17 Mayo 2010. Lunes ng ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
Acts 19, 1-8; Psalm 68; John 16, 29-33
Ayon kay Hesus, kagipitan ang meron tayo sa mundo, ngunit lakasan natin ang ating loob dahil napagtagumpayan Niya ang mundo. Malinaw sa atin ang salitang kagipitan dahil ramdam na ramdam natin ito sa ating buhay. Hindi natin napagkakasya ang ating suweldo sa gastusin ng bahay. Hindi natin maitawid ang ating mga pangangailangan dahil kulang ang pera sa bulsa. Hindi natin lubusang maintindihan ang nagrerebeldeng mga anak. Gipit din tayo sa pag-unawa ukol sa mga bagay-bagay na nangyayari sa bansa at sa buong mundo.
Ngunit lakasan natin ang ating loob. Makakayanan nating dalhin ang mga pasanin sa buhay. Sa masigasig na pagsisikap, nararatnan din natin ang tagumpay. Hindi katapusan ng buhay ang kamatayan. Kaluwalhatian ang dulo ng ating paglalakbay. Makakaasa tayo na sa kabila ng ating pagsisikap ang minimithing langit.
No comments:
Post a Comment