Patawarin Hindi Kalimutan

13 June 2010 Eleventh Sunday in Ordinary Time
2 Sm 12:7-10, 13; Ps 31; Gal 2:16, 19-21; Lukas 7:36-50


Note: This article appears in Sambuhay missalette today. Sambuhay is a publication of the Society of St. Paul in the Philippines.

Maraming nagsasabi na kapag may nagkakasala sa atin, kailangang patawarin at kalimutan ang lahat. Makikita natin sa ating mga pagbasa ngayong araw na hindi kinakalimutan ang nagawang sala sa pagpapatawad, sa halip hindi tayo nagpapa-alipin sa nakaraan.

Sa unang pagbasa, ipinadala ng Panginoon si Propeta Natan upang pagsabihan si Haring David ukol sa karumaldumal na krimen na ginawa niya kay Urriah, ang asawa ni Bethsheba. Inisa-isa ng propeta ang mga kasalanan niya sa Diyos sa kabila ng mga natanggap nitong biyaya. Wika niya, “Bakit mo pinaglaruan ang salita ng Panginoon at gumawa ka ng labag sa kanyang kalooban? Ipinapatay mo na si Urias, kinuha mo pa ang kanyang asawa. Oo, ipinapatay mo ang Heteong iyon sa mga Ammonita upang makuha mo ang asawa niya.”

Sa Ebanghelio, iniisa-isa rin ni Hesus ang mga bagay na nakaligtaang gawin ni Simon na Pariseo upang mamulat ito sa sarili niyang kasalanan. Wika ni Hesus, “Nakita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit binasa niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinagkan, ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumitigil ng paghalik sa aking mga paa. Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo, subalit pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa.” Ibig sabihin, hindi ipinamalas ng pariseo ang karangalang iginigawad sa isang marangal na panauhin.

Sa kabilang banda, lantad sa buong sambayanan ang kasalanan ng babaeng humihingi ng tawad at hindi na kailangang isa-isahing isulat sa biblia. Sapat na para kay Hesus na makita niya ang dami at bigat ng kanyang kasalanan. Naaaninag natin ito sa talinghagang ikinuwento ni Hesus kay Simon na pariseo.

Kung huhusgahan ang ating bawat kasalanan sa kabila ng mga biyaya ng Diyos, isang malaking kahihiyan ito. At kung uusisain pa ang bawat kasalanan, walang maaaring katumbas ito kundi sari-saring parusa. Ayon sa Kasulatan, “Kung tatandaan mo, O Panginoon, ang mga pagkakasala, sino ang makatatagal?” (Salmo 130:3) Ipinapatay ni Haring David si Urriah sa mga Ammonita, kamatayan din ang parusa sa isang mamamatay-tao at sa nakiki-apid. (Deut 22:22).

Ngunit iba sa tao ang pamamaraan ng Diyos. Iba sa tao ang pagmamahal ng Diyos. Isang pusong nagsisisi ang siyang kailangan lamang upang maawa ang Panginoon sa atin. Isang simpleng pagtanggap sa kasalanan ang hinahangad ng Diyos para sa hari. Sabi ni Haring David kay Natan, “Tunay akong nagkasala sa Panginoon.” Kaya, napakapayak din ang sagot ng propeta: “Kung gayo’y pinatatawad ka na Niya at hindi ka mamamatay.” Ganito din ang ginawa ni Hesus sa babae sa Ebanghelio, “Ipinatawad na ang iyong mga kasalanan. Iniligtas ka ng iyong pananalig; yumaon ka na’t ipanatag na ang iyong kalooban.” Madaling magpatawad ang Panginoon.

Sa gayon, bakit hindi kinakalimutan ang kasalanan sa pagpapatawad? Wika ni San Pablo, walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa sarili lamang. Ibig sabihin, kailangang magtulungan tayo sa pagpapakabanal. At maaaring gawin lamang ito, kung gaganapin natin ang ating pagiging propeta na tinanggap natin sa binyag. Tulad ni Natan at ni Hesus, kailangang pagsabihan natin ang lumalabag sa kagustuhan ng Diyos, at maaari nating gawin ito sa pamamagitan ng pag-aalala sa bawat pangyayari kung saan nasaksihan nating ginagawa ang katuwalian.

Ayon sa sikolohiya, maraming mga bagay na hindi natin nakikita. Tinatawag itong “blind spots” kaya kailangang isa-isahin ito ng ating mga kaibigan upang matulungan tayong mamulat sa ating mga kasalanan. Ito mismo ang ginawa ni Hesus kay Simon. Kapag nakita natin na paulit-ulit ang kamalian, responsibilidad nating pagsabihan ang gumagawa nito. Hindi upang husgahan, tulad ng ginawa ni Simon sa babae; kundi para sa kanilang kabutihan at pagbabago. Isang pagpapakita ito ng pagmamalasakit at pagmamahal. At tunay ngang sa pagmamahal lamang nagbabago ang tao. Naging magaling na mamumuno si Haring David. Si Haring Solomon, ang anak niya kay Bathsheba, ang nagtayo ng Templo ng Jerusalem. Nagkaroon ng panibagong buhay ang babaeng makasalanan, at namulat ang pariseo sa kanyang nakaligtaang gawin.

Sa gayon, kapag pinatatawad natin ang isa’t isa, sinasabi natin na hindi tayo magiging alipin ng nakaraan. Hindi tayo magpapaimpluwensya sa ating sama ng loob sa pakikitungo sa taong nagkasala sa atin. Hindi nating hahayaang makulayan ng ating mga sugat ang ating pagmamahalan. Sa halip na saktan din ang kaibigang nagbitiw ng masakit na salita, lagi nating bibigyan ng panibagong pagkakataon upang magbago ito. Sa pagpapatawad, sinasabi natin sa taong nagkasala sa atin: “Umaasa ako na magbabago ka.”

May hangganan ba ang lahat? Ayon kay Hesus, wala (Mt 18:22). Hangga’t lumalabag tayo sa kagustuhan ng Panginoon, magpapatuloy ang awa ng Diyos. Hangga’t nasasaktan tayo, paulit-ulit tayong magpapatawad. Kasama sa paglago sa buhay ang pagtanggap sa paulit-ulit na ito; at dahil dito, nangangailangan ng pagpapatawad ang lahat ng ating mga ugnayan kung gusto natin itong lumago, tumagal at lumalim.

1 comment:

Enteng Cabesote said...
This comment has been removed by a blog administrator.