St. John Marie Vianney Sunday
Mangangaral 1:2; 2:21-23; Slm 89; Colosas 3:1-5, 9-11; Lc 12,13-21
Note: This article appears in Sambuhay today. Sambuhay is a publication and ministry of the Society of St. Paul in the Philippines.
Kuhang-kuha ni San Lucas ang bahaging ginagampanan ng materyal na bagay sa ating buhay. Sa kasuluk-sulukan ng puso ng isang taong sakim ang isang malaking kahungkagan, na hindi mapupuno ng kahit ano mang ari-arian. Nag-aakala siyang madadala ang kanyang kinamkam sa kabilang-buhay.
Unang-una, makasarili ang isang taong sakim. Walang ibang nakikita ang mayamang hangal sa Ebanghelio kundi ang kanyang sarili. Sa talinghaga, walang ibang ginamit ang may-ari ng ani kundi ang “ako, ko at akin” at wala na siyang ibang inaaalalang kapakanan kundi siya.
Pinupuno niya ng materyal na bagay ang nararamdamang kakulangan sa kanyang buhay. Hindi siya mapanatag sa anong meron, laging hinahanap ang mas labis at mas marami pa. May isang reporter na nagtanong sa isang bilyonaryo: “Magkano ang kailangan upang masiyahan ang isang bilyonaryo?” “Dapat laging meron pa. Walang sapat na,” sagot niya. Para itong isang softdrink: Kung marami kang nainom, mas nauuhaw ka. Walang sapat na makakapagbigay ng kasiyahan sa isang taong malaki ang pangangailangan. Madaling mapawi ang kanyang kaligayahan dahil hindi ito tumatagal.
Pangalawa, nakaikot sa mundong ito ang buhay ng isang makasarili at hindi ito namumuhunan sa bagay na pangmatagalan. Binabalak ng mayamang hangal ang tumayo pa ng mas malaking kamalig para sa kanyang ari-arian at masagang ani. Pinaplano nito ang isang kinabukasan na nagpapakasasa siya sa labis karangyaan.
Wala itong pagmamalasakit sa iba. Hindi ito nababahalang wala siyang kaibigan o kapamilya. Hindi ito namamahagi ng kayamanan upang lumalim at lumago ang kanyang mga pagkakaibigan. Hindi rin ito tumutulong upang magkaroon man lamang ng magandang kinabukasan o pagkakataon umahon ang mahihirap. Higit sa lahat, wala siyang pakialam sa nangyayari sa bansa; hangga’t hindi siya apektado nito.
Ano ang makakapawi sa ating kasakiman o pagkamakasarili? Ayon kay San Pablo kailangang baguhin ang ating pag-iisip. Tingnan ang buhay bilang isang biyayang ipinagkaloob ng Diyos. Lahat ng bagay galing sa Diyos; at lahat na ginagawa natin, bigay din ng Diyos. Wala tayong maaaring ipagyabang na atin lamang. Dahil dito, ang mapagpasalamat ang gamot sa anumang pagkiling nating punuin ang ano man kulang.
Kung makasarili ang kasakiman; mapagbigay naman ang isang nagpapasalamat. Kung malaki ang ating utang na loob, sinusuklian natin ang tumutulong sa atin. Nawawala ang mga salitang, “ako, ko at akin” at napapalitan ng isang malambing sa “ikaw at sa iyo.” Alam natin ang kayang ibigay, kaya hindi tayo naghahanap sa wala. Hindi maaaring magbigay ng bagay na wala tayo; kaya alam natin una ang maaari nating ihandog sa iba.
Pangalawa, kung sa mundong ito namumuhay ang isang sakim; sa kabilang buhay naman nakatuon ang buhay ng nagpapasalamat. Ang nagtatanaw ng utang na loob ang kumikilala sa kagandahang-loob ng Diyos. Samakatuwid, alam niya ang mas mahalaga na hindi napapawi; kilala niya ang walang-hanggang Panginoon, at hindi ang makamundong nagdiyus-diyusan. Alam natin lahat na may mga tao na bagaman nagsisimba, iba ang sinasamba.
Upang turuan natin ang ating sariling hindi makalimot sa Diyos, ang Panalangin sa Hapag-Kainan ang isa sa mga humuhubog sa ating puso at isip upang laging alalahanin na ang pinagmulan ng buhay ang Panginoon lamang. Dinadasal nating Katoliko: “Basbasan mo, Panginoon ang Iyong mga handog mula sa iyong kagandahang-loob, upang pagsaluhan namin, hinihiling namin ito sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo, ngayon at magpakailanman, Amen.”
Inihandog ng ating pananampalatayang Kristiyano itong dasal bago at matapos kumain upang baguhin ang ating pagiging makasarili tungo sa pagiging mapagpasalamat. Kaugalian ng ating Hudyo at ng mga sinaunang Kristiyano ang manalanging basbasan ang nakahain. Sinabi ni Tertullian (2 AD) na huwag kumain o maligo hangga’t hindi makapanalangin, sapagka’t ang makapagpapasigla sa ating kaluluwa ang siyang mas mahalaga sa ano mang kasiyahang mararanasan ng ating katawan. Dahil dito, ang mga simpleng dasal tulad ng Panalangin sa Hapag-Kainan ang tumutulong sa pagbabago tungo sa ating banal na pamumuhay.
Ngunit kung sa tingin natin na mahirap mapawi ang ating kasakiman, ito ang payo ni GK Chesterton: Kung nagdadasal ka bago at matapos kumain, ok ka. Ngunit nagdadasal ako bago manood ng konsiyerto at opera, bago ang isang palabas, bago magbasa, maglaro, gumuhit, lumangoy, lumakad, magpinta, sumayaw, at bago ilagay ko sa tinta ang aking pansulat.
Kung nagpapasalamat tayo sa Diyos bago gawin ang anuman, hindi tayo mapapariwara tulad ng mayamang hangal. Ayon sa mga dalubhasa sa espirituwalidad, ang pagpapasalamat ang siyang puso ng panalangin.
No comments:
Post a Comment