Ang Pipi at Bingi

10 September 2006: 23rd Sunday in Ordinary Time
Mark 7, 31-37: Ang Pipi at Bingi

Note: Not a literal translation of this Sunday's English homily.

May awit na kinakanta tuwing Adviento na ang pamagat ay Balang Araw. At pinapahiwatig nito ang pangako ng Panginoon na narinig natin sa unang pagbasa. Ganito ang mga salita:

Balang-araw mumutawi sa bibig ng mga pipi ang kagandahan ng umaga, pagmamasdan sa twina.

Balang-araw ang liwanag, matatanaw ng bulag, pasasalamat at papuri, awit ng luwalhati.

Balang-araw tatakbo, ang pilay at ang lumpo, magsasayaw sa kagalakan, iindak sa katuwaan.

At itong pangako ng Diyos ay naisakatuparan sa pagdating ng Manunubos. At nakita natin sa Ebanghelio ngayong linggo.

Bagaman hindi lahat sa atin ay bulag, pipi at bingi, maaaring sa ibang paraan tayo may kapansanan. Una, bulag: May mga pangyayari sa ating buhay na tayo’y nagbubulag-bulagan. May mga bagay tayong ayaw nating makita. Kahit sinasabi na ng ating mga kadugo o kaibigan, pilit nating di pinapansin dahil alam nating ang kahihinatnan ay masakit. Maaaring kailangang maghiwalay, magbagong-loob, o magbago ng mga bagay na nakasanayan na.

Pangalawa, bingi: Tulad ng pagbubulag-bulagan, tayo rin ay nagbibingi-bingihan. Ang mga payo ng ating mga magulang at feedback ng ating mga kaibigan ay di natin pinapakinggan. Kahit alam nating tama ang kanilang sinasabi, natatakot tayong harapin ang katotohanan dahil nangangailangan itong lakas ng loob. At kadalasan natatakot tayong hindi natin kayang gawin ang nararapat.

Pangatlo, pipi: Maraming pagkakataong nais nating sabihin ang ating tunay na niloloob at hindi natin masabi-sabi. Hindi natin mailabas dahil natatakot tayo na magalit ang ating mga minamahal, o natatakot tayong makasakit ng damdamin. Kadalasan sa ating mga Pilipino, mas ginugusto nating kimkimin na lamang ang damdamin dahil ayaw nating maalog ang ugnayan. Nguni’t ang ating mga saloobin lalung-lalo na ang mga galit at sama ng loob ay lumalabas at nakikita pa rin sa iba’t ibang paraan. Marami sa atin ang nagiging masungit, mainitin ang ulo at bugnutin. Minsan, ang ating galit ay higit pa sa dapat na reaksiyon natin sa isang pangyayari. Nakalimutan lang na bumili ng bigas ng anak, nahalata natin na andami na nating nasabi --- naglitanya na tayo ng mga bagay na kinalimutan nagmula sa pagkabata hanggang sa pagtanda!

Dalawang bagay ang makikita natin sa paggagamot ni Hesus. Una, inilayo ni Hesus ang bingi at utal sa karamihan. Ginamot ni Hesus ang bingi at utal nung sila’y nagkasarilinan. Naintindihan ni Hesus ang kalagayan nila. Ang bingi at utal ay nahihiya sa karamihan. Halimbawa, alam nila na sumisigaw na ang kausap pero hindi nila maintindihan dahil di nila marinig. At kadalasan, pinagtatawanan natin ang mga utal. Sa buhay, nakikita natin ang katotohanang ayaw nating makita, marinig o masabi kung tayo’y nag-iisa. Dahil sa ating pag-iisa, kaharap natin ang tunay nating pagkatao. Sa pag-iisa, nasasalita natin ang ating mga tunay na kinatatakutan or sinasaloob. Alam natin ang gusto nating mawala sa ating buhay --- ang mga bagay na kailangang gamutin at hilumin.

Pangalawa, pisikal ang lunas ni Hesus: isinuot ang kanyang mga daliri sa tainga nito, at lumura at hinipo ang dila. Di tayo nagkakalayo sa mga paggamit ng laway. Di ba isinusuot natin ang ating daliri kapag nasugatan sa ating bibig? Di ba nginunguya natin ang dahon ng bayabas bago ilagay sa sugat? Sinabi ni Hesus, “Ephata” ibig sabihin, “Mabuksan.” Ang gamot sa ating mga sugat ay nagkakaroon ng lunas kung kasama si Hesus. Kadalasan, ang mga payo ni Hesus ang lunas sa ating pagbibingi-bingihan, pagbubulag-bulagan at sa ating pagiging utal. Sa mga nagbubulag-bulagan, sinasabi ni Hesus na buksan at tingnan ang puwing sa ating mga mata. Sa mga nagbibingi-bingihan, sinasabi nating buksan ang ating mga tainga, at pakinggan ang payo ng ating mga magulang at kaibigan. Sa mga utal, sinasabi ni Hesus na huwag matakot sabihin ang ating mga niloloob lalu na kung makakabuti ito sa kapwa. Sa mga may galit, kausapin ang kagalit at patawarin.

Sa araw na ito, tingnan natin ang ating mga kapansanan at humingi ng lunas sa piling ni Hesus. Sa Koro ng awit ng Balang-Araw sinasabi, “Narito na ang Manunubos, Luwalhatiin ang Diyos.”

No comments: