Biyernes Santo: Halikan Mo ang Krus

2 April 2010. Biyernes Santo
Isaiah 52,13 - 53,12; Psalm 31; Heb 4,14-16 - 5,7-9; John 18,1 - 19,42


Note: This appears in Sambuhay Filipino missalette today. Sambuhay is a publication of the Society of St. Paul.

Kailangan nating mamatay. Ito ang pinakatatagong sikreto ng buhay. Ito ang inilahad ni Hesus sa kanyang pagkamatay. Kung nais nating makamtan ang ganap na buhay, kailangang dumaan sa iba’t ibang uri ng pagbubuwis nito. Ito ang dapat na daanan ng butil upang mamunga. Ang pagaalay ng lahat na mahalaga para sa pinakamahalaga sa atin ang tanging daan upang makamtan ito. Upang maging mabuti, matagumpay at masagana, kailangang huwag isipin ang sarili. Ito ang simbolo ng krus. Hinahalikan natin ang krus na ito upang maalala natin kung paanong nakamtan ni Hesus ang ating pinakamimithing kaligtasan.

Matagal na nating tinatakasan ang kamatayan. Laging merong pag-aayaw sa katotohanang ito. Ngunit kailangan lang nating tumingin upang makita sa paligid natin ang kamatayang parte ng ating buhay. May mga namamatay na cells sa bawat paglago ng isang halaman at paglaki ng mga hayop. Kailangang mahulog sa lupa ang bawat butil upang mamunga ito, wika ni Hesus. Kahit patay na, sinasanggalan ng ating mga balat ang mga buhay na buhay na parte ng ating katawan.

Dalawa ang mukha ng pag-unlad: ang kamatayan at ang tagumpay. Naaninag sa ating paghihirap at pagsusunog ng kilay ang tagumpay. Masisigurado ng isang estudyanteng masipag at matiyaga ang nalalapit na pagtatapos. Sa kabilang banda, makikita ang mga dugong dumanak sa mismong saya ng tagumpay.

Kung babalikan lamang natin ang ating buhay, kasama sa tagumpay ang mga sugat na tila sariwa pa sa ating mga puso. Ito ang mga sugat ng ating sari-saring pamamaalam sa mga mahal natin sa buhay. Mga paglisan na kailangan para sa ating pagsasapalaran. Masarap nga ang tagumpay kapag pinaghirapan; malungkot din ito dahil sa kailangang iwanan. Ngunit ito ang daan upang makamtan ang buhay na walang hanggan. Wika ni Hesus, “lahat ng lumisan sa bahay, o magiwan ng mga kapatid... ama, ina, o bukid, alang-alang sa Akin ay tatanggap ng makasandaan at magkakamit ng buhay na walang hanggan” (Mt. 19, 29).

Maging sa ating mga ugnayan, kamatayan ang sikreto ng mahabang samahan. Hindi lahat ng ating mga kagustuhan ang laging nasusunod. May mga oras ng pagpapaubaya. May mga sandali na kailangang magbigay kahit masakit na ito. Maraming oras ng pagtitiis at pagpapasan ng suliranin. Isang pagtatali ang isang ugnayan: kinikitil nito ang iba’t ibang kalayaang naranasan bago ang desisyong um-oo sa altar ng Diyos. Sa kasalan, sumasang-ayon ang magkasintahan ialay ang buhay alang-alang sa kanilang kabiyak at sa kanilang magiging mga anak. At dahil dito, i-sasantabi nila ang kanilang mga sarili, upang maalagaan ang kapakanan ng pamilya. Sabi nga ni Hesus kay Pedro, “pagtanda mo ay iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibigkis sa iyo at dadalhin ka kung saan mo ayaw” (Juan 21, 18).

May mga kamatayang kailangang harapin sa ating buhay. Noong dinala ng mga magulang si Hesus sa templo sa Kanyang paghahandog sa Diyos, nagbabala si Simeon kay Maria, “At paglalagusan ng isang tabak ang iyong kaluluwa upang mapahayag ang mga pag-iisip ng maraming puso” (Lucas 2, 35). Hinarap din ni Hesus ang Kanyang kamatayan, at ilan beses din niyang inilahad ito sa kanyang mga alagad (Lucas 9, 22). May alam na tayong sasapitin bago pa ito mangyari tulad ng pahayag ng doktor ukol sa isang malubhang sakit o ang pagsubok sa pag-aaral at pagtatrabaho.

Sinasabi natin sa ating misa: Napagtagumpayan ni Kristo ang kamatayan. Tinalo ito ni Kristo dahil naibulgar Niya ang sikreto nito: kamatayan ang susi sa tunay na buhay. Wika ni San Francisco de Asis sa kanyang Laudes creaturarum, kailangang kaibiganin si “Sister Death”. Harapin at tanggapin na parte ito ng buhay. At dahil dito, huwag makipagkiri o subukan sa kamatayan. Huwag ding takasan o hanapin ito (tulad ng pagkitil sa sariling buhay).

Hindi katapusan ng buhay ang kamatayan, kundi isang daan sa lalong mas mabuting buhay. Isa itong pagsasakabilang-buhay: isang pagbabago at pagtawid sa mas magandang kinabukasan. Tulad ng lahat ng kanta, hindi magkakaroon ng himig kung hindi mamamatay ang bawat tinig. Isang resulta ng maraming kamatayan ang isang awit.

Paano ba haharapin ang kamatayan? Unang-una, alamin kung para kanino natin ibubuwis ang ating buhay. Mahalaga ang buhay, kaya ibibigay lamang ito para sa mas mahalaga sa atin. Pinaglilingkuran natin ang Diyos, bayan at kapwa dahil mas mahalaga sila sa ating sariling buhay. Magkakaroon lamang ng kahulugan ang krus kung ito’y para sa pinakamamahal. Wika ni Hesus, “ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa Akin ay maililigtas ito” (Lucas 9, 24).

Pangalawa, harapin ang kamatayan, pasanin ang krus at tahakin ang Via Dolorosa, ang daan ng kapighatian. Huwag matakot. Makibaka. Makipaglaban. Huwag humina ang loob. Sa Kanyang pagpapakasakit, hindi binitiwan ni Hesus ang alaala nating lahat. Upang mailigtas tayong lahat, hinango Niya ang lakas sa pagmamahal sa atin.

Kaya tulad ni Hesus, kailangan nating damhin ang unti-unting pagpanaw ng ating mga sarili, upang makita natin kung sino ang pinakamahalaga sa ating buhay. Kaya, kung mahal na mahal mo si Kristo, itakwil mo ang iyong sarili, pasanin ang iyong krus araw-araw at sumunod sa Kanya (Lucas 9, 23). At hindi magtatagal, muli kang mabubuhay.

No comments: