Ano pa bang Patunay ang Kailangan Mo?

19 July 2010 Lunes ng ika-16 Linggo ng Taon
Micah 6, 1-8; Psalm 50; Matthew 12, 38-42


Bagaman maraming nang himalang ginawa si Hesus, humihingi pa rin ang mga Eskriba at Pariseo ng marami pang kababalaghan. Hindi maitago ni Hesus ang Kanyang lubhang pagkayamot. Kaya sabi ni Hesus na wala na Siyang iba pang ipapakita kundi ang kababalaghan ng propetang Jonas.

Ano ang kababalaghan ni Jonas? Ito ang turo ng propeta ukol sa pagbabalik-loob at pagtanggap ng mga taga-Nineveh sa turong yaon. Nang marinig ng mga taga-Nineveh ang sinasabi ng propeta, agad-agad silang humingi ng tawad sa Panginoon. Ang Reyna ng Sheba’y bumisita kay Haring Solomon upang makinig sa kanya, at lalu siyang humanga sa katalinuhan ng Hari. Ang patunay na kababalaghan ay ang pagtanggap ng mga Hentil sa turo ni Hesus, na mas higit kina Jonas at Solomon.

Nagbibigay ba tayo ng kondisyon sa Diyos para sa pagpapalalim ng pananampalataya? Naniniguro ba tayo sa ating mga pinagdedesisyonan, kaya humihingi tayo ng patunay sa Diyos? Napakarami nang biyayang ipinakita at ibinigay ng Diyos sa atin, ano pa bang patunay ang kailangan upang lalo tayong magpakabanal? Kulang ba ang ating tiwala sa Diyos mismo? O hindi natin nakikita ang mga kababalhang ginagawa ng Diyos noon at sa kasalukuyan?

No comments: