May Mabigat Ka Bang Dinadala?

15 July 2010 Huwebes ng ika-15 ng Taon
Isaiah 26, 7-19; Psalm 102; Matthew 11, 28-30

Naranasan niyo na ba ang bigat ng dinadalang problema dahil wala kang mabalingan o mapagsabihan? Naramdaman niyo na ba na tila lalung nagiging mahirap ang kinakargang suliranin dahil wala kang kaibigan na mapagpahingaan ng loob? At mas malala kung nasa ibang bansa ka at ikaw lang mag-isa. Mas mahirap kung malayo sa ating piling ang ating mga malalapit na katoto.

At kahit sa loob ng ating bahay ang kapamilya, kapitbahay ang kaibigan, o kasama ang katrabahong nakakausap mo nang mas malalim, hindi sila laging nasa ating tabi kung kailangan natin sila. Maaaring maraming ginagawa sa trabaho, may sariling pamilya, o may ibang pinagkakaabalahan, hindi kaya ng sinumang tao ang ating pangangailangan. Walang maaaring samahan tayo sa lahat ng oras kundi ang Diyos na naririyan saan man tayo mapunta.

Ito ang Ebanghelio sa araw na ito. Wika ni Hesus, “Magsilapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan, at kayo ay aking pagiginhawain.” Hindi tatanggalin ng Diyos ang ating mga problema; ngunit kaya niyang luwagan ito. At paano? Madilim ang isipan kung mabigat ang kalooban. Sa kabilang banda, madaling nakakahanap ng paraan ang taong maluwag ang kalooban. Kapag meron tayong napagsasabihan ng problema tulad ng kaibigan, tila gumagaan ang ating pakiramdam, naliliwanagan ang ating isip, at nakakahanap tayo ng solusyon sa ating pinapasan.

Ang Diyos ang ating takbuhan. Siya ang ating kaibigang laging makikinig sa ating mga daing. Kapag nababahagi natin sa Diyos ang ating pinapasan sa pamamagitan ng pagdarasal, alam nating sinasabayan tayo ng Diyos sa pakikipagbuno sa buhay. Ang may malalim na tiwala sa Diyos, hindi basta-basta nabubuwal at natatalo sa buhay.

2 comments:

Anonymous said...

i hope that one day...you would also listen to me father........

Unknown said...

Sure, but how? You can email me at jboygonzalessj@yahoo.com. Hope to hear from you soon.