isang bata ang pumili ng iba’t ibang size ng damit para sa kanyang kapamilya. Wika niya, masaya siyang magbibigay sa kanyang mga kapatid.

Naalala ninyo ang inyong pagka-bata? Walang makakapigil sa ating pagiging masaya. Kahit anong nasa paligid ay maaari nating gawing laruan: bato, tsinelas, dahon, kahoy, atpb. Madali tayong mapasaya. Tawa lang tayo nang tawa. Ibig sabihin, hindi kailangang palakihin ang ating mga anak sa mamahaling laruan. Isang payak na pamumuhay at simpleng kasiyahan ang makakaligtas sa ating pagkabaon sa hirap.

Subukan natin kung simple pa rin ba tayo: Kaya niyo pa bang sumaya sa mga laruang tumbang-preso, patintero, at piko? Sa jack stone at chinese garter? Sasaya ka pa ba sa laruang papel?

1 comment:

Anonymous said...

san po sa bibliya ang ang pag diriwang ng STO NINO?tnxs po..