Ang Diyos ng Liwanag


ika-24 ng Disyembre 2011 Misa de Gallo
2 Sm 7:1-5, 8b-12, 14a, 16; Psalm 89; Luke 1:67-79
 
Note: This article appears in the Filipino Sambuhay today. Sambuhay is the missalette published by the Society of St. Paul in the Philippines.

Lumaki si Yuan, 10-taong gulang, sa isang bahay-ampunan. Isang madaling-araw, nagising siya. Bagaman madilim pa, alam niyang hindi magtatagal at magbubukang-liwayway na. Hindi kalayuan mula sa bahay-ampunan may isang napakagandang lawa at biglang naramdaman niya ang kabig ng isang hangarin. Gusto niyang makita ang unti-unting pagsikat ng araw sa kalangitan mula rito.

Ngunit mahigpit ang batas sa ampunan. Walang batang babangon bago ang kalembang ng batingaw. Higit sa lahat, pinagbabawal ang lumisan ng bahay nang walang pahintulot.

Subalit nagbakasakali siya. Nagmadali siyang nagbihis at lumabas na hawak-hawak ang kanyang sapatos. Ayaw niyang ma-istorbo ang kanyang mga kasamang batang mahimbing na natutulog. Habang tinatahak niya ang mahabang pasilyo, tumitindi ang kanyang takot na mahuli. Tila bagang may nagmamasid sa bawat iskinita ng dormitoryo ng bahay ampunan na nagpapakita ng kanilang galit sa kanyang paglabag sa batas.

Kalaunan, dumating siya sa lawa at naghintay sa bukang-liwayway. Totoo nga, unti-unting sumikat ang araw, at nagbago ang kulay ng langit. Pinanood niya ang paglalaro ng kulay sa lawa, ang pagsabog ng dilaw, kahel, pula hanggang sa kulay ng liwanag ng araw. Manghang-mangha siya sa kagandahan ng lawa.

Nang tumunog na ang batingaw, naalala niya ang oras. Hahanapin siya sa bahay-ampunan. At siguradong mapaparusahan siya. Bago niya nilisan ang lawa, sinabi nito sa kanyang sarili: “Maraming salamat. Babalik ako. Ayos lang kung mapaparusahan ako. Ngayon may bago akong alam: ang Diyos ng lawa ay mas maganda sa dios ng ampunan.”

Sa araw na ito, sa agaw-dilim ng Simbanggabi, ibaling natin ang ating puso sa Dios ng Liwanag na mas higit pa sa iba’t ibang “dios” na kumikitil sa ating kalayaan at kasiyahan.

Tulad ni Yuan, namumuhay tayo sa ating mga sariling kulungan. Tulad ng bahay-ampunan, nasasanay tayong mamuhay sa ating maliit na mundo.

Ang nakakatakot mangyari ay simple lamang: dahil sanay na tayo sa ating kinagagalawang sariling bahay-ampunan, hindi na tayo magbabakasakaling danasin ang “Dios ng Lawa” at mangarap ng bagong buhay.

Ito ang diwa ng ikabente-kuwatro ng Disyembre. Naghihintay tayo sa meron, hindi sa wala. Naranasan na natin ang maghintay sa walang darating; sa isang pangakong laging napapako. Sa kabilang-banda naranasan na natin ang maghintay sa merong darating, tulad ng paghihintay ng minamahal na nangibang bansa at nasa eroplano na patungong Pilipinas.

Ang Pasko ay isang paghihintay sa meron; sigurado ang bukang-liwayway. Kailangan lamang na magbakasakali, harapin ang lahat ng takot, lisanin ang kulungan at maghintay. Ito ang Awit ni Zacharias sa Ebanghelio: “magbubukang-liwayway sa atin ang araw ng kaligtasan, upang magbigay liwanag sa mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan, at patnubayan tayo tungo sa daan ng kapayapaan” (Lukas 1:78-79).

Sa araw na ito, mainam na pagnilayan natin ang ating buhay na may kasiyahan sa ating puso. Ibabad nawa natin ang ating sarili sa tunay na kagandahan at liwanag ng Pasko, at hindi makulong sa mga nagkukunwaring liwanag. Mas mainam kung manahimik tayong nakamasid sa Belen: suriin ang madidilim na parte ng ating buhay na kailangan ng Liwanag ng Niñong isisilang. Manalanging maisilang si Hesus sa gitna ng ating buhay. Pagkatapos, hayaang maglaro ang iba’t ibang kulay sa lawa ng ating buhay, sanhi ng tunay na Liwanag.

No comments: