Ang Ating Aleluya!

ika-23 ng Abril 2011. Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus
Gen 1:1-2:2; Ps 104; Gen 22:1-18; Ps 16; Ex 14:15-15:1; Ex 15; Is 54:5-14; Ps 30; Is 55:1-11; Is 12; Bar 3:9-4:4; Ps 19; Ex 36:16-28; Ps 42; Rom 6:3-11; Ps 118; Mt 28:1-10


Note: This article appears in Sambuhay missalette today. Sambuhay is a publications of the Society of St. Paul in the Philippines.

Happy Easter po sa inyong lahat!

Nakilala ko si Lupillo sa Mexico. Tinitipon niya ang mga adik sa alak at droga na nakakalat sa mga gusali. Inalagaan niya sila sa pamamagitan ng tulong na galing sa mga deboto ng Nuestra Señora de Guadalupe. Walong taon na niya itong ginagawa. Araw-araw, umiikot siya sa paligid ng Basilica ng Guadalupe upang yayain sila na sumali sa panalangin, pagbabahagi, at salu-salo. May mga pagkakataong may paggamutan para sa mga may sugat at pantulong sa pag-iiwas sa mga bawal na gamot.

Nakuwento ni Lupillo sa amin kung paanong narating niya ang ganitong uri ng paglilingkod. Dati siyang taong-gusali. Kilala niya at kilala din siya ng ibang mga inanyayahan niya sa kanyang paglilingkod. 20 taon din siyang kasama nila. Ang pagiging isang katulad nila ang siyang nagbibigay ng patunay sa kanyang tapat na hangaring tulungan ding iahon ang kanyang kapwang may problema sa alak at droga. Sino pa nga bang makakaunawa sa kanila kundi ang taong naging tulad nila?

Nang nakita niya ang epekto ng kanyang ginagawa sa kanyang pamilya, naisip niyang magbagong-buhay at tulungan ang sariling maging malaya sa labis na pagkalulong sa alak at droga. Ngunit, alam niyang mahirap ito kaya hiniling niya ito sa Diyos sa pamamagitan ng Nuestra Señora ng Guadalupe. Araw-araw sa Basilica ng Guadalupe, hiniling niya ang lakas upang makaahon sa kanyang kadiliman. Lagi niyang iniisip ang sinabi ng Mahal na Ina ng Guadalupe kay Beato Juan Diego, "¿No estoy yo aquí que soy tu madre? Hindi ba't naririto ako, ang iyong nanay?"

Tumulong ako sa pagtitipong inoorganiza ni Lupillo. Nakita ko ang pagkakaibigan ng mga dumadalo. Ang pagbabahagi ng kanilang kuwentong-buhay ay nagsisimula sa pagpapakilala kung may bago mukha, at kung gaano katagal nang nakaiwas sila sa kanilang adiksyon. May nagsasabing isang linggo, tatlong buwan o dalawang taon. Sa bawat tagumpay, gaano man kaliit, pinapalakpakan nila ang bawat isa. Isang pagpapakita ng pakikiisa at suporta sa bawat hakbang tungo sa tuluyang pagbabago. Wika ni Lao Tzu: nagbibigay ng lakas ang pagmamahal ng iba sa atin, ngunit ang malalim na pag-ibig natin sa iba ang nagbibigay ng tapang at lakas ng loob sa atin.

Ang proseso at suportang ganito ang labis na nakatulong kay Lupillo. Dahil unti-unti na siyang gumagaling at napatunayan niya ang abilidad ng isang lider, kinuha siya ng Rector ng Basilica upang maging bahagi ng programa ng simbahan para sa mga nangangailangan. Ngayon, binabawi niya ang kanyang pagkukulang sa kanyang pamilya.

Ang pagsibol ng liwanag sa gitna ng kadiliman ang tema ng Pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ni Hesus. Inaalala natin ang tagumpay ni Hesus sa kamatayan, at pinagdiriwang natin ang paglaya sa ating mga kasalanan. Meron tayong matutunan sa buhay ni Lupillo, upang maisabuhay ang alleluia ng Gabing ito ng tunay na Liwanag!

Unang- una ang halaga ng alaala sa komunidad. Mahalagang balikan at ibahagi sa kasamahan ang ating kuwentong-buhay upang tanggapin at makita ang ating pinatutunguhan. Sa liturhiya ng Muling Pagkabuhay, isa-isa nating ginugunita sa mga pagbasa ang kuwento ng ating kaligtasan upang lalung maunawaan ang kahulugan ng pagpapakasakit at muling pagkabuhay ni Kristo. Sa pakikinig sa mga pagbasa mula sa Genesis, maaaninag natin ang galaw ng Diyos sa ating kasaysayan ng kaligtasan at sa ating personal na buhay. Nagkakaisa ang lahat ng Kristyano sa buong mundo dahil sa iisang alaalang nasa Banal na Kasulatan.

Pangalawa, ang halaga ng pagtanggap na galing sa Diyos ang anumang pagsibol ng panibagong buhay. May pangarap ang Diyos sa ating lahat. Hangad niyang makapiling tayong lahat sa Kaharian ng Langit. At dahil ito ang Kanyang hangarin, binibigay niya sa atin ang biyayang makamtan ito. Ito ang hiniling ni Lupillo sa Panginoon.

Panghuli, ang halagang makita at ipagdiwang ang unti-unting hakbang tungo sa ganap na pag-ahon. Ngunit merong nakakapigil sa atin upang lubusang makita at isabuhay ang pagdiriwang na ito. Madalas nating sabihin, "Wala namang nangyayari. Ganito pa rin ako." Hindi natin nakikita ang mga maliliit nating tagumpay kung ganito ang ating ugali. Tinatakpan nito ang ating mga mata upang makita na lumalapit na tayo sa kaganapan ng ating mga mithiin. Kasi, sanay tayong nakikita ang malaki at bonggang pangyayari lamang. Ngunit ang tunay na buhay ay isang proseso, isang unti-unting paglago. Kaya, tulad nina Lupillo, ang bawat maliit na alleluia ay pinapalakpakan.

Ipagdiwang natin ang ating mga maliit na tagumpay. Sa pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo, ipagdasal nating madama nang malalim sa buhay ang nangyayaring mga alleluia sa ating buhay tungo sa ating ganap na Alleluia!

No comments: