Isaiah 43, 16-21; Psalm 126; Phil 3, 8-14; John 8, 1-11
Note: This article appears today, Sunday in Sambuhay in Filipino. Sambuhay is a publication of the Society of St. Paul in the Philippines.
Kalat na kalat sa mga pahayagan ang iba’t ibang pagpapakita ng pagpapatawad ng mga pinagtangkaang ikitil ang kanilang buhay. Kilala natin si Mahatma Gandhi na pinatawad si Nathuram Godse na bumaril sa kanya. Alam din natin na dinalaw ni P. Juan Pablo II si Mehmet Ali Agca sa kanyang bilangguan noong ika-27 ng Disyembre 1983. Pagkatapos ikinulong ng 27 taon, hinimok ni Nelson Mandela ang kanyang bayan na magpatawad at magkaisa kasama ang mga nagpakulong sa kanya. Ganito din ang ginawa ni Priyanka Gandhi na anak ng ni Rajiv Gandhi, ang dating Prime Minister ng India. Nakipagkasundo siya kay Nalini Murugan, isa sa mga pumatay sa kanyang ama.
Nakaukit sa mismong turo ni Hesus ang pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin. Nababanggit natin ito sa bawat “Ama Namin”. Ngunit hindi lang mga Kristiyano ang nakakakilala sa halaga ng pagpapatawad. Para sa mga kapatid nating Muslim, si Allah ang bukal ng kapatawaran.
Sa gitna ng turo ng pagpapatawad at pagbabalik-loob ang pagtingin ni Hesus sa makasalanan: anak pa rin ito ng Diyos. At dahil dito, malinaw ang matututunan natin sa pagbasa ngayong araw: Walang may karapatang humusga o isumpa ang sinumang nagkasala. Kung tutuusin, ang Diyos na walang bahid ng kasalanan ang may karapatang tuligsain ang bawat isa sa atin, ngunit hindi Niya ito ginagawa. Higit na mahalaga sa Diyos ang pagbabalik-loob ng makasalanan.
May kuwento tungkol kay Pedro at Juan. Matagal na silang magkaibigan. Isang araw, naisipan nilang pumunta sa tabing dagat. Sa gitna ng pamamasyal, nagkaroon sila ng alitan. Nagtalo at nag-away. Magkaiba ang kanilang kuro-kuro ukol sa isang isyu. Napikon si Pedro at sinampal niya sa mukha ang kanyang kaibigan.
Nasaktan si Juan, ngunit hindi siya umimik. Isinulat niya sa buhangin, “Sinampal ako ng aking kaibigan sa mukha.”
Patuloy silang naglakad hangga’t naisipan nilang maligo sa dagat. Di umano’y napunta si Juan sa malayo at nagsimula siyang malunod. Agad-agad lumangoy si Pedro sa kinaroroonan ni Juan upang sagipin ito. Nang makahinga at makabangon sa takot, kumuha si Juan ng bato at inukit niya ito: “Iniligtas ako ng aking matalik na kaibigan.”
Tinanong ni Pedro si Juan, “Nung sinaktan kita, bakit isinulat mo sa buhangin; at nang iniligtas kita, anong dahilan kung bakit isinulat mo sa bato?”
Wika ni Juan, “Nung sinaktan mo ako isinulat ko ang pangyayari sa buhangin upang mapawi ito ng alon ng pagpapatawad. Sa kabilang dako, inukit ko ang dakilang ginawa mo sa akin sa bato, sa alaala ng aking puso, upang hindi ito mabaon sa limot.”
Laging pinapaalala ni Kristo sa atin na hindi Niya tayo tinuturing na alipin kundi kaibigan. Dahil dito isinulat ni Kristo sa buhangin ang sala ng babaeng nakipag-apid. At siguro, isinulat din niya ang mapanghusgang puso ng mga Pariseo at ng mga taong nagtangkang isumpa ang babae sa kamatayan. Ganito din ang ginawa ng mga taong dakila, tulad ni Mahatma Gandhi, P. Juan Pablo II, Nelson Mandela, Priyanka Gandhi at marami pang ibang pinatawad ang mga nagkasala sa kanila.
Para saan? Upang bigyan ang makasalanan ng pagkakataong magbagong-buhay. Upang maipakita nila muli ang tunay nilang pagkatao: ang pagiging anak ng Diyos.
Ayon sa Time of India, sinabi ni Nalini sa kanyang kapatid na si P.S. Bhagyanathan, “Pakiramdam ko na napawi ang aking mga kasalanan sa pagdalaw ni Priyanka. Utang na loob ko sa kanya ang aking buhay.”
Inaaalala natin sa Panahon ng Kuwaresma ang pagiging maawain ng Diyos sa atin na makasalanan. At bilang pasasalamat sa bagong pagkakataong magbalik-loob, hinihimok din tayong maging tulad ng Diyos sa pagturing sa mga taong sanhi ng ating mga sugat. Tunay na pagpapakita ng kadakilaan ang lawak at lalim ng ating hangarin magpatawad sa kanila.
No comments:
Post a Comment