Para sa Takot sa Mga Multo't Demonyo

31 August 2010 Martes ng ika-22 Linggo ng Taon
1 Corinthians 2, 10-16; Psalm 145; Luke 4, 31-37

Naniniwala ang mga tao noong unang panahon na lahat ng mga sakit nangagaling sa mga demonyo. Sa mga taga-Ehipto, may 36 na butas sa ating mga katawan kung saan labas-pasok ang mga masasamang espiritu. Ngunit ipinamalas ni Hesus na mas makapangyarihan siya sa mga ito, kaya ginamot niya ang mga inaalihan ng mga demonyo.

Sa ating buhay ngayon, ang paniniwala ukol sa mga espiritu, multo at iba pang mga elementong panlupa ay kasama pa rin sa ating buhay-pananampalataya. Totoong may mga sinasaniban ng mga demonyo, kaya sa bawat diyoseses ng mga Katoliko, may nakatalagang pari na taga-gawa ng exorsismo. Sa bawat binyag, ginagawa rin ang exorsismo. Pagkatapos ng pagku-krus sa noo, nilalagay ng pari ang kanyang kamay sa ulo ng bata, habang iginagawad ang “Prayer of Exorcism.”

Ngunit sa kabila ng lahat ng mga nakakatakot, ang pinakamahalaga ang laging alalahanin: Si Hesukristo pa rin ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Sa Ebanghelio, may kagat ang kanyang mga salita. At ipinakita ni Hesus ito nung inutusan niya ang demonyo na lumisan sa katawan ng sinasaniban.

Ang mahina sa buhay-espiritwal o yaong nangiimbita sa kanila sa pamamagitan ng mga larong “Spirit of the Glass/Coin” at iba pa, ang siyang sinasaniban dahil binubuksan nila ang kanilang sarili sa mga demonyong ito. Huwag na huwag nating gawin ito, dahil kapag pinasakay mo ang demonyo, pipilitin niyang palitan ka sa pagmamaneho sa iyong buhay.

Kaya kung papakinggan natin ang ‘gamot’ sa mga inaalihan, iisa lamang ang sinasabi: isang matatag at malalim na pananampalataya kay Hesus. Ang Kanyang pangalan lamang, sa pamamagitan natin, ang makakapawi sa iba’t ibang “demonyong” namamahala sa ating buhay.

2 comments:

Deacon Pat said...

Very good Homily.... Wonderful Blog also.

Unknown said...

Thanks Deacon Pat!

Hope to hear from you too. Do you blog?

Pray for your ministry too.

Jboy SJ