Surprised by God

Ika-21 ng Disyembre 2007 Misa de Gallo
Lucas 1, 39-45 Ang paghahatid ng kagalakan


Note: This is a dawn mass homily for ABC 5 and ABS-CBN.

Nakakatuwang isipin ang pagtatagpo ng dalawang buntis: si Maria at si Elisabeth. Kapwa silang natutuwa dahil ang kanilang pagdadalantao ay isang malaking biyaya ng Diyos. Para kay Elisabeth, isang himala ang kanyang pagdadalantao dahil siya’y baog at matanda na, ngunit nagkaroon ng laman ang kanyang tiyan. Para kay Maria, isang himala ang kanyang pagbubuntis sa mismong anak ng Diyos. Kapwa sila sinorpresa ng Diyos; kaya’t pinagsaluhan nila ang labis na kaligayahan.

Ang pagsasalo o pakikibahagi sa tuwa ng bawat isa ay minsan mahirap gawin. Maaaring tayo’y nakangiti habang binabati ang kapitbahay nating nagtagumpay, ngunit ang ating puso’y may halong inggit. May pagkakataon na hinahaluan natin ng malisya o pagdududa: “Ay, natanggap iyan kasi may kamag-anak doon.” “Siyempre papasa siya dahil mayaman at nakapag-aral sa maayos na paaralan.” “Swerte yan!” --- para bagang ang kanyang tagumpay ay bigay ng tadhana, at hindi ng sariling kakayahan. Hindi kailanman nagiging ganap ang ating tuwa para sa iba.

Ang kuwento ni Maria at Elisabeth ay kuwento ng ganap na kaligayahan; na nasasaksihan sa ating buhay. Mayroon akong kuwento:

May dalawang ulilang magkapatid na may-ari ng isang bukid na iniwanan ng kanilang mga magulang. Araw-araw, sinasaka nila ang kanilang lupa, tinataniman hanggang sa pag-ani. Ang nakatatandang kapatid ay mayroon nang pamilya; at ang bunso ay isang binata.

Mahal na mahal nila ang isa’t isa. Kaya, sabi ng panganay sa sarili: “Nakaka-awa naman ang aking kapatid dahil wala siyang pamilyang nag-aaruga sa kanya.” Kaya tuwing lumalalim ang gabi, dinadala niya ang isang sakong bigas sa kamalig ng bunso. Sa kabilang banda, nag-iisip ang bunso: “Kawawa naman ang aking kapatid. Marami siyang pinapakain.” Kaya tuwing madaling-araw, kumukuha siya ng isang sakong bigas at dinadala niya sa kamalig ng kanyang nakatatandang kapatid.

Pagkaraan ng ilang ani, pareho silang nagtataka dahil parang hindi nababawasan ang mga sakong bigas sa kanilang kamalig.

Sa isang gabi ng Pasko, natagpuan nila ang isa’t isa sa gitna ng kanilang bukid. Naunawaan na nila ang sagot sa kanilang pagtataka. Ibinaba nila ang kanilang dala-dalang sakong bigas at niyakap nila ang isa’t isa.

Sa gabing iyon, inilagay ng mga anghel ang Bituin ng Bethlehem (The Star of Bethlehem) upang ilawan ang magkapatid sa gitna ng anihan.

Nasubukan mo na bang sorpresahin ang isang minamahal: pamilya, kaibigan o ka-ibigan? Subukan mo: walang nakahihigit na karanasan ng tuwa ang may halong pagkagulat at pagkamangha sa pag-ibig ng iba sa atin. Di ba ito ang tuwa ng magkasintahan kapag nag-propose na ng kasal? Di ba ito ang tuwa kapag sinorpresa ka ng buong pamilya at kaibigan sa iyong kaarawan? Christmas is a season of surprises. God surprised us when the impossible became possible: the Virgin and the barren with child. Isang birhen at isang baog na kapwa buntis. The same way, we are touched when others surprise us with their thoughtfulness and love.

No comments: