Ang Butil Ay Isang Pangako


ika-18 ng Disyembre 2011 Ika-4 na Linggo ng Adbiyento
2 Sm 7:1-5, 8b-12, 14a, 16; Psalm 89; Rom 16:25-27; Luke 1:26-38

Minsan magkasamang nagtatanim sa hardin si Lola Indang at si Lilia, ang kanyang apo. Sinusuri nila ang mga butil ng iba’t ibang bulaklak. Wika ni Lilia, “Kakaibang mumunting mga pangako itong mga butil. Maliliit na pangako ang bawat isa sa kanila, di po ba, Lola?”

“Tama ka, apo,” sagot ni Lola Indang. “Bawat butil ay isang pangako. Ngunit, tulad ng mga pangako, may mga kailangang kondisyon upang ito’y tumubo at lumaganap.”

“Ano po ang mga kondisyon ito?” tanong ni Lilia.

“Kailangang hayaan ng bawat butil na ibaon siya sa lupa, isalang sa init ng araw, ibabad sa ulan, at subukan ng hangin upang mamulaklak, mamunga at maging ganap na tanim,” paliwanag ni Lola Indang.

Nangako ang Diyos ng kaginhawaan sa panahon ng kapighatian; ng lakas sa panahon ng tukso’t pagsubok at ilaw sa panahon ng kadiliman. Ngunit hindi makakamit ang lahat ng ito kung wala tayong pananampalataya sa Kanya at lakas ng loob magtiwala sa Kanyang tawag sa bawat isa sa atin.

Katulad tayo ng mga butil. May plano ang Panginoon sa bawat isa sa atin. Sa ating mga kamay nakaukit ang balak niyang gawing ganap tayong mabuti at banal. Nasa atin ang kapalarang maging tunay niyang mga anak. Ngunit bago maisakatuparan ito, kailangan nating “pumirma sa kontrata” - maging aktibong nakikiisa sa Panginoon.

Ito ang mensahe ng lahat ng pagbasa sa huling linggo sa panahon ng Adbiyento. Unti-unti tayong inihahanda ng Panginoon sa bawat linggo upang tanggapin nating lubusan ang pakiki-isa sa pagpapatupad ng pangako Niyang kaligtasan. Sa unang linggo, inilapag Niya ang kanyang pangako. Sa pangalawang linggo, inihanda niya ang ating mga puso sa pamamagitan ng paglilinis sa ating mga budhi at pakikipagkasundo bilang pagpapawi sa ating mga kasalanan. Sa pangatlong linggo, pinangako niya ang kasiyahan sa buhay kung sasali tayo sa kanyang planong ito. At ngayon, tinatanong na tayo kung sasama ba talaga tayo sa kanya.

Habang binabasa natin ang Ebanghelio ukol sa pagbati ng Arkanghel Gabriel kay Santa Maria, tinatanong din tayo, tulad ni Maria, kung nais nating makilahok sa planong ito. Umaasa ang Simbahan na ang ating sagot sa tawag ng Panginoon ay tulad sa tugon ni Maria.

Bago ang pagbati ni Arkanghel Gabriel kay Maria, minumungkahi ni San Ignacio de Loyola sa isang nagre-retreat na ginagamit ang kanyang librong, Spiritual Exercises, ang isang eksena sa kalangitan. Pinagmamasdan ng Tatlong Persona ang sanlibutan at nakita Nila ang ating pagkamakasalanan. Dahil dito, nagpasya Silang ipadala na ang pinangakong Mesias upang iligtas ang sanlibutan.

Doon nila pinili si Maria upang maging ina ng Pangalawang Persona, si Hesus. Kailangan Nila ang ‘oo’ ni Maria sa pagpapatupad ng Kanilang binabalak. Ito ang unang kondisyon ng pagbabago tungo sa ganap na buhay. Tunay at tapat ba ang ating pagsang-ayong makilahok sa balak ng Tatlong Persona?

Pangalawa, ang pakikibahagi sa balak ng Diyos ay hindi sa salita lamang. Tulad ng maraming pangako, ilang sandali lamang ang pagpapabatid. Ilang segundo lamang ang pagpirma sa isang kontrata; ilang minuto lamang ang pangako sa kasal. Isang iglap lamang ang isang sumpaan, ngunit ang kakabit ng ilang sandali ay buong hinaharap na buhay. Kasama sa isang kataga ng “oo” ni Maria ang kapighatiang haharapin niya bilang ina ng tagapagligtas. Kaakibad ng kanyang “oo” ang pait ng paglisan ng kanyang Anak isang araw upang gawin ang kalooban ng Diyos. Higit sa lahat, bahagi nito ang pagyakap sa hapdi ng pinakamalalim na sugat, ang pagpapakasakit at pagkamatay ng kanyang Anak sa krus. Tulad ng butil, kailangan nitong maging bukas sa lahat ng uri ng pagsubok upang ito ay lumago, mamulaklak at mamunga.

Pangatlo, ang hiling ng Panginoon sa atin ay pagpapakumbaba. Mukhang mahirap isakatuparan ang balak ng Panginoon sa atin. Sino ba naman ang nadadalian sa pagpapakabanal? Sino ba naman ang hindi nahihirapan hanapin ang tawag ng Diyos sa ating personal na buhay? Ngunit kung susuriin natin ang mga bida sa panahon ng Adbiyento tulad ni Sarah at Abraham, si Manoah at ang kanyang asawa, si Hannah, si Haring Dabid, si Zacarias at Elizabeth, at kung isama pa ninyo ang mga apostoles, si San Pablo, hindi nila ipinagkaila ang kanilang kahinaan. Ito ang huling kondisyon: ang mapagkumbabang puso’t diwa.

Ipagdasal natin na maganap nawa ang mga kondisyong ito sa atin, upang ganap ang pagtanggap natin sa pagdating ni Hesus sa ating buhay.

No comments: