Bakit Di Dapat Dalhin ang Nararamdaman sa Trabaho

2 August 2010 Lunes ng ika-18 Linggo ng Taon
Jer 28, 1-17; Psalm 119; Matthew 14, 13-21


Marami tayong matutunan sa Ebanghelio ngayon. Nabalitaan ni Hesus ang kamatayan ni San Juan Bautista. At nang mabalitaan ito, lumulan sa isang daong si Hesus upang magtungo sa isang ilang na pook upang mag-isa.

Hindi kailangan pang isulat upang malaman natin kung bakit. Si Juan Bautista ay Kanyang pinsan na naghanda ng daan para sa kanyang gawain. Hinimok niya ang mga tao na magbalik-loob sa Diyos at ituwid ang kanilang buhay bilang paghahanda sa darating na Mesias. Kaya alam na natin kung bakit gusto niyang mag-isa. Kailangan niya ng panahon upang magluksa.

Ngunit, ayon sa Ebanghelio, nang malaman ng mga tao kung saan siya pumunta, nagsisunod sila sa Kanya. At nang makita ni Hesus ang makapal na tao, nahabag siya sa kanila. Kahit hindi siya nabigyan ng tamang panahon ng pagluluksa, itinuloy niya ang kanyang gawain. Pinagaling niya ang maysakit. Nagturo siya sa mga taong uhaw sa Salita ng Diyos. Pinakain niya ang mga nagugutom.

Maraming oras na hindi maganda ang ating pakiramdam ngunit kailangan natin pumasok sa trabaho. May mga sandali ng kabiguan ngunit kailangan pa rin nating ipatuloy ang ating dapat na responsibilidad. May mga oras na matindi ang ating galit ngunit kailangang ngumiti at magkunwaring maayos ang ating buhay kapag nasa opisina (kaysa namang sumimangot ka; kawawa ang customers at ka-trabaho).

At bakit hindi kailangang dalhin ang ating matinding pakiramdam sa ating pinagtatrabauhan? Dahil sa malalim na awa’t pagmamahal: hindi dapat apektado ang mga taong hindi kasama at kabilang sa ating pagluluksa.

No comments: