Tugon sa Iisang Tinig

25 April 2010 Ika-4 na Linggo ng Muling Pagkabuhay
Acts 13:14, 43-52; Psalm 100; Rev 7: 9, 14-17; John 10: 27-30

Note: This article appears in Sambuhay today. Sambuhay is a publication of the Society of St. Paul.

Alintana natin ang pagkawatak-watak ng sangkatauhan. Kitang-kita natin ang ating pagkakaiba ng kuro-kuro sa bawat pangyayari sa daigdig. Mulat-na-mulat tayo sa mga sari-saring pananaw na nanggagaling sa relihiyon, lipi at kultura. Lumalala na ang hindi pagkakaunawaan dahil sa layo ng agwat at panahon ng bawat henerasyon. At habang lumalabas ang sari-saring teknolohiya ng pakikipagusap at pakikipagugnay sa pagbubuo ng isang global community, marami pa rin ang tila nagkakalat sa buhay, nawawala sa sarili o nakakaramdam ng malalim na pangungulila. Tila mga tupang walang pastol ang sanlibutan. Hindi ba’t ito rin ang sinabi ni Hesus sa kanyang panahon? Wala bang nagbago?

Umiinit na po ang halalan at kahit saan man tayo tumingin makikita natin ang mga mukha ng ating mga kandidato. Sa radyo, telebisyon at sa anumang pagtitipon-tipon, hindi palalampasin ng mga ito ang pagkakakataong makapagsalita. Dahil dito, madaling malito at magpatangay na lamang sa agos ng popularidad. Mahirap makapag-isip at makapagnilay sa gitna ng maraming nag-aagawan sa ating pansin. Madaling maranasan ang pagkawatak-watak ng ating puso’t isipan.

Sa kasuluksulukan ng ating puso, marami sa atin ang naghahangad ng pagbabago. Nais nating suriin ang bawat kandidato upang mailuklok ang karapatdapat. Sinisikap nating buu-in ang ating pag-iisip sa pamamagitan ng pagbabasa at pakikinig sa kanila at sa mga komentaryo ng iba’t ibang tao.

Ngunit, kailangan din nating maging batid sa katotohanang hindi lahat tunay na naghahangad ng pagbabago. Malungkot isipin na marami pa rin ang sumasagana sa ganitong sistema. Ang mga kandidatong nangangako ng pagbabago ang siya ring may hangaring ipagpatuloy ang kasalukuyang sistema. Marami sa atin ang nawawalan ng gana sa pagsisikap para sa tuwid at tunay na pagbabago. Bilang epekto nito, lalung nagiging imposibleng maganap ang pagunlad at pagkakaisa ng ating bayan.

Ang pagbubuklod sa iisang Diyos ang siyang tawag sa ating lahat. Ito ang kahulugan ng Linggong ito, na siya ring Linggo ng Mabuting Pastol at Pandaigdigang Araw ng Pananalangin Para sa Bokasyon. Ang pagkakaisa nating lahat ang tunay na bokasyon ng bawat Kristiyano; hindi lamang ito tanging gawain ng mga pari’t relihiyoso. Wika ni Walter Brueggemann, ang bokasyon ay isang pagtuklas ng pakay at kahulugan ng ating buhay sa mundo ayon sa mismong hangarin ng Diyos. Ibig sabihin, nakikisama tayo sa gawain ng Diyos ayon sa ating kakayahan at pagkatao. Isa itong pagtugon sa tawag ng Diyos na makiisa sa katuparan ng bagong kaayusan.

Tulad ng isang orchestra, sama-samang tumutugtog ang iba’t ibang aspeto ng ating buhay upang mabuo ang isang kaaya-ayang himig. Tulad ng sari-saring instrumento, kasama ang tunog ng lahat ng mga uri ng ating ugnayan maging sa personal o sa buhay na hayag sa lahat. Kaakibat din nito ang ating hanap-buhay at ang mga bagay na nasa ilalim ng ating responsibilidad. Ginagamit ang lahat ng ito ayon sa personal na pakikitungo ng Diyos sa atin. At tulad ng isang napakagandang awitin, bunga nito ang saya ng mga nakikinig.

Samakatuwid, kailangang matuto tayong mamili na hindi lamang para sa ating sarili. Kailangang makita nating inilaan ng Diyos ang ating buhay para sa mas malawakang pakay. Pananagutan nating lahat ang bawat isa at ang buong sanlibutan. Ito ang dinadasal sa bokasyon: tungo sa pagpapastol sa lahat ang indibidwal na tawag ng Diyos sa atin.

Sa nalalapit na halalan, isang pagdedesisyon ang gagawin nating lahat. Kailangang maingat sa pamimili; kailangang bumoto sa karapatdapat. Ingay, at hindi awit, ang kahihinatnan ng isang orchestrang pinapatnubayan ng isang konduktor na hindi marunong kumumpas. Ibig sabihin, isang pagpipili ng magiging pastol ng ating bayan ang halalan. At nawa alam ng iluluklok na isang pagkakataong maglingkod ang kanyang kapangyarihan tulad ng pagmamalasakit ng Mabuting Pastol sa Kanyang kawan.

Isipin muli ang mga alagad ni Kristo. Kung tutuusin, marami sa kanila ang natural na magkakabanggaan. Halimbawa, kasosyo ni Mateo ang gobyernong Romano bilang isang mangongolekta ng buwis. Sa kabilang banda, isang Zelotes si Simon (Lucas 6:15 at Gawa 1:13). Kaaway ng mga Zelotes ang pamahalaang Romano. Hindi mahirap isiping nagtatalo sina Mateo at Simon. Ngunit, bakit nagkakaisa silang lahat kahit iba ang kanilang pinapanigan sa buhay-pulitika? Dahil isa lamang ang kanilang tinatanging mas mahalaga kaysa sa kanilang buhay. Magkakaibigan silang naglilingkod sa isa’t isa dahil ito ang ginagawa ng kanilang tanging Mahal.

Bunga ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ang bagong kaayusan; naging banal ang buong sanlibutan. Biniyayaan tayong lahat ng kapangyarihang tumugon sa tawag ng Diyos sa atin. Bokasyon natin ang maging mabuting pastol sa bawat isa. Sinisikap nating tumugtog nang sabay-sabay. Upang mabuo natin ang isang bayang marunong makinig sa iisang tinig: ang himig ng Mabuting Pastol.

No comments: