12 July 2010 Martes ng ika-15 Linggo ng Taon
Isaiah 7, 1-9; Psalm 48; Matthew 11, 20-24
Kikilatisin natin ang Ebanghelio ngayon. Pinagsabihan ni Hesus ang mga lungsod ng Galilea. Sila ang maraming nakita na himalang ginawa ni Hesus, ngunit hindi pa rin sila nagsisi at nagbalik loob.
May dalawang bagay ang makikita natin sa mga lugar na ito. Una: Sawimpalad ang Chorazin at Betsaida dahil hindi sila nagsisisi bilang tugon sa mga ginawang himala ni Hesus. Kaya mas mabigat pa ang sasapitin ng mga ito kaysa sa mga lungsod ng Tiro at Sidon, mga lungsod ng pagano. Dahil kung tutuusin, kung nakita ng mga pagano ang ginawa niya, magsusuot ng abo at damit balahibo sila kaagad bilang pagtanaw ng pagsisisi.
Pangalawa: Sawimpalad din ang mga taga-Cafarnaum dahil napakataas ang pagtingin nila sa kanilang sarili. At dahil mataas ang kanilang pagtingin, ilulugmok sila sa impiyerno sa mga huling sandali. Mas mabigat ang sasapitin nila kaysa sa Sodom. Para kay Hesus, hindi sapat ang pinapakita nitong tugon sa Kanyang mga ginawa.
Ayon kay San Ignacio de Loyola, ang unang hilingin natin sa Diyos ang pagpapasalamat. Nawa’y makita natin na ang lahat lahat ay biyaya ng Maykapal. Ang lahat ng pag-aari natin, ang lahat ng ating mga abilidad at kakayahan, ang lahat ng ating buhay pawang bigay ng Diyos. Para kay San Ignacio, ang taong taus-puso ang pagpapasalamat, tama din ang kanyang tugon sa Diyos. Ang katotohanan ay simple: hubad-na-hubad ang bawat isa sa atin dahil ni isang katiting galing sa atin. At dahil dito, kahit ang inaalay natin sa Kanya, galing sa Kanya! Marami na ang himalang ginawa ang Diyos sa atin.
Ngunit dalawang uri ang tugon. Una, tayong mga taga-Corozain at Betsaida, kailangang maniwala sa ating halaga. At kapag nakita at naramdaman ang halaga natin, makikita natin na isang kasalanan ang pakiramdam na laging kulang, walang tamang pagmamahal sa sarili. Wika ni Hesus, ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ibig sabihin, may tamang pag-ibig sa sarili, na pagmumulan ng tamang pag-ibig natin sa iba.
Marami tayong hindi naniniwala sa kakayahang ibinigay ng Diyos. Laging ikinukumpara natin ang ating sarili sa iba. Hindi sapat ang biyayang iginagawad na ng Diyos. Mababa ang turing natin sa ating sarili; lagi tayong nakaka-awang tingan. This is the false sense of humility. Magandang ipukpok ito sa ating ulo: pagpapakita ng kahalagahan natin, ang mga himalang ginawa ng Diyos sa buhay. We are precious to a God who does not need us. Proof: He died for us.
Pangalawa, tayong mga taga-Cafarnaum naman, kailangang idilat ang mga mata upang makita ang ating pagka-walang-wala. Upang ang pagpapasalamat sa Diyos ay ganap at lubos; hindi kulang.
Hindi sapat ang tugon ng nagmamayabang dahil labis ang ating pagka-bilib sa sarili. Nag-aakalang pawang galing sa atin ang ating mga abilidad. Nakakalimutan ang mismong pinagmulan at nagbigay ng mga kakayahang yaon. Kaya ano mang tugon sa Diyos ay hindi sapat: laging may bahid ang kanilang pinagkakaabalahan na hangaan sila ng iba, at hindi ang Diyos na tunay na naghihimala.
No comments:
Post a Comment