12 Hunyo 2011. Araw ng Pentekostes
Acts 2:1-11; Salmo 104; 1 Cor 12:3-13; Juan 20:19-23
Note: This article appears in Sambuhay missalette today. Sambuhay is a publication of the Society of St. Paul in the Philippines.
Matagal nang pinagdiriwang ng mga Hudyo ang Pentecostes. Sinimulan ito bilang pasasalamat sa biyaya ng ani, kung saan iniaalay nila ang unang bunga ng kanilang mga kamay. Pagkatapos, naging tradisyon ito bilang pagaalaala sa pagbibigay ng Sampung Utos kay Moises. Pentecostes, ibig sabihing ika-50 araw, ang tawag ng mga Griyego sa pagdiriwang ng mga Hudyo sa tinatawag na Feast of Weeks, ang pagdiriwang ng ani pagkatapos ng limampung-araw mula sa Passover o Feast of the Unleavened Bread. Ayon sa Gawa 2:1-11 (kasama din Gawa 20:16 at 1 Cor 16:18), nananahan ang Espiritu Santo sa mga alagad ni Hesus sa araw na ito. Ito ang katuparan ng pangako ng Panginoong Hesukristo sa kanila.
Ngunit hindi nagbago ang diwa ng pagdiriwang. Ang bunga ng ani, ang pagbibigay ng Sampung Utos, at pananahan ng Espiritu Santo ay mga karanasan ng pagdalaw ng Diyos sa tao sa lupa. Isang tunay na biyaya. At dahil dito, ang pagdiriwang natin ay isang pagpapaalala na ang Espiritu ay tunay na nasa ating lahat, nararanasan sa mga hangarin ng kapayapaan sa gitna ng alitan, liwanag sa kadiliman, pag-asa sa kawalan, pagbabalik-loob sa pagkasuwail, pagkakabuo sa pagkawatak-watak.
Pinapaalala ang halaga nito sa ating pananampalataya dahil laging nakakaligtaan ang Espiritu Santo, or kaya hindi natin ito napapansin. Sa tatlong mahahalagang pagdiriwang sa Liturhiya ng Simbahan, hindi natin makikita ang dagsa-dagsang nagsisimba sa Araw ng Pasko at Muling Pagkabuhay.
Sa Tore ng Babel, narinig natin ang pagkawatak-watak ng mga tao dahil sa kawalan ng pagkaunawaan dahil sa iba't ibang dila (Gen. 11:1-9). Kaya sa Pentecostes, ipinadala ng Panginoon ang iisang Espiritu upang buuin ang nagkalat sa pamamagitan ng pagkakaunawaan sa gitna ng maraming pananalita, o pagkakaisa sa gitna ng maraming angking kakayahan. Nararamdaman ito sa diwa ng bayanihan lalu na sa oras ng malaking trahedya.
Kumikidlat at kumukulog nang ibinigay ng Panginoon ang Sampung Utos kay Moises (Ex 19:3-8, 16-20). Kaya sa Araw na ito, pinahihiwatig ng pananahan ng Espiritu sa atin, ang bagong daan tungo sa Panginoon. Ang Utos ng Diyos ay hindi lamang nakasulat kundi nakaukit na sa ating puso; nararamdaman kapag tumindi ang hangaring ituwid ang nagawang pagkakamali.
Ipinadala ng Panginoon ang Propeta Ezekiel sa lambak ng kamatayan upang bigyang buhay ang mga kalansay (Ezekiel 37:1-14). At dahil dito, ang Espiritu Santo ang magbibigay panibagong sigla sa bahagi ng ating buhay na nawalan na ng kulay. Nararanasan natin ito kapag nakapagbibigay tayo ng pag-asa lalu na sa mga walang kumakalinga o walang kinabukasang natatanaw. Hindi daw natin maiibibigay ang wala sa atin. At dahil ang Diyos ng pag-asa ay nasa atin, maaari nating paliyabin ang pag-asa na nasa iba.
Higit sa lahat, nakakapagdasal lamang tayo sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. Dahil sa pananahan ng Espiritu, nakikilala natin ang Diyos. May isinulat si C.S. Lewis upang maunawaan ito. Kung ibig mong malaman ang bato, kailangan mo itong lapitan. Hindi ito kusang lalapit sa iyo. Kung nais mong makilala ang isang tao, at ayaw niya ito, hindi natin siya tunay na makikilala. Kailangang may pagkukusa din siya. Ganoon din ang Diyos: Siya ang nagkusang makilala natin Siya, at tunay ngang nagpakilala Siya sa atin kay Hesukristo. Ang pananahan ng Espiritu ang siyang pagkukusa ng Panginoon upang makilala at makita natin siyang gumagalaw sa ating kasaysayan at pangaraw-araw na buhay. Ang bawat namumutawi sa ating mga labi sa pagsamba sa Diyos ay galing mismi sa Diyos. Ayon kay San Pablo, walang makakapagsabi na Panginoon si Hesukristo kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo (1 Cor 12:3).
Lalu na sa ating pagdiriwang ng ating kasarinlan o Independence Day, binabaling natin ang ating panalangin at pagtingin sa Espiritu Santo upang alalahanin ang responsibilidad ng lahat palaguin ang ating buhay ayon sa liwanag ng Panginoon. Ipagdasal natin na maging tunay na daan tayo ng kapayapaang dulot ng pagkakabuo sa iisang Espiritu.
No comments:
Post a Comment