6 August 2010 Kapistahan ng Kaliwanagan ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus
Dan 7, 9-14; Psalm 97; 2 Peter 1, 16-19; Luke 9, 28-36
Ano ang kahalagahan ng pagbabagong-anyo ni Hesus sa Kanyang buhay? Bago sina Pedro, Santiago at Juan umakyat sa bundok, inikot ni Hesus ang iba’t ibang lugar upang maglingkod at magturo sa mga tao. Ginamot niya ang maysakit. Binigyan niya ng aral ang mga uhaw sa Turo ng Diyos. Pinakain niya ang mga nagugutom. Kung saan-saan nakarating si Kristo at ang kanyang mga alagad.
Ngunit nagkaroon ng panibagong direksyon si Hesus pagkatapos umakyat sina Pedro, Santiago at Juan sa bundok. Nagsimulang binanggit ni Hesus ang kanyang sasapiting pagdurusa at pagkamatay sa Jerusalem. At walang pag-aatubiling sinimulan Niya ang paglalakbay tungo doon.
Dalawang bagay ang matututunan natin ngayon. Unang-una, piling-pili lamang ang pinasama ni Hesus sa bundok. Sina Pedro, Santiago at Juan ang tatlo sa mga magiging haligi ng Simbahan. Napagisipan niyang tatlo lamang ang kailangang makakita ng Kanyang tunay na sarili; at sila na ang magiging saksi nito. Sa pagbabagong-anyo, pinakita ni Kristo ang kanyang pagkatao. Siya ang tinutukoy ng mga turo ni Moises at ng mga propetang kinabibilangan ni Propeta Elias. Siya ay Diyos, ang “pinakamamahal ng Ama” at dahil dito, dapat nating pakinggan at sundin Siya.
Mahalagang may mga taong nakakakilala sa atin. Isang malaking bahagi ng buhay ang matagpuan ang ating tunay na pagkatao. Nagiging panatag ang ating sarili kapag may mga taong tanggap ang lahat lahat sa atin.
Sa panahon ng bagong media, tulad ng mga social networks, nagkakaroon tayo ng bugso ng damdaming ipaskel sa internet ang ating sarili na hindi natin pinag-iisipan kung ano ang epekto nito sa lahat nang nakakakita. At kadalasan, may mga bagay na pribado sa ating buhay at hindi nararapat na makita ng madla. Maaaring gamitin ito laban sa atin. Maaaring gawing ebidensiya ito upang matanggal tayo sa trabaho o sirain ang ating pagkatao sa iba, lalo na sa ating mga pinakamamahal.
Ang pagpapakita ni Hesus ng kanyang sarili ay pinag-isipan Niyang mabuti. Hindi lahat ng tao ang pinasama Niya upang maging saksi sa kanyang tunay na pakay sa mundo. Hindi lahat ng tao ang pinili Niyang ipamalas ang kanyang pagka-Diyos. Ang kanyang mga alagad na lamang ang nagkuwento nito sa atin. At naniniwala tayo sa kanilang kuwento. Mas magandang nangagaling sa iba ang magagandang kuwentong ukol sa atin. Mas magandang may nagsasabing mabait tayo kaysa tayo mismo ang nagsasabi sa lahat na mabait tayo!
Pangalawa, ang pagkakaroon ng malinaw na direksyon sa buhay ang siyang mahalagang aral sa pangyayaring ito. Pagkatapos makipagtalastasan sa Diyos sa bundok, malinaw kay Hesus ang kanyang gagampanan upang mailigtas ang lahat. Kailangan niyang tanggapin ang daanan ng krus. Kailangan niyang harapin ang kanyang Jerusalem kung saan siya ipagkakanulo, pahihirapan at ipapapatay. Kailangan niyang daanan ang mga ito kung tunay ang kanyang hangaring iligtas ang sambayanan (syempre tunay nga ang kanyang pagmamahal!).
Marami sa atin ang may pangarap sa buhay. Alam natin kung ano ang gusto nating makamtan. Malinaw na sa atin ang gusto nating marating. Ngunit laging may pag-aayaw sa kailangang daanang pagpapakasakit. Totoong walang may gusto sa kahirapan. Walang gustong masaktan, mabigo at magdanas ng kalungkutan. Ngunit may mga masasakit na bagay na kailangang gawin, makamtan lamang ang pinakaaasam.
Kung nais natin makatapos sa pag-aaral, gugugulin natin ang ating oras sa pagbabasa. Ipagpapaliban natin ang oras ng paliliwaliw at pagpapakasaya. Kung nais nating umunlad ang ating buhay, hahanap tayo ng trabahong maayos at makakapagbigay ng tamang sahod para sa kinabukasan ng ating mga anak. Ngunit maaaring katapat nito ang pagsasakabilang bayan. Kasama nito ang labis na pagtitiis ng kalungkutan, gawa ng paghihiwalay sa minamahal. Ang Jerusalem ang simbolo ng ating “necessary pains” --- simbolo ng krus na kailangang pasanin upang makarating sa ating kaluwalhatian.
Sa pagbabagong-anyo ni Hesus, pinamalas niya sa atin ang daan tungo sa kalangitan. Nasa atin ang pagpipiling sundan ang daang ito o hindi.
No comments:
Post a Comment