Ang Pag-Akyat ni Hesus ay Isang Pamamaalam

16 Mayo 2010. Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa Langit
Gawa 1, 1-11; Psalm 46; Ef 1, 17-23; Lucas 24, 46-53


Ang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit, o Feast of the Ascension ay tunay na hiwaga. Pilit nitong isinasalita ang hindi masasambit, at pilit nitong ilarawan ang hindi mailarawan. Ang pag-akyat ng Panginoon sa Langit ay isang pamamaalam. At tulad ng mga pamamaalam, nananatili itong isang hiwaga at isang katapusan. May isang awit na gustong-gusto ko: Ang Awit ng Pamamaalam na gawa ni Jimmy Hofileña at Achoot Cuyegkeng.

Ibigin man nating pigilin ang paglubog ng araw,
Ang marahang pagkain sa pisngi ng buwan,
May mga bagay na ‘di matanto at hindi mapigilan.

Ibigin man nating yakapin ang lawak ng dagat,
At sadyang hulihin ang pagkurap ng tala,
May mga bagay na ‘di mahuli at hindi masansala.

Ngunit kahit ako’y lumayo, huwag ka sanang malungkot
Taglay mo pa rin ang aking pag-ibig sa iyong puso.

Ibigin man nating abutin ang dulo ng langit,
At ating habulin ang talim ng kidlat
May mga bagay na di mahabol,
Laging isang hiwaga.

Sino ba sa atin ang hindi nakaranas ng pamamaalam at hindi nasaktan? Sino ba sa atin ang hindi pa naranasang naiwanan, naramdaman ang malalim na kalungkutan at naghangad na sana walang katapusan. Kung maaari lamang pigilin ang paglubog ng araw, o yakapin ang lawak ng dagat o hulihin ang pagkurap ng tala, o abutin ang dulo ng langit. Ganito ang pakiramdam ng isang namamaalam. Sabi ng isang awit, Sana’y wala nang wakas. Subalit alam natin, ang pamamaalam ay bahagi ng buhay.

Naaalala ko, noong umalis ang aking kaibigang pari para mag-aral sa ibang bansa. Alam kong higit na limang taon kaming hindi magkikita. Sabi ko sa kanya, “Tawagin mo ako kapag aalis ka na upang makapagpaalam ako.” At nang umalis siya, naiyak ako. Bago siya umalis, tinuro niya sa akin ang gagawin kong trabaho dahil ako ang pumalit sa kanya. Noong siya’y kasama ko, hindi ako natatakot na magkamali dahil may gagabay at sasalo sa akin. Panatag ang aking kalooban. Ngunit, hindi lang dahil may silbi siya sa akin. Alam ko, sa kailaliman ng aking puso, naiyak ako dahil mahal ko ang aking kaibigan. Palagay ko dito naluluklok ang hiwaga: pag-ibig sa lumilisan. Wala nang iba. Walang kailangang paliwanag. Basta nararamdaman. Palagay ko ito ang naramdaman ng mga alagad ni Hesus habang namaalam siya at umakyat sa langit.

Ang pamamaalam ay may iba’t ibang kahulugan. Sa Guam, Esta agupa (ibig sabihin, hanggang bukas, until tomorrow). Sa French, Au revoir (ibig sabihin, hanggang sa muling pagkikita, till we meet again). Sa Guatemala, Naíbuga [ibig sabihin, alis na ako, I am going.] Sa India Gujarati, Fari malshun [ibig sabihin, see you later]. Sa Mam, Q'onk chípena [ibig sabihin, strength to all of you]. Sa Syria, Turkey, Fush beshlomo [stay in peace]. Sa Ingles, Farewell [ibig sabihin, Fair you well. Swertehin ka sana]. Sa Espanol, adios [I entrust you to God]. At sa Ingles, goodbye [Ibig sabihin, God be with you]. At ang pinakamaganda ay ang Pilipino: Paalam. Ibig sabihin, may pina-aalam; may iniiwanang salita. Ano ang ipinapa-alam?

Sa paglisan, pinapaalam na kinikilala natin na ang Diyos ay kasama sa paglalakbay. God be with you o Go with God. Hindi dapat matakot o malungkot, dahil kasama mo ang Diyos. Hindi dapat isiping ika’y mag-isa, dahil kasama mo ang Panginoon. At hinding hindi ka Niya iiwanan.

Sa paglisan, pinapaalam din natin sa taong aalis na mahalaga at mahal natin siya. Sinasabi natin, “Hindi ka namin mapipigilang lumisan dahil kailangan mo sa iyong pagtubo. Kahit masakit sa amin, kailangan mong maglakbay. Ngunit kahit ika’y lumayo, huwag ka sanang malungkot. Taglay mo pa rin ang aking pag-ibig sa iyong puso.”

Sa ordinasyon ng mga pari, kinukuha nila ang taong importante sa kanila upang isuot ang kasulya at istola. Kaya, bago sumakay ng taxi ang aking kaibigan papuntang ibang bansa, ibinigay ko sa kanya ang larawan na iyon sa aking ordinasyon upang maalala niya kung gaano kahalaga siya sa aking bokasyon. At pagkatapos, umuwi akong mapayapa, umasa na kasama niya ang Diyos sa paglakbay, at umasa sa Diyos na samahan din Niya ako sa aking panibagong buhay.

Kaya, ang pamamaalam ay isang simulain. Simula ng bagong buhay---- sa naglalakbay at sa naiiwan. Taglay ng bawat isa ang pagkakaibigan at pag-iibigan. Taglay ng bawat isa ang Diyos na kasama sa lahat ng panahon.

Sabi ni San Pablo, “Sa buhay man o kamatayan, walang makapaghihiwalay sa atin, sa pag-ibig ng Diyos.” (Rom 8: 38,39)

Hindi nakapagtataka na ang mga alagad ni Hesus ay nagbalik sa Jerusalem, taglay ang malaking kagalakan. Palagi sila sa templo at doo’y nagpupuri. Sino ang hindi natutuwa kapag may nagmamahal sa atin, at mayroon tayong minamahal?

At higit sa lahat, ang pag-akyat ng Panginoon sa langit ay nagpahiwatig na ang pag-ibig natin sa Kanya at sa isa’t isa ay magpakailanman. At ang ating paglalakbay ay may patutunguhan: may langit na naghihintay sa atin; ang langit na mithi ng pinakamithiin ng puso. Sabi ni CS Lewis, “Maraming panahon na tila hindi natin hinahangad ang langit, ngunit ako’y nagtataka, sa kaila-ilaliman ng ating puso, mayroon pa ba tayong ibang tanging hangarin, maliban na lamang na maabot natin ang langit.”

Kaya ang aking panalangin at pagbasbas para sa ating lahat: samahan nawa tayo ng Diyos sa ating paglalakbay sa buhay, at nawa maabot natin ang ating langit.

No comments: