Tumanggi Ka Na Ba sa Paanya ng Hari?
ika-9 ng Oktubre 2011 Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Isaiah 25: 6-10; Psalm 23: 1-6; Phil 4: 12-14, 19-20; Matthew 22: 1-14
Isang pagdiriwang ang handaan. Sa hapag-kainan, magkakasama ang magkakapamilya’t magkakaibigan. Pinapalagay sa isang handaan na may halaga sa nagdiriwang ang lahat nang imbitado. Sa pamamagitan ng pagdalo, pinapanday ng nag-anyaya at inanyayahan ang kanilang ugnayan.
Sa hagdan ng halaga ng pagdiriwang, ang kasalan ay isang higit na pinagsasaluhan. Hanggang ngayon, pinaghahandaan ang isang kasalan. Matagal bago dumating ang pinaaasam-asam na araw, pinapadala na ang imbitasyon sa mga panauhin. Kaya naman inaasahan na ilalaan na nila ang araw para sa okasyong ito. Sa panahon ni Hesus, hindi nakatakda ang oras ng pagdiriwang dahil inaasahan ng punong abala, na nakalaan na ang buong araw. Kaya naman sa talinghaga sa ebanghelio, pinatawag na ng hari ang mga panauhin noong handa na ang lahat. Kumbaga, nakalapag na ang pagkain, simula na ang pagdiriwang!
Sa kasawingpalad, tinanggihan ng mga panauhin ang paanyayang ito. Sa ibang pagbasa, nagbigay ng samu’t saring dahilan ang mga inanyayahan. Simple lamang ang punto: mas mahalaga ang pinagkakaabalahan kaysa ang kasalan. Maaari ring tingnan ito bilang isang pagpapahiwatig na hindi magkasing-halaga ang ugnayan nila sa hari kaysa sa kanilang mga gawain.
Sa totoong buhay, may mga tumatanggi sa paanyaya ng Panginoon. Bagaman karamihan ay nagsasabing hindi nila hihindi-an ang Panginoon, hindi ito nagaganap kapag panahon nang tumugon sa Kanya. Sa talinhaga ni Hesus, ang mga tumanggi sa alok ng Panginoon ay ang mismong mga Hudyo. Nasa gitna na ang Mesiyas, ngunit hindi nila tinanggap Siya; kahit na sila ang pinili ng Diyos. Kaya naman, inalok sa mga Hentil at binuksan ang pintuan ng langit para sa lahat. Sinuyod ng Panginoon ang kasuluk-sulukan ng sanlibutan. Ibig sabihin, ang paanyayang makibahagi sa hapag ng Panginoon ay inaabot sa ating lahat, maging sino o ano pa man ang ating mga katayuan sa buhay.
Subalit, mayroon pa rin tayong kakayahang tumanggi. Malaya tayong hindi-an o tugunan ang paanyayang ito. Sa kahuli-hulihan, walang magagawa ang Panginoon sa taong ayaw sa biyaya Niya. Marahil naisip natin: Sino ba ang tatanggi sa Panginoon? Sa totoong buhay, marami. Kahit sa ating sarili, marami tayong pagtatanggi sa Kanya na nasusukat sa katapatan ng ating mga dasal. May kuwento ako:
Si Aling Nena ay 60-taong gulang. Araw-araw, pumupunta siya sa Simbahan upang taimtim na manalangin. Isang usiserong bata ang nakakita kay Aling Nena. Nais niyang malaman kung ano ang pinagdarasal ng matanda, kaya sinundan niya ito sa Simbahan at nagtago sa isang pader na malapit sa luhuran.
Wika ni Aling Nena, “Panginoon, matanda na ako. Sapat na ang aking buhay. Nakatapos na at may kanya-kanyang buhay ang aking mga anak. Maaari na akong mamayapa.” Araw-araw naririnig ito ng bata. Kaya nagpasya siyang sagutin ang panalangin ng matanda, “Aling Nena, narinig ko ang iyong mga dasal. Bukas na bukas din, kukunin na kita bandang alas-tres ng hapon.” Nabagabag at natakot si Aling Nena. Hindi siya makatulog nung gabing iyon.
Marami tayong mga panalanging hindi tapat sa ating puso. Pinagdadasal natin ang kapatawaran, pero nananaig pa rin sa pinaka-ilalim ng ating sarili ang pag-ayaw sa pakikipagkasundo. Pinagdadasal natin ang kapayapaan sa ating pag-iisip, ngunit ayaw nating gumawa ng hakbang upang batiin ang taong sanhi ng ating sama ng loob.
Ngunit alam nating makakamtan ang kapayapaan sa sarili kung bubuksan natin ang puso sa anyaya ng Panginoon na magpatawad. Ilang beses na ba tayong nagdasal sa misa ukol sa pagbubuklod ng lahat, ngunit tayo mismo ang sanhi ng pagkawatak-watak? Ang kapayapaan at pagkakaisa ay dalawa lamang sa maraming biyayang nakakamtan sa hapag ng Panginoon.
Pagdasal natin na maging tapat tayo sa ating mga salita, at higit sa lahat, kapag panahon nang lumahok sa hapag ng Panginoon, hindi natin tatanggihan ang kanyang paanyaya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Magaling ang mensahe ng sulat mo. Ang handa ay nakahain na nga sa hapag kainan at ang lahat ay maaaring lumapit sa kaniyang kabusugan. Dangan nga lamang ay may ilang nagpakilalang manggagawa ng Hari at dinala sa karumaldumal na pagtitipon ang marami. Kaawa-awa silang napaglalangan ng mga tampalasan. Nakakalungkot na ang salita ng Dios ay hinalinhan ng mga kasuklamsuklam na likhang doktrinang pangrelihiyon ng mga tao.
Post a Comment