Nakasulat na pero di pa matuto

10 July 2010 Sabado ng ika-14 Linggo ng Taon
Isaiah 6, 1-8; Psalm 93; Matthew 10, 24-33


Naituro na ng Diyos ang lahat na importante para sa isang ganap na buhay. Naisulat na sa Kasulatan ang pag-uugatan ng tunay na kaligayan at kaligtasan. Nakasulat na rin sa ating panitikan ang mga karanasan ng maraming tao sa nakaraan, upang matuto sa kanila ang kasalukuyang henerasyon. Hindi nakapagtataka na laging binabalikan, pinakikinggan at isinasabuhay ang Salita ng Diyos. Kaya laging tinatagurian kauna-unahang Guro ang Diyos, at galing sa Kanya ang lahat ng tinuturo ng mga nagsisipag-ganap bilang guro sa mundo. Walang makahihigit sa Diyos.

Ngunit bakit hindi tayo natututo kahit nakasulat na ito? Maraming dahilan. Gusto nating maranasan mismo ang isang bagay, upang makakuha ng aral dito. Pagkatapos maranasan, tsaka pa natin alalahanin ang sinabi sa Kasulatan: “Ah, kaya pala ganito ang nakasulat sa Bibliya...”

Nais nating maramdaman na sa atin mismo nanggaling ang aral. Gusto natin na tayo ang guro, at ang iba naman, ating mga estudyante. May halong yabang ang ganito. Ilang mga tinaguriang intelektwal nag-akala na alam nila ang lahat? Ilang tao ang naniniwalang alam nila ang mas makakabuti sa buong sangkatauhan? Ilan ang nagsasabing alam nila kung ano ang mahalaga sa buhay, kahit wala silang karanasan? Kaya marami ang walang pananampalataya sa Maykapal: dapat sila ang standard ng tunay na buhay. Sabi ni Hesus, sila ang self-righteous.

Ngunit ilan sa mga intelektual na ito ang magaling makitungo sa kapwa? Ilan talaga ang masaya sa kanilang buhay? Marami akong kilala na walang love life at social life. Magaling sila sa libro at computer, kahit social networking (sila pa ang nag-imbento nito). Pero mahina sila sa one-on-one personal relationship.

Natututo tayo sa isa’t isa. Hindi lang sa iisang tao, kundi sa maraming tao. Sari-sari ang pagtingin ng maraming tao sa iisang katotohanan. Kailangang makinig, maki-pag-usap hindi lamang sa kapwa tao, kundi sa Diyos. Sa balitaktakan, pakikinig sa iba’t ibang kuro-kuro at pagdarasal, marami tayong makikitang iba’t ibang katotohanan o iisang katotohanang mahalaga sa buhay.

Ang Diyos ay tulad ng isang guro na alam na ang aral, ngunit hinahayaang ma-diskubre ito ng maraming estudyante sa isang group work. Naalala ko si Albert Einstein na parang ganito ang sinabi niya: hindi imbento ng isang scientist ang isang theory, kundi dinidiskubre lang niya ang nandiyan na.

Mas hindi natin nakakalimutan kung tayo mismo ang nakakahanap ng aral.

No comments: