8 July 2010 Huwebes ng ika-14 Linggo ng Taon
Hosea 11, 1-9; Psalm 80; Matthew 10, 7-15
Isang paglilinaw ang nasa Ebanghelio ngayon. Isang biyaya at karangalan ang tawagin tayo ng Diyos upang isakatuparan ang kanyang kalooban. Nakalaan sa isang partikular na misyon ang ating buhay. Maaaring maging isang mabuting magulang sa mga anak, isang magaling na mamamayan sa ating bansa, o isa sa mga nagsusumikap protektahin ang dignidad ng buong sanlibutan. Ano mang ginagampanan natin sa ating buhay ay iginawad na malaya at galing sa pagmamahal ng Diyos sa atin.
Ibig sabihin, kapag ginagampanan natin ang tawag ng Diyos, hindi dapat ito tingnan bilang isang utang-na-loob ng Diyos sa atin. Nasanay tayo na kapag may ginawa tayong mabuti sa isang tao, magkaka-utang-na-loob siya sa atin. Kaya kung panahon na natin na humingi ng tulong, inaasahan natin na ganoon din ang gagawin niya bilang bayad-utang.
Sa Ebanghelio, malinaw na sinabi ng Diyos: galing sa Kanya ang misyon natin. Ang pagtupad ng kalooban ng Diyos ay isang tugon sa Kanyang pag-ibig. Ito ay isang biyaya, kaya, dapat ding gampanan na walang hinihintay na kapalit.
No comments:
Post a Comment