Pagpipili Sanhi ng Paghahati-hati

12 July 2010 Lunes ng ika-15 ng Linggo
Isaiah 1, 10-17; Psalm 50; Matthew 10: 34 - 11:1


Laging darating ang panahon na kailangan nating mamili ng iisa lamang. Ang panahon ng ligawan bago ang kasalan ay isang panahon ng pag-iisip kung sino ang ating magiging kasama o hindi kasama habang-buhay. Tinatawag itong “socialization process.” Layunin ng prosesong ito ang makita ang magiging kaisa-isahang magmamay-ari ng ating puso magpakailanman. Kasama sa prosesong ito ang iba’t ibang karanasan ng pagkakaroon ng paglilipat, pamamaalam o pagbabago. Natutuklasan ng magkasintahan na hindi sila para sa isa’t isa. Kasama din dito ang iba’t ibang pagkakaibigan. Sari-saring kuwento ng pag-ibig ang maririnig natin. Ngunit lahat ng ito humantong sa isang pagdedesisyon.

Ganoon din sa pananampalataya. Sa unang pasok natin sa Simbahan sa binyag, ang mga magulang, ninong at ninang ang pumipili at nangangakong palalakihin tayo sa pananampalataya, hangga’t may sarili na tayong pag-iisip upang tunay na aakuin natin ito. Ito ang Sakramento ng Kumpil. Ngunit ang pagpipili ay hindi pa nagtatapos. Habang marami tayong naririnig ukol sa Simbahan, maganda man o karumaldumal na balita, laging hinahamon ang ating unang pagpipili: ito pa rin ba o hindi na? Siya pa rin ba o hindi na? Ang Diyos pa rin ba o hindi na? Ang bawat pagsang-ayon na maging tapat sa unang sumpang pinili ay isang pagpanig sa paglalalim at paglalago ng pananampalataya.

Kaya hindi pwedeng ang masama AT mabuti ang pinipili. Hindi pwede ang balimbing. Iisa lamang. Sa Diyos ka ba o hindi? Tunay nga ang sinasabi ni Hesus: ang pagpunta niya sa mundo ang magiging sanhi ng paghahati-hati. Ang tunay na magkakapatid ang siyang isinasabuhay ang hangarin ng Diyos. Wala ito sa pagiging kadugo o kamag-anak. Malapit tayo sa ating kaibigan dahil binabahagi nila ang pare-parehong interes o pinahahalagahan natin.

Kung meron man tayong hindi pagsang-ayon sa mga namumuno sa Simbahan o hindi tayo mapayapa sa nakikita nating paglilingkod na hindi tapat sa Diyos, kailangan nating pagsabihan ang ating mga pari, obispo o relihiyoso. Nagkakamali rin ang mga pinuno sa Simbahan. Matutuklasan natin ito sa pag-aaral ng kasaysayan. At bakit naipagpatuloy ito: dahil hindi natin sila napagsabihan at walang kumontra sa kanila.

Ang pinakarurok na katapatan ang sa Diyos, pangalawa lamang dito ang Simbahan at ang ating mga magulang. Kung dumating sa oras na mahahati ang ating kalooban, ang sa Diyos lamang ang pipiliin. Magalit man ang magulang o kaya ang mga tao sa Simbahan.

Kung labag sa ating konsiyensya na gawin ang kanilang inuutos, lalu na kung mali, ang Diyos ang ating susundin. Nilabag ko ang kagustuhan ng aking mga magulang nang ako’y nagpari. Tama ako: dahil ngayon nakita nila na masaya ako sa buhay. At ngayon, sila na ang nagagalit kapag niloloko ko sila na aalis na ako!

Mahalagang huwag kalimutan na may mahalaga, may mas mahalaga at may pinaka-mahalaga. Ang pagpipili dapat sumang-ayon muna sa pinakamahalaga.

No comments: