Gusto mong Lumakad sa Dagat?

3 August 2010 Martes ng ika-18 Linggo ng Taon
Jeremiah 30, 1-22; Psalm 102; Matthew 14, 22-36


Pinasakay ni Hesus ang kanyang mga alagad sa daong at pinauna niya ito sa ibayong dagat upang manalangin sa bundok. Samantala, sinasabukay ng mga alon sa laot ng dagat ang mga alagad, sapagka’t pasalungat sila sa hangin. Nagmamadaling-araw na ng makita nila si Hesus na naglalakad sa tubig. Hiniling ni Pedro na lumakad din siya sa ibabaw tulad ni Hesus, ngunit lumubog siya nang matakot sa tindi ng hangin. Wika ni Hesus, “Kakaunti ng iyong pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”

Hindi na iba sa ating lahat ang mga unos na sumasabukay sa ating buhay. Tila ba malulunod tayo sa tindi at lakas ng ating mga dinadalang suliranin. Inaakala din natin sa gitna ng laot ng buhay, iniwanan tayo ng Diyos. Nawawalan tayo ng pananampalataya dahil hindi natin makita ang Panginoon sa gitna ng ating problema. Hindi nakapagtataka, sa matinding takot at kawalang-tiwala, nalulunod tayo sa utang, kamalian, at pagkawalang-pag-asa. Ang bagong sakit na “depression” ay isang pagkalubog sa sariling kahinaan at kabiguan tungo sa ating pagkasira.

Ngunit pinakapakita ng Panginoon ang dapat gawin. Kailangang maglakad sa ibabaw ng tubig; huwag magpatangay sa takot. Kadalasan ang problemang dinadala natin ay kaya nating harapin ngunit naduduwag tayo sa tindi ng alon sa ating buhay.

No comments: