20 July 2010 Martes ng ika-16 Linggo ng Taon
Micah 7, 14-20; Psalm 85; Matthew 12, 46-50
May mga tinatago tayong sikreto sa buhay na hindi alam ng ating mga magulang. Ngunit alam ng ating pinakamatalik na kaibigan. May mga suliranin tayong minabuti na lang natin na ilihim sa ating mga kaibigan, subalit alam ng ating mga spiritual directors. May mga proseso tayong dinadaanan sa ating buhay na kaugnay sa ating mga kasulsulukang pangangailangan na alam lamang ng ating mga counselors. Dahil dito lumalabas ang isang katotohanan: ang pinakamalalim na ugnayan ay hindi nakukuha sa kadugo ngunit sa pakikiisa ng ating isip, puso at kaluluwa sa isang taong nakikiisa din sa atin.
Mahalagang ipakita ni Mateo si Hesus bilang isang Guro. Tinuturo ni Hesus sa Ebanghelio na ang pinakamahalagang ugnayan ay hindi ang ating pagkakapamilya o pagkakaibigan. Higit sa lahat, ang pakikitungo natin sa Diyos ang dapat mamayani sa ating buhay. Kung magkakabanggaan ang ating mga ugnayan, ang Diyos ang dapat manaig. Dahil dito, ang sinumang tumutupad sa kalooban ng Diyos ay ang tunay nating kapamilya.
No comments:
Post a Comment