Gusto mo bang baguhin ang iyong puso?

5 August 2010 Huwebes ng ika-18 Linggo ng Taon
Jeremiah 31, 31-34; Psalm 51; Matthew 16, 13-23

Mahalaga ang unang pagbasa sa ating buhay ngayon. Dito nagsimula ang pag-unawa na ang Diyos ay nananahan sa ating mga puso. Matatagpuan ang Diyos sa bawat isa sa atin. Ito ang ugat at sentro ng turo sa Bagong Tipan. Makikita ito sa teolohiya ni San Pablo (2 Cor 3: 1 - 5:21) at may-akda ng Hebreo (Heb 8:6 - 9:15). Dito din maaaninag ang mga turo ni San Juan Evangelista at ng turo ni Hesus sa Huling Hapunan.

Noong panahong iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa Ehipto sa pamumuno ni Moises, napagkasunduan nila na ang Diyos lamang ang kanilang sasambahin, at sila nama’y magiging Kanyang sambayanan. Sa pamamagitan ng ganitong kasunduan, nilagda nila ang maraming batas bilang pagkilala sa kasunduang yaon. Ngunit, nilabag nila ang mga batas na ito. Ibig sabihin, hindi pagmamahal sa Diyos ang itinugon ng mga Israelita.

Kaya gumagawa ang Panginoon ng panibagong kasunduan: ilalagay ng Panginoon ang batas sa ating kalooban at isusulat niya ito sa ating mga puso. At dahil dito, makikilala nating lahat ang Diyos, mula sa pinakabata hangga’t sa pinakamatanda. Ibig sabihin, hindi na ganang atin ang pagtugon ng pagmamahal sa Diyos; kundi Diyos mismo ang nagbibigay ng kapangyarihan upang tumugon tayo sa Kanya. Ang kapangyarihang tumugon ng pagmamahal sa Diyos ang tinatawag nating, “grace” o biyaya. Our response of love is also a gift from God.

Dahil dito, maaaring hilingin natin sa Diyos ang isang panibagong puso (Salmo 51). Ang biyaya, ayon sa Ebanghelio ni San Juan, ay may kasamang pagpapatawad ng ating mga kasalanan at sanhi ng ating malalim na pananampalataya kay Kristo.

Dito nakabatay ang ating kahalagahan: nanananahan ang Diyos sa bawat isa. At dahil nasa kalooban natin ang Diyos, banal ang bawat isa. Tunay ngang tayo ang templo ng Espiritu Santo.

2 comments:

Cammie Novara said...

"Dito nagsimula ang pag-unawa na ang Diyos ay nananahan sa ating mga puso." Truer words you won't find on the internet.

Unknown said...

Salamat Cammie. Do take care.