Ika-18
Linggo sa Karaniwang Panahon
(St.
John Baptist Marie Vianney Sunday)
John
16, 24-35
Ano
nga ba ang tagumpay? Nasusukat ba ito sa taas ng iyong pinag-aralan, o sa
posisyon na iyong hinahawakan? Sino ba ang matagumpay: ang isang mayor na
nangungurakot o ang isang janitor na may malasakit? Sino ang tunay na magaling:
ang nasa honors class o ang nasa seksyong regular? Kanino ka ba humahanga: sa
taong kilala ng lahat, o ang taong kilala lamang ng iilan nilang tinulungan?
Sa
mata ng mundo, walang narating na tagumpay ang buhay ni San Jean-Baptiste Ma.
Vianney. Pinanganak sa Lyon, France noong 8 Mayo 1786 at nag-aral sa paaralang
eklesiyastiko na tinayo ni M. Balley noong 1806.
Bagaman
walang pagdududa sa kanyang bokasyon, hindi rin lingid kay M. Balley ang
kahinaan sa pag-iisip ni S. Vianney. Hirap na hirap siya sa Latin, Matematika,
Kasaysayan at Geograpiya. At dahil hirap siya sa wikang Latin, hindi na rin
siya kumuha ng Pilosopiya sa wikang Pranses. Sa unang pagkakataon, hindi rin
siya pumasa sa entrance exam sa Mataas na Antas ng Seminaryo. Sa kalaunan
lamang siya naka-pasa.
Sa
mata ng mundo, puno rin ng kabiguan ang buhay ni Kristo. Namatay siya bilang
isang kriminal. Noong unang panahon, simbolo ng mga katiwalian sa gobyerno ang
krus. Kung isusukat natin ang pag-unawa ng tagumpay ngayon, ang buhay ni Kristo
ay hindi kailanman maituturing na tagumpay.
Ngunit
sa mata ng Diyos at ng mga nananampalataya, ang sukatan ng tagumpay ay wala sa
layo ng narating kundi sa lalim ng naratnan.
Wika
ni Kristo, Walang hihigit pa sa pagmamahal ng isang kaibigang handang ibuwis
ang buhay para sa kanyang katoto. Ang handang ibigay ang lahat ang siyang may
malalim at tapat na pag-ibig sa atin. Wika ni Mother Teresa ng Calcutta,
“Nakakalimutan natin na ginawa tayong lahat para sa isa’t isa.”
Nakilala
si S. Vianney dahil sa kanyang malasakit at pagganap sa kanyang gawain bilang
isang kura ng Ars, isang maliit na lalawigan malapit sa Lyon. Nakilala siya sa
lalim ng kanyang pagmamahal sa mga taong inaalagaan niya bilang kura ng
parokya. Tinatag niya ang “The Providence” isang bahay-ampunan ng mga batang
babae. Nagsimula siyang nagbigay ng katesismo sa kanila upang makilala nila ang
walang-katumbas na pagmamahal ng Diyos.
Hindi
nagtagal, naging popular ang kanyang mga turo. Napapaliwanag niya ang
pananampalataya sa mga salitang madaling maunawaan ng tao. Nabibigyan niya ng
linaw ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga halimbawa na galing sa
pang-araw-araw na buhay. Pinapalalim niya ang turo ni Kristo sa pagbabahagi ng
kanyang pinagdadasalan. At dahil dito, kailangang lumipat sila sa malaking
simbahan upang makasali ang iba pang nais matuto sa larangan ng
pananampalataya.
Tinuring
niya ang paggabay sa buhay-espiritwal ng mga tao bilang kanyang katangi-tanging
responsibilidad. Kung ano ang kulang sa kanyang napag-aralan, binawi niya nang
mas higit pa sa laki ng kanyang puso. Nakilala si S. Vianney dahil nagbibigay
panahon siya para sa pakikinig at pagbibigay payo sa mga lumapit sa kanya lalo
na sa Sakramento ng Pagbabalik-loob. At ito ang mga bagay na hindi
nakakalimutan magpakailanman. Ang kadakilaan ay hindi nakukuha sa dami ng
diploma kundi sa lawak at lalim ng pag-aruga sa iba.
Sa
Ebanghelio, hinihimok tayong isabuhay ang Gawain ng Diyos: ang pagpapalalim
lamang ng ating pananampalataya sa Kanya. Ipagdasal natin na ating magawang
ituring na tagumpay ang isang bagay kapag ang ating gawain ay nakatulong sa
pagkakaisa at pagbubuo ng sambahayan ng Diyos.
No comments:
Post a Comment